Muling nakamit ang kaayusan sa China nang
tuluyang makontrol ng dinastiyang Han ang pamamahala sa imperyo noong 202
B.C.E. Ang sumunod na 400 taon ay kinakitaan ng mataas na antas ng kabihasnang
nagluklok sa China bilang pinakamakapangyarihang imperyo sa Asya sa panahong iyon.
Sa dinastiyang Han lubhang lumaki ang populasyon ng mga Tsino mula 20 milyon
patungong higit 60 milyon. Muling nanumbalik ang Confucianism na sapilitang
iwinaksi sa buhay ng mga Tsino sa panahon ni Shi Huangdi.
Naging matagumpay ang pamumuno ng dinastiyang
Han dahil sa dalawang dakilang pinuno: sina Gaozu at Wudi.
Pamamahala ni Wudi
Si Wudi (Wu Ti) ang isa sa
maiimpluwensiyang emperador ng dinastiyang Han. Sa kaniyang panahon lumawak ang
nasasakupan ng imperyo. Idinagdag niya ang katimugang rehiyon sa ibaba ng Chang
Jiang na kasalukuyang hilagang Vietnam. Nakontrol din niya ang hilaga ng
imperyo patungong Manchuria.
Pinatatag ni Wudi ang kaniyang pamamahala
sa pamamagitan ng sistemang serbisyo sibil. Tumutukoy ito sa pang-araw-araw na
pagsasagawa ng tungkuling pampamahalaan. Yaong mga nagnais na makapaglingkod o
maging opisyal ng imperyo ay kailangang pumasa sa civil service examination.
Kabilang sa pagsusulit ang kaalaman sa mga aral at katuruan ni Confucius,
kasaysayan, at mga batas ng imperyo. Sa sistemang serbisyo sibil, nakabatay ang
pagpili ng magiging opisyal ng imperyo sa kaalaman at hindi sa pagmana ng
posisyon mula sa pamilya.
Nakamit sa panahon ni Wudi ang matagalang
kapayapaan at kaayusan sa buong imperyo. Sa kaniyang pagkamatay noong 87 B.C.E.,
nagpatuloy ng halos 150 taon ang kapayapaan sa imperyong han. Ito ang panahong
kilala bilang Pax Sinica o Kapayapaang Tsino.
Sa ilalim ng dinastiyang Han nakamit ng mga
Tsino ang isa sa “Ginintuang Panahon” ng China.
Kalakalan sa Silk
Road
Sa panahong Han nagging aktibo ang
pakikipagkalakalan ng mga Tsino sa labas ng imperyo. Noong 106 B.C.E.,
naglakbay ang kauna-unahang caravan o pangkat ng mga mangangalakal na Tsino na
sakay ng mga kamelyo patungong kanluran. Dala-dala nito ang mga produktong sedan
a ipagbibili sa mga dayuhang mangangalakal.
Paglaon, ang rutang nilakbay ng naturang
mga mangangalakal na Tsino ay tinawag na Sil Road. Ang rutang iro ay tinatayang
may habang 8000 kilometro mula China hanggang sa rehiyong Mediterranean sa
kanluran ng Asya.
Pagbagsak ng Han
Kalaunan, humina ang kapangyarihan ng Han.
Ilan sa mga dahilan nito ay ang mahinang pamamahala at katiwalian ng mga
sumunod na emperador, paglakas ng mga maharlika, pananalakay ng mga nomadikong
dayuhan mula sa hilagang China.
Noong 189 C.E., matagumpay na sinakop ng
mga rebeldeng mandirigma ang Chang’an. Pagdating ng taong 220, tuluyan nang
sumiklab ang mga digmaang sibil at bumagsak ang dinastiyang Han.
No comments:
Post a Comment