Monday, May 23, 2016

PALEOLITHIC CULTURE

Kabilang sa Panahong Paleolitiko ang mga taon mula 400,000 hanggang 8500 B.C.E. Sa panahong ito nagsimulang gumawa ng kagamitang gawa sa bato ang sinaunang tao. Inilalarawan bilang magaspang ang mga kagamitang bato sa panahong ito sapagkat hindi pa gaanong Pulido at maayos ang pagkakagawa sa mga kasangkapan.

Umasa sa kalikasan ang mga sinaunang tao sa panahong ito. Pangangaso at pangangalap ng pagkain ang kanilang pangunahing ikinabubuhay. Ang mga pangkat ng kalalakihan ay sama-samang nangaso habang ang kababaihan naman ang nangalap ng pagkain. Lahat ng nakuhang pagkain ay inipon at pinaghati-hatian ng mga kasapi ng angkan.

Palipat-lipat din ng tirahan ang mga tao noong Panahong Paleolitiko. Tinatawag ang paraan ng pamumuhay na ito na nomadic  lagalag, nangangahulugang walang permanenteng tirahan. Tinawag naman ang mga taong lagalag na nomad.

Noong una, nakagawian ng mga sinaunang tao ang pagkain ng hilaw na karne, subalit nagbago ito dulot ng pagkakatuklas ng apoy. Itinuturing na pinakamahalagang tuklas sa Panahong Paleolitiko ang paggamit ng apoy. Ayon sa isang teorya, natuklasan ang apoy dahil sa pagtama ng kidlat sa isang punongkahoy. Nagliyab ito at nabuwal sa isang mabangis na hayop. Nang matikman ng mga sinaunang tao ang lasa ng nalutong karne, nagustuhan nila ito at nagsimulang gumawa ng apoy mula sa pagkiskis ng bato. Kinalaunan, natuklasan din ng mga sinaunang tao ang paggawa ng apoy sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagkiskis ng kahoy.

Pinatunayan ng mga nahukay na labi sa Indonesia at China ang pamumuhay ng mga sinaunang tao sa kontinente. Batay sa mga nahukay na buto at kasangkapan, masasabing ang Taong Java at Taong Peking ay mahusay na mangangaso at may kaalaman sa paggamit ng apoy. Bihasa rin sila sa paggawa ng kagamitang bato.

Sa Pilipinas naman ay may mga natagpuang buto ng malalaking hayop at mga kagamitang bato. Natagpuan ito sa Cagayan kung saan pinaniniwalaang nanirahan ang Taong Cagayan 500,000 hanggang 250,000 taon na ang nakalilipas. Samantala, ang mga natagpuang buto sa yungib ng Tabon sa Palawan ay patunay ng paninirahan ng sinaunang tao sa Pilipinas. Tinawag itong Taong Tabon na tinatayang nabuhay noong 23,000 B.C.E.


Naniwala rin ang mga taong Paleolitiko sa kabilang buhay. Kung kaya’t pinabaunan din nila ng mga gamit ang kanilang mga yumao.

No comments:

Post a Comment