Tuesday, November 29, 2016

Kabihasnang Tsino

Katulad ng India, nanirahan din sa China ang mga sinaunang tao sa loob ng ilang libong taon. Patunay rito ang pagkakatuklas ng mga arkeologo ng mga ebidensiyang may Sistema ng pagsasaka ang mga Tsino may 8000 taon na ang nakararaan. Sa pagpasok ng dakong 2000 B.C.E. , umunlad ang mga pamayanang Tsino sa tabi ng Yellow River (o Huang Ho River).

Kalagayang Heograpikal ng China

Matatagpuan ang China sa Silangang Asya. Kung lupain ang pag-uusapan, ito ang pinakamalaking bansa sa Asya. May kabuuang sukat ito na higit sa 9,300,000 kilometro kuwadrado o halos 32 ulit ng laki ng Pilipinas.

Ihinihiwalay ng mga likas na balakid ang China sa iba pang pook sa Asya. Nasa hilaga nito anf Gobi Desert; sa timog-kanluran, ang Himalayas; sa silangan, ang mga anyong tubig tulad ng Yellow Sea at East China Sea; sa timog-silangan, ang South China Sea; at sa kanlurang bahagi naman, ang Tibetan Plateau at Taklamakan Desert.

Ang mga Ilog Huang Ho at Yangtze

Katulad sa Mesopotamia at India, karaniwang nanirahan ang mga sinaunang tao sa China sa mga lambak-ilog. Ito ay dahil na rin sa mga kabutihang dulot ng ilog sa pamumuhay ng mga tao tulad ng mapagkukunan ng tubig na maiinom, patubig sa mga sakahan, at mabilis na transportasyon. Dalawa sa pinakamahalagang ilog sa China ang Chang Jiang (Yangtze) at Yellow River (Huang He).

Ang Chang Jiang ang pinakamahabang ilog sa Asya at pa-ngatlo sa buong daigdig kasunod ng Nile at Amazon River. Dumadaloy ang tubig ng Chang Jiang mula sa mataas na lupain sa timog China palabras ng east China Sea. Isa ito sa pangunahing rutang pangkalakalan ng mga sinaunang Tsino.

Lumalandas naman ang Yellow River sa hilagang China mula Tibetan Plateau palabras ng Yellow Sea. Naging isang malakas na puwersang heograpikal ang Yellow River sa kasaysayan ng bansa at nagdulot ito ng mabuti at hindi mabuting pangyayari sa mga Tsino mula pa noong sinaunang panahon.

Sinaunang Kasaysayan at Pamumuhay ng Kabihasnang Shang

Bago pa man nakamit ng mga tsino ang kabihasnan, ipinapalagay na may mga naitatag nang pamayanan sa lambak-ilog ng Yellow River. Noong dakong 2000 B.C.E., may mga nanirahang katutubong Tsino sa naturang pook na nakapagtayo ng mga tirahang may bubong na pawid o kugon. Mayroon na rin silang paraan ng pagtatanim at mga kanal na nagsilbing patubig at pangkontrol sap ag-apaw ng tubig sa Yellow River.

Paglipas ng panahon, umunlad ang nasabing mga pamayanan at ilan dito ay naging mga lungsod. Noong dakong 1750 B.C.E., isang pamilya ang naging makapangyarihan at tuluyang namahala sa lambak-ilog ng Yellow River. Ito ang pamilya Shang na pinagmulan ng mga naging pinuno sa loob ng mahabang panahon. Kinilala ang pamamahala ng pamilyang ito bilang dinastiyang Shang.

Pinangasiwaan ng dinastiyang Shang ang China particular ang bahagi sa silangan ng Yellow River at Chang Jiang. Ayon sa mga arkeologo, mahigit sa 300 pamayanan ang nasa rehiyong ito. Isa sa pinakamaunlad na lungsod ang Anyang, ang sentro ng dinastiyang Shang. Matatagpuan sa naturang lungsod ang palasyo ng hari at ang templo. Makikita rin sa Anyang ang mga tindahan, gusaling imbakan ng pagkain, at iba pang mga pampublikong gusali.


Tumagal ang dinastiyang Shang ng mahigit 500 taon. Noong dakong 1122 B.C.E., sinakop ang lungsod ng Anyang ng isang pangkat ng mga tsino na nagmula sa kanlurang bahagi ng China. Kinilala sila bilang mga Zhou. Ito ang nagwakas sa kabihasnang Shang. 

No comments:

Post a Comment