Itinuturing ang Tang bilang isa sa mga
dakilang dinastiya ng China. Bukod sa pinatatag nito ang sentralisadong
pamahalaan, muling ipinatupad ng Tang ang pagkuha ng civil service examination,
paglaan ng mga lupain sa mga magsasaka, at paghina ng kapangyarihan ng may-ari
ng malalaking lupain.
Pinalawak ng mga pinunong Tang ang
teritoryo at impluwensiya ng imperyo. Pinatunayan ito sa pagsakop ng Tibet, pagbayad
ng Korea ng tribute, at pagkakaroon ng diplomatikong ugnayan sa mga kaharian sa
Timog-silangang Asya.
Muling umunlad ang Chang’an sa dinastiyang
Tang. Makikita ang magagandang liwasan at mga naglalakihang palasyo at templo.
May pamilihan itong puno ng mga produktong nagmula sa iba’t ibang panig ng
daigdig. Sa panahong ito, umabot sa halos dalawang milyong katao ang
naninirahan sa Chang’an. Napabilang ito sa pinakamalalaking lungsod sa buong
daigdig noong panahong iyon.
Pagpasok ng ikasiyam na siglo, nagsimulang
humina ng dinastiyang Tang dahil sa mga kaguluhang panloob at pagsalakay ng mga
dayuhan. Katulad ng naganap sa Han, hindi nalutas ng Tang ang matinding
katiwalian ng mga pinuno at paglakas ng kapangyarihan ng mga pinunong military.
Tuluyan nang bumagsak ang dinastiyang Tang noong 907.
No comments:
Post a Comment