Friday, December 23, 2016

Imperyong Assyrian (Asya)

Naging makapangyarihan ang Imperyong Assyrian sa pagitan ng 900 B.C.E at 700 B.C.E. Matatagpuan ito sa lambak-ilog ng Tigris sa Mesopotamia. Tulad ng mga Sumerian, Akkadian, at Babylonian, ginamit din ng mga Assyrian ang cuneiform bilang Sistema ng pagsulat.

Kinakatakutan ang mga mandirigmang Assyrian sa kanlurang bahagi ng Asya. Ito ay dahil sa kanilang marahas at malupit na pakikipagdigma. Nagsagawa ang mga Assyrian ng sistematikong pananalakay gamit ang mga chariot, helmet, sibat, at espadang yari sa bakal. Sinunog nila ang bawat lugar na kanilang nasakop. Walang awa nilang pinaslang, pinugutan ng ulo, at sinunog nang buhay ang mga nadakip nilang kaaway. Ang mga natirang buhay ay ginawang alipin. Ang iba ay ipinatapon sa malalayong lugar.

Dahil sa takot ng mga karatig-pamayanan sa Assyria, mas ninais ng kanilang mga pinuno na tanggapin ang pananakop at pamamahala ng mga Assyrian upang mailigtas ang buhay at ari-arian ng kanilang mga nasasakupan. Dahil ditto, nakapagtatag ang mga Assyrian ng isang malakas na imperyo. Napasailalim sa kanilang kapangyarihan ang Mesopotamia at buong Fertile Crescent. Napasakamay rin ng mga Assyrian ang Egypt sa Africa.

Sa pagkakatatag ng Nineveh, ang kabisera ng Imperyong Assyrian, nagging higit na makapangyarihan ang mga Assyrian sa Kanlurang Asya.

Napanatili ang katanyagan ng imperyo nang maluklok si Ashurbanipal bilang hari ng Assyria.

Itinuturing si Ashurbanipal bilang isa sa mga dakilang pinuno ng sinaunang kasaysayan. Bukod sa mahusay niyang pamamahala sa Assyria, ipinag-utos niya na gumawa ng silid kung saan ilalagak ang may halos 25,000 clay tablet. Nakasulat sa mga tablet na ito ang tungkol sa mga pinuno, mahahalagang pangyayari, at iba pang paglalarawan sa pamumuhay ng mga tao sa Mesopotamia.

Noong 1852, natuklasan ng isang arkeologong Turkish ang mga labi ng silid at ang napreserbang mga clay tablet. Dahil ditto, kinilala si Ashurbanipal bilang taong nagpagawa ng unang aklatan sa daigdig.


Ang wakas ng paghahari ni Ashurbanipal ang nagging sanhi ng paghina ng imperyo. Ang mga pag-aalsa ng mga mamamayang sinakop ng mga Assyrian at ang pagpataw ng mataas na buwis sa mga ito ang nagpaigting sa paghina ng Assyria. Noong 612 B.C.E., sinakop ang Nineveh at tuluyan nang bumagsak ang imperyo nang salakayin ito ng pinag-isang puwersa ng mga Chaldean sa Babylon at Medes sa Persia.

5 comments: