Friday, December 23, 2016

Dinastiyang Yuan (Kabihasnang Tsino)

Pinatalsik ng may 100,000 dayuhang Mongol ang dinastiyang Song at itinatag ang kauna-unahang dayuhang dinastiya sa China. Pinangasiwaan ito ni Kublai Khan, apo ni Genghis Khan.

Bilang mga dayuhang pinuno, hindi nila lubusang pinagkatiwalaan ang mga Tsino. Ihininto nila ang pagsagawa ng civil service examination at hindi binigyan ng mataas na katungkulan sa pamahalaan ang mga Tsino. Bunga nito, ang mga dayuhan ang pinagkalooban ng mahahalagang posisyon sa imperyo. Paglaon, tinanggap din ng mga Mongol ang kulturang Tsino at ibinalik ang civil service examination.

Dumagsa ang mga dayuhang mangangalakal sa China. Dahil ito sa pagkakaroon ng mga magkakarugtong na lansangang nag-uugnay sa imperyo sa gitnang Asya hanggang sa Persia at kasalukuyang Russia. Upang mapangalagaan ang mga dayuhan at Tsino, nagtayo rin ng mga himpilan at matutuluyang lugar para sa mga ito.

Noong 1275, dumating sa China si Marco Polo, isang mangangalakal mula sa Venice (kasalukuyang bahagi ng Italy). Pinag-aralan niya ang wikang Tsino at nanatili sa imperyo sa loob ng 17 taon. Naging opisyal siya ng pamahalaang Mongol at naglakbay sa buong China. Sa kanyang pagbalik sa Europe, isinulat nya ang aklat na pinamagatang Travels of Marco Polo kung saan inilarawan niya ang kaniyang paglalakbay sa China at iba pang bahagi ng Asya. Nagkaroon ng malinaw na imahe ang Asya sa mga Europeong nakabasa ng aklat ni Marco Polo. Ang kayamanan at kadakilaan ng China ay nakaganyak sa iba pang dayuhan na magtungo rito.


Sa pagpasok ng ika-14 na siglo, nagsimulang humina ang kapangyarihan ng dinastiyang Yuan sa China. Ang matinding katiwalian sa pamahalaan at kahirapan ng mga karaniwang tao ang mga dahilan ng paghina nito. Noong 1368, isang rebeldeng Tsino, si Zhu Yuanzhang, ang nanguna sa hukbong nagpatalsik sa mga Mongol na nagbigay-daan sa pagbagsak ng dinastiyang Yuan. Nang lumaon, kinilala siya bilang Emperador Hongwu, ang tagapagtatag at unang emperador ng dinastiyang Ming.

No comments:

Post a Comment