Friday, December 23, 2016

Akkadian Empire

Pinamunuan ni Haring Sargon ang kauna-unahang imperyong itinatag sa kasaysayan ng daigdig, ang Imperyong Akkadian. Nagtagumpay sis argon na mapag-isa ang mga lungsod-estado ng Sumer sa kaniyang pamamahala noong dakong 2300 B.C.E.

Pinalawak ni Sargon ang teritoryong sakop ng Imperyong Akkadian na umabot mula sa mga dalampasigan ng Mediterranean Sea hanggang sa timog na bahagi ng Persian Gulf.

Bukod sa pagpapalawak ng lupain, naging abala rin si Sargon sa pagpapagawa at pagkukumpuni ng dike at Sistema ng patubig sa Mesopotamia. Pinabantayan din niya sa kaniyang mga mandirigma ang mga pangunahing rutang pangkalakalan ng imperyo. Tumagal ang pamamahala ni Sargon ng mahigit 50 taon. Maraming aspekto ng kulturang Sumerian ang inangkin din ng Akkadian. Pinakamahalaga rito ang cuneiform.


Dahil sa paghalili kay Sargon ng mahihinang pinuno ay humina at tuluyang bumagsak ang Imperyong Akkadian.

Tuesday, November 29, 2016

Kabihasnang Tsino

Katulad ng India, nanirahan din sa China ang mga sinaunang tao sa loob ng ilang libong taon. Patunay rito ang pagkakatuklas ng mga arkeologo ng mga ebidensiyang may Sistema ng pagsasaka ang mga Tsino may 8000 taon na ang nakararaan. Sa pagpasok ng dakong 2000 B.C.E. , umunlad ang mga pamayanang Tsino sa tabi ng Yellow River (o Huang Ho River).

Kalagayang Heograpikal ng China

Matatagpuan ang China sa Silangang Asya. Kung lupain ang pag-uusapan, ito ang pinakamalaking bansa sa Asya. May kabuuang sukat ito na higit sa 9,300,000 kilometro kuwadrado o halos 32 ulit ng laki ng Pilipinas.

Ihinihiwalay ng mga likas na balakid ang China sa iba pang pook sa Asya. Nasa hilaga nito anf Gobi Desert; sa timog-kanluran, ang Himalayas; sa silangan, ang mga anyong tubig tulad ng Yellow Sea at East China Sea; sa timog-silangan, ang South China Sea; at sa kanlurang bahagi naman, ang Tibetan Plateau at Taklamakan Desert.

Ang mga Ilog Huang Ho at Yangtze

Katulad sa Mesopotamia at India, karaniwang nanirahan ang mga sinaunang tao sa China sa mga lambak-ilog. Ito ay dahil na rin sa mga kabutihang dulot ng ilog sa pamumuhay ng mga tao tulad ng mapagkukunan ng tubig na maiinom, patubig sa mga sakahan, at mabilis na transportasyon. Dalawa sa pinakamahalagang ilog sa China ang Chang Jiang (Yangtze) at Yellow River (Huang He).

Ang Chang Jiang ang pinakamahabang ilog sa Asya at pa-ngatlo sa buong daigdig kasunod ng Nile at Amazon River. Dumadaloy ang tubig ng Chang Jiang mula sa mataas na lupain sa timog China palabras ng east China Sea. Isa ito sa pangunahing rutang pangkalakalan ng mga sinaunang Tsino.

Lumalandas naman ang Yellow River sa hilagang China mula Tibetan Plateau palabras ng Yellow Sea. Naging isang malakas na puwersang heograpikal ang Yellow River sa kasaysayan ng bansa at nagdulot ito ng mabuti at hindi mabuting pangyayari sa mga Tsino mula pa noong sinaunang panahon.

Sinaunang Kasaysayan at Pamumuhay ng Kabihasnang Shang

Bago pa man nakamit ng mga tsino ang kabihasnan, ipinapalagay na may mga naitatag nang pamayanan sa lambak-ilog ng Yellow River. Noong dakong 2000 B.C.E., may mga nanirahang katutubong Tsino sa naturang pook na nakapagtayo ng mga tirahang may bubong na pawid o kugon. Mayroon na rin silang paraan ng pagtatanim at mga kanal na nagsilbing patubig at pangkontrol sap ag-apaw ng tubig sa Yellow River.

Paglipas ng panahon, umunlad ang nasabing mga pamayanan at ilan dito ay naging mga lungsod. Noong dakong 1750 B.C.E., isang pamilya ang naging makapangyarihan at tuluyang namahala sa lambak-ilog ng Yellow River. Ito ang pamilya Shang na pinagmulan ng mga naging pinuno sa loob ng mahabang panahon. Kinilala ang pamamahala ng pamilyang ito bilang dinastiyang Shang.

Pinangasiwaan ng dinastiyang Shang ang China particular ang bahagi sa silangan ng Yellow River at Chang Jiang. Ayon sa mga arkeologo, mahigit sa 300 pamayanan ang nasa rehiyong ito. Isa sa pinakamaunlad na lungsod ang Anyang, ang sentro ng dinastiyang Shang. Matatagpuan sa naturang lungsod ang palasyo ng hari at ang templo. Makikita rin sa Anyang ang mga tindahan, gusaling imbakan ng pagkain, at iba pang mga pampublikong gusali.


Tumagal ang dinastiyang Shang ng mahigit 500 taon. Noong dakong 1122 B.C.E., sinakop ang lungsod ng Anyang ng isang pangkat ng mga tsino na nagmula sa kanlurang bahagi ng China. Kinilala sila bilang mga Zhou. Ito ang nagwakas sa kabihasnang Shang. 

Kabihasnang Sumerian

Umunlad ang kauna-unahang kabihasnan sa daigdig sa mga lungsod ng Sumer. Matatagpuan ito sa Mesopotamia.

Kalagayang Heograpikal ng Mesopotamia
Sa malaking bahagi ng kasalukuyang Iraq matatagpuan ang Mesopotamia. Kabilang ito sa tinatawag na Fertile Crescent, isang sinaunang rehiyon ng Asya na may matabang lupain at lumalandas mula Persian Gulf hanggang Mediterranean Sea. Sa pook na ito dumadaloy ang kambal na ilog na Tigris at Euphrates. Hinango ang pangalang “Mesopotamia” sa dalawang salitang Grek na mesos at potamos na nangangahulugang pagitan a ilog, kung kaya’t ang Mesopotamia ay tinaguriang “Lupain sa Pagitan ng Dalawang Ilog.”

Napaliligiran ang Fertile Crescent at Mesopotamia ng mga likas na hangganan. Nasa hilagang-kanluran nito ang Taurus Mountains samantalang nasa hilagang-silangan ang Zagros Mountains. Nasa timog na bahagi naman ang Syrian Desert at Arabian Desert. Ang Persian Gulf at Mediterranen Sea ang nasa magkabilang  dako ng Fertile Crescent at Mesopotamia.

Naging mabuti ang dulot ng mga ilog Tigris at Euphrates kung kaya’t naging kaiga-igaya ang rehiyon upang panirahan ng mga sinaunang tao at makapagtatag ng mga pamayanan sa Mesopotamia.

Sa kabila ng kabutihang dulot ng mga ilog sa mga nanirahan sa Mesopotamia, hindi maikakailang naging suliranin din ang pag-apaw ng kambal na ilog. Nagdulot ito ng malawakang pagbaha na ikinasira ng mga pananim at maging ng mga tirahan, at pagkasawi ng mga taga Mesopotamia. Dahil dito, natutuhan nilang gumawa ng Sistema ng patubig sa mga panahon ng tagtuyot at protektahan ang mga pananim mula sa matitinding pagbaha.

Bukod sa mainanm na lupang pansakahan at yamang tubig na handog ng Tigris at Euphrates, may kabutihang dulot din ang pagkakaroon ng Mesopotamia ng mga likas na hangganan. Ang mga kabundukan sa hilaga, dagat sa silangan at kanluran, at disyerto sa timog ang nagsilbing hadlang laban sa mga dayuhang nais sumakop sa Mesopotamia. Hindi naging madali para sa mga mananakop na mapabagsak ang Mesopotamia dahil kinailangan pa nilang tawirin ang mga anyong lupa at anyong tubig na ito bago tuluyang masakop ang Mesopotamia.

Kasaysayan at Pamumuhay sa Kabihasnang Sumerian

Ang pagdating at paninirahan ng mga sinaunang tao sa timog na bahagi ng Fertile Crescent ang simula ng kasaysayan ng Mesopotamia. Sa pagitan ng 3500 B.C.E. at 3000 B.C.E., umunlad ang mga pamayanan at naging lungsod ang mga ito. Tinawag ang rehiyong ito bilang Sumer at ang mga nanirahan dito bilang Sumerian.

Binuo ang Sumer ng mga lungsod-estadong nagsasarili at may malayang paraan ng pamamahala. Pinahalagahan ng mga Sumerian sa bawat lungsod-estado ang kanilang kalayaan at handing makipaglaban kung ang kalayaang ito ay nasa panganib. Ilan sa mga tanyag na lungsod-estado ng Sumer ang Kish, Ur, Larak, Nippur, at Lagash.

 Sa kabila ng kani-kaniyang pamamahala, nagkaisa naman ang mga Sumerian sa iba’t ibang lungsod-estado pagdating sa paraan ng pamumuhay. Ilang patunay nito ang sama-sama nilang pagkontrol sa mga pagbaha dulot ng pag-apaw ng tubig sa kambal na ilog, iisang pagsamba sa kanilang mga diyos, at aktibong paglahok sa kalakalan sa pagitan ng mga lungsod-estado.

Ang pagkakaimbento ng Sistema ng pagsulat ang isa sa pinakamahahalagang salik sa tagumpay ng mga Sumerian bilang mga unang tagapagtaguyod ng kabihasnan. Tinatawag na cuneiform ang paraan ng pagsulat ng mga Sumerian.

Ayon sa ilang historyador, naimbento ang cuneiform nang magsimulang magtala ang mga Sumerian ng mga labis na produkto mula sa pagsasaka.

Gumamit sila ng pinatulis na tangkay ng damo sa pagsulat ng mga simbolo sa basang clay tablet. Naging permanenting tala ang nasabing clay tablet matapos matuyo.

Ang pinakamatandang clay tablet na natuklasan sa Sumer ay ipinagpalagay na ginawa noong 3500 B.C.E. Naglalaman ito ng mga simbolo ng mga bagay na kanilang nakikita. Paglaon, umunlad ang mga simbolong ito hanggang sa maging tiyak ito para sa pagsulat.

Hindi lahat ng mga Sumerian ay may kakayahang magsulat ng cuneiform dahil lubhang masalimuot ang pag-aaral nito. Tinawag na scribe ang dalubhasa sa pagsulat ng cuneiform.

Mataas ang antas ng pamumuhay ng mga Sumerian. Ipinapalagay ng mga historyador na unang gumamit ng gulong ang mga Sumerian. Ito ay ginamit sa pagdala ng mga kalakal sa iba pang pook. Ang potter’s wheel ang nagpadali sa paggawa ng mga banga. Gumamit din ang mga Sumerian ng araro sa pagsasaka, at naglagay ng mga arko sa kanilang mga estruktura.

Ang kawalan ng pinunong makapag-iisa sa mga nagsasariling lungsod-estado ng Sumer at ang patuloy na paglalabanan para sa kapangyarihan ang naging sanhi ng paghina ng mga Sumerian sa Mesopotamia. Tuluyang napag-isa ang Sumer nang sakupin ang mga ito ng puwersang military mula sa Kish sa pangunguna ni Haring Sargon.

Buhay Sumerian

Wala silang pagkakaisang political kung kaya’t nagtayo sila ng nagtataasang pader palibot sa lungsod. Nagsilbi itong proteksiyon laban sa mga kaaway at mga nagnais na sakupin ang lungsod.

Sumamba sila sa maraming diyos at diyosa. Bawat lungsod-estado ay may natatanging diyos na pinag-alayan ng mga handog at sakripisyo. Dalawa nito sina Ishfar na diyosa ng pag-ibig at digmaan, at Enki na diyos ng tubig.

Isang mahalagang gusali sa Sumer ang pook-sambahan ng mgaSumerian, ang ziggurat na nangangahulugang ‘’bundok ng diyos’. Hugis piramide ito at may mga baiting na lumiliit habang papataas. Dito makikita ang bantayog ng kanilang diyos gayundin ang silid para sa kanilang pari.

Karaniwang yari sa luwad ang mga bahay sa Sumer. Isang palapag lamang ang taas ng mga bahay bagama’t ang mga maykaya ay nakapagpagawa ng dalawang palapag na tirahan.


Nagpatayo sila ng mga dike at kanal bilang bahagi ng Sistema ng patubig para sa kanilang sakahan at upang maibsan ang epekto ng pagapaw ng kambal na ilog.

Kabihasnang Indus

Maliban sa Kanlurang Asya, naging sentro din ang Timog Asya ng isa sa mga sinaunang kabihasnan sa daigdig. Ito ang Harappa at Mohenjo-Daro na matatagpuan sa kasalukuyang India at Pakistan.

Kalagayang Heograpikal ng India

Matatagpuan ang India sa malaking bahagi ng Timog Asya. Ang  rehiyong ito ay tinatawag na “subcontinent of Aisa”. Kahugis ng Indian subcontinent ang nakabaligtad na tatsulok, at mas malaki kaysa kanlurang Europe.

Sentro ng kabihasnan sa rehiyon ang matabang lupain sa lambak ng Indus River. Lumalandas ang naturang ilog sa kabundukan ng Himalayas at dumadaloy sa China, India, at Pakistan.

Ang mayamang deposito ng banlik at tubig mula sa Indus River ang nagpataba sa paligid ng lambak Indus. Dahil dito, Indus River ang nagpataba sa paligid ng lambak Indus. Dahil dito, naganyak ang mga sinaunang tao na manirahan at magtatag ng mga pamayanan sa nasabing pook. Sa katunayan, pinatotohanan ng mga arkeologo na may mga nanirahan sa rehiyon sa mga taong 7000 B.C.E.

Ihinihiwalay ng mga nakapaligid na anyong lupa at anyong tubig ang Timog Asya sa iba pang rehiyon ng Asya. Matatagpuan ang nagtataasang Himalayas sa hilaga ng rehiyon. Dito matatagpuan ang Mt. Everest, ang pinakamataas na bundok sa daigdig. Ang mga nagtatayugang kabundukang ito ang nagsisilbing hangganan ng Timog Asya sa China at iba pang pook sa Hilagang
Asya at Silangang Asya.

Ang Hindu Kush sa kanluran kung saan may likas na lagusan na tinatawag na Khyber Pass ang nagsilbing daanan ng mga dayuhang nais magtungo sa rehiyon. Nasa silangan ng Indus Valley ang Thar Desert (o Great Indian Desert) samantalang ang Indian Ocean ang hangganan ng Timog Asya sa timog.

Malaki ang epekto ng heograpikal na kinaroroonan ng Timog Asya sa mga sinaunang taong nanirahan dito. Ilan sa mga hamong kinaharap ng mga katutubo ang pag-apaw ng tubig sa Indus River at matinding tagtuyot o tag-ulan na dala ng hanging monsoon. Ang mga akapaligid na kabundukan ay nagbibigay-proteksiyon laban sa mga dayuhang mananakop. Nakatulong naman sa mahusay na pakikipagkalakalan ng mga sinaunang Asyano ang paglalayag sa Indus River at Indian Ocean.

Kasaysayan at Pamumuhay ng Kabihasnang Indus

Karaniwang nakabatay ang salaysay ng kabihasnang Indus sa mga artifact at labi nito. Ito ay dahil hindi pa nauunawaan ng mga historyador ang Sistema ng pagsulat ng mga sinaunang tao sa India.

Walang malinaw na batayan kung paano umusbong ang kabihasnan sa India. Ipinapalagay ng mga eksperto na naglayag mula sa Africa ang mga nandayuhang tao sa India. Ang iba ay maaaring dumaan sa Khyber Pass.

Bagama’t hindi naitala ang simula ng kasaysayan ng kabihasnang Indus, natitiyak ng mga arkeologo na may mga pamayanang umunlad sa lambak Indus. Ang mga natuklasang mahigit sa 100 pamayanan sa naturang lambak ang nagpapatunay na may mahusay na pamumuhay ang mga sinaunang tao sa Timog Asya.

Dalawa sa pinakantanyag na lungsod sa kabihasnang Indus ang Harappa at Mohenjo-Daro. Matatagpuan ang Harappa sa hilagang bahagi ng Indus River, samantalang nasa timog ng ilog ang Mohenjo-Daro. Magkalayo ang dalawang lungsod na ito ng halos 640 kilometro. Sa kabila nito, pinag-isa ng Indus River ang mga katutubo ng Harappa at Mohenjo-Daro. Gumamit sila ng mga bangka upang makipag-ugnayan sa isa’t-isa.

Pamumuhay sa Kabihasnang Indus

Ipinapalagay ng mga historyador na naging maunlad ang Harappa at Mohenjo-Daro mula dakong 2500 B.C.E. hanggang dakong 1600 B.C.E. Tinatayang may 30,000 ang populasyon sa bawat lungsod. Bunsod nito, nangailan ang dalawang lungsod ng maayos at kongkretong pangangasiwa upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa kani-kanilang lugar.

Isa sa natatanging katangian ng kabihasnang Harappan ay ang pagiging planado ng mga lungsod nito. Tunghayan ang Pigura 6.2 para sa paglalarawan ng naturang kabihasnan.

Pangunahing ikinabuhay ng mga tao sa kabihasnang Indus ang pagtatanim ng palay at gulay. Natutuhan nila ang Sistema ng patubig upang madiligan ang kanilang mga sakahan kahit sa panahon ng tagtuyot. Marami rin sa mga taga-Indus ang nag-alaga ng hayop tulad ng tupa, baka, at kambing.

Mahusay rin sa pakikipagkalakalan ang mga sinaunang tao sa Harappa at Mohenjo-Daro. May mga natuklasang artifact na Indus stone seal na ipinapalagay na ginamit ng mga mangangalakal upang matukoy ang kanilang mga produkto. Patunay ito na nakipagkalakalan sila hindi lamang sa mga karatig-pook, kung hindi sa malalayong pamayanan tulad ng Mesopotamia at Egypt.

Kinakitaan din ng iba pang kabuhayan ang mga taga-Harappa at Mohenjo-Daro tulad ng paghahabi ng tela at paggawa ng palayok at kasangkapang metal.

Sa wika, maraming clay tablet na may Harappan pictogram o larawang simbolo ang natuklasan ng mga arkeologo sa iba’t ibang bahagi ng mga lungsod sa Indus. Sa kasalukuyan, hindi pa naisasalin sa makabagong wika ang mga sulat at pictogram ng mga taga-Indus kung kaya’t kakaunti pa rin ang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Harappa at Mohenjo-Daro.

Paghina ng Kabihasnang Indus

Isa sa taglay na hiwaga ng kabihasnang Indus ang misteryosong pagwawakas ng Harappa at Mohenjo-Daro. Ayon sa mga arkeologo, humina at tuluyang bumagsak ang kabihasnang Indus sa pagitan ng 1600 B.C.E. at 1500 B.C.E. Ipinapalagay na ilan sa mga sanhi nito ay pagbabago ng klima, matinding pagbaha sa mga lungsod, malakas na lindol, at paglihis ng agos ng Indus River. Ang pagdating ng mga dayuhang tinawag na Aryan sa India ang sinasabing tuluyang nagpabagsak sa kabihasnang Indus.

Monday, May 23, 2016

KULTURANG NEOLITIKO

Naganap ang Panahong Neolitiko noong 7000 hanggang 3000 B.C.E. Sa panahong ito, hindi na lubusang umasa ang mga tao sa kanilang kapaligiran. Isa sa mga patunay nito ay ang pagsisimula ng pagsasaka. Tinatawag ang pagbabagong ito na Neolithic Revolution. Hindi pa rin naipaliliwanag sa kasalukuyan kung paano natutuhan ng tao na magtanim at magsaka. Ang maliwanag lamang ay isa itong malaking pagbabagong nagdulot ng pag-unlad sa pamumuhay ng mga sinaunang tao.


Sa panahong Neolitiko ay naganap din ang pagbabago sa panirahan ng mga sinaunang tao. Mula sa pagiging lagalag ay naging sedentary o may permanenteng tirahan ang mga sinaunang tao. Kinailangan nilang gumawa ng bahay malapit sa kanilang mga pananim upang ito ay kanilang maalagaan at mabantayan mula sa pananalasa ng mababangis na hayop. Dahil matagal ang proseso ng pagsasaka at pag-aani ng mga bunga, naging pangmatagalan ang paninirahan ng mga tao sa mga bahay na kanilang ginawa.

KULTURANG MESOLITIKO

Naganap ang Panahong Mesolitiko mula 10,000 hanggang 4500 B.C.E. Sa panahong ito naganap ang isang malaking pagbabagong pangkapaligiran – ang pagkatunaw ng mga glacier o malalaking tipak ng yelo. Ang pangyayaring ito ay nagbigay-daan sa paglago ng mga puno at halaman sa mga kagubatan. Patuloy pa ring nangaso at nangalap ng pagkain ang mga sinaunang tao. Subalit hindi tulad noong Panahong Paleolitiko, naging mahirap para sa mga sinaunang tao sa Panahong Mesolitiko ang mangalap ng pagkain mula sa kapaligiran. Natutuhan nila sa panahong ito ang pagpapaamo ng mga aso. nakatulong ito sa kanilang panga-ngaso ng mababangis na hayop. Mas mahusay rin ang mga nabuong kagamitang bato sa panahong ito bagama’t hindi pa rin gaanong Pulido o maayos ang pagkakagawa.


Noong Panahong Mesolitiko rin nagsimulang manirahan ang mga sinaunang tao malapit sa mga pampang ng ilog at dagat. Bunga nito, nadagdagan ng mga lamang-ilog at lamang-dagat ang uri ng kanilang pagkain. Maituturing na pinakamahalagang ambag ng mga sinaunang tao. Sa panahong ito ang sasakyang pandagat na tinatawag na dugout o  canoe. Ginamit nila ito sa pangingisda sa mga ilog at sa mababaw na bahagi ng dagat.

PALEOLITHIC CULTURE

Kabilang sa Panahong Paleolitiko ang mga taon mula 400,000 hanggang 8500 B.C.E. Sa panahong ito nagsimulang gumawa ng kagamitang gawa sa bato ang sinaunang tao. Inilalarawan bilang magaspang ang mga kagamitang bato sa panahong ito sapagkat hindi pa gaanong Pulido at maayos ang pagkakagawa sa mga kasangkapan.

Umasa sa kalikasan ang mga sinaunang tao sa panahong ito. Pangangaso at pangangalap ng pagkain ang kanilang pangunahing ikinabubuhay. Ang mga pangkat ng kalalakihan ay sama-samang nangaso habang ang kababaihan naman ang nangalap ng pagkain. Lahat ng nakuhang pagkain ay inipon at pinaghati-hatian ng mga kasapi ng angkan.

Palipat-lipat din ng tirahan ang mga tao noong Panahong Paleolitiko. Tinatawag ang paraan ng pamumuhay na ito na nomadic  lagalag, nangangahulugang walang permanenteng tirahan. Tinawag naman ang mga taong lagalag na nomad.

Noong una, nakagawian ng mga sinaunang tao ang pagkain ng hilaw na karne, subalit nagbago ito dulot ng pagkakatuklas ng apoy. Itinuturing na pinakamahalagang tuklas sa Panahong Paleolitiko ang paggamit ng apoy. Ayon sa isang teorya, natuklasan ang apoy dahil sa pagtama ng kidlat sa isang punongkahoy. Nagliyab ito at nabuwal sa isang mabangis na hayop. Nang matikman ng mga sinaunang tao ang lasa ng nalutong karne, nagustuhan nila ito at nagsimulang gumawa ng apoy mula sa pagkiskis ng bato. Kinalaunan, natuklasan din ng mga sinaunang tao ang paggawa ng apoy sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagkiskis ng kahoy.

Pinatunayan ng mga nahukay na labi sa Indonesia at China ang pamumuhay ng mga sinaunang tao sa kontinente. Batay sa mga nahukay na buto at kasangkapan, masasabing ang Taong Java at Taong Peking ay mahusay na mangangaso at may kaalaman sa paggamit ng apoy. Bihasa rin sila sa paggawa ng kagamitang bato.

Sa Pilipinas naman ay may mga natagpuang buto ng malalaking hayop at mga kagamitang bato. Natagpuan ito sa Cagayan kung saan pinaniniwalaang nanirahan ang Taong Cagayan 500,000 hanggang 250,000 taon na ang nakalilipas. Samantala, ang mga natagpuang buto sa yungib ng Tabon sa Palawan ay patunay ng paninirahan ng sinaunang tao sa Pilipinas. Tinawag itong Taong Tabon na tinatayang nabuhay noong 23,000 B.C.E.


Naniwala rin ang mga taong Paleolitiko sa kabilang buhay. Kung kaya’t pinabaunan din nila ng mga gamit ang kanilang mga yumao.