Friday, December 23, 2016

Panahong Shogunate (Kabihasnang Hapones)

Sa pagtatapos ng ika-12 siglo, tumindi ang paglalabanan ng mga pamilyang maharlika na humantong sa pagsiklab ng digmaang sibil. Isang pamilya, sa pamumuno ni Minamoto no Yoritomo (1142-1199), ang lumupig sa iba pang nag-aalitang angkan at itinatag ang sentro ng pamahalaan sa tangway ng Kamakura na nasa timog ng kasalukuyang Tokyo. Ito ang simula ng mas sentralisadong pamahalaan, ang Kamakura shogunate.

Naging Mabuti ang pagkakaroon ng sentralisadong pamahalaan ng Japan sa panahon ng Kamakura shogunate. Sa pagpasok ng ika-13 siglo, naharap ang mga Hapones sa matinding hamon, ang pananalakay ng mga Mongol.

Noong 1268, ipinag-utos ni Kublai Khan ang sapilitang pagbayad ng buwis ng Japan sa Imperyong Mongol. Pagkaraan ng anim na taon, nauwi sa pagsalakay ng mahigit 30,000 mandirigmang Mongol ang pagtanggi ng mga Hapones na magbayad ng buwis. Nakaligtas ang Japan sa pananakop ng mga Mongol dahil sa malakas na bagyo. Noong 1281, muling tinangka ng mga Mongol na sakupin ang Japan at nagpadala ng malaking hukbo na umabot sa halos 150,000 na mandirigma. Muli silang nabigo dahil sa mas malakas na bagyong ikinasira ng mga barkong pandigma ng mga Mongol. Pagkaraan ng dalawang pagtatangkang ito, hindi na muling binalak na sakupin ng mga Mongol ang Japan. Dahil sa pagkakaligtas ng Japan mula sa bantang pananakop ng mga Mongol, itinuring ng mga Hapones na banal ang bagyo at tinawag nila itong kamikaze o banal na hangin.

Sa kabila ng tagumpay laban sa mga Mongol, humina ang Kamakura shogunate dahil sa pagkaubos ng kaban ng yaman at pagkawala ng katapatan ng mga samurai sa pamahalaan. Noong 1333, pinatalsik ni Emperador Go-Daigo ang Kamakura at inihayag ang kaniyang pamumuno sa Japan na tinatawag na Kemmu Restoration. Pagkaraan ng limang taon, kinalaban siya ng isang maimpluwensiyang angkan sa pangunguna ni Ashikaga Takauji at nagtatag ng bagong shogunate, ang Muromachi.

Naging sentro ng pamamahala ng Ashikaga ang lungsod ng Kyoto. Sa panahong ito, hindi ganap ang pagiging sentralisado ng pamahalaang Ashikaga. Nagpatuloy ang mga digmaang sibil at kaguluhang political mula 1467 hanggang 1568. Tinawag itong Sengoku o panahon ng naglalabanang mga estado.

Noong 1568, nagtagumpay ang makapangyarihang daimyo na si Oda Nobunaga na magapi ang iba pang daimyo. Sa kabila nito, hindi tuluyang napag-isa ni Nobunaga ang Japan. Sa kaniyang pagkamatay noong 1582, pinalitan siya ni Toyotomi Hideyoshi, ang kaniyang pinakamahusay na heneral. Ipinagpatuloy ni Hideyoshi ang pagsupil sa mga kalabang daimyo. Noong 1590, kontrolado niya ang malaking bahagi ng Japan. Ang panahong ito ay tinawag na Azuchi-Momoyama na batay sa mga lalawigan kung saan itinatag ng dalawang pinuno ang kanilang kaharian.

Hingangad din niHideyoshi na mapasakamay ang China. Dahil ditto, tinangka niyang sakupin ang Korea ngunit nabigo ito. Pinigilan niya ang paglaganap ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagbabawal na tangkilikin ito. Namatay si Hideyoshi noong 1598.

Isa sa malalakas na kaalyadong daimyo ni Hideyoshi si Tokugawa Leyasu. Matagumpay niyang pinagkaisa ang Japan. Nilupig niya ang kaniyang mga kalaban sa Digmaan sa Sekigahara noong 1600. Pagkaraan ng tatlong taon, inutusan niya ang emperador na ideklara siya bilang shogun. Ito ang simula ng pamamahala ng Tokugawa shogunate na nagtagal ng halos 265 taon.


Nakamit ng Japan ang pagkakaisa at kapayapaan sa panahon ng Tokugawa shogunate. Tumagal ito ng mahigit 200 taon. 

No comments:

Post a Comment