Friday, December 23, 2016

Dinastiyang Qin (Kabihasnang Tsino)

Noong 221 B.C.E., matagumpay na napag-isa ng dinastiyang Qin ang mga estadong naglaban ng halos 200 taon. Sa panahong ito, naitatag ng kabihasnang Tsino ang tunay na imperyo sa pamumuno ni Shi Huangdi (Qin Shi Huang), na nagpahayag sa sarili bilang emperador na taglay ang mandate of heaven. Binago niya ang Sistema ng pamamahala sa China at ibinatay sa Legalism.

Pinangasiwaan ni Shi Huangdi ang imperyo nang may pagmamalupit. Para sa kaniya, makakamit lamang ang kaayusan at kaunlaran ng imperyo kung mahigpit ang pamamahala ng pinuno.

Hindi tinanggap ni Shi Huangdi ang mga aral at katuruan ni Confucius. Ipinag-utos niyang supilin ang Confucianism sa China sa pamamagitan ng pagsunog sa mga aklat nito at pagpapahirap o pagpatay sa mga guro ng Confucianism.

Ipinatupad ni Shi Huangdi ang isang metatag na sentralisadong pamahalaan kung saan siya ang may ganap na kapangyarihan. Hinati niya ang imperyo sa 36 na lalawigan at sa mas maliit na distrito. Itinalaga niya ang mga mapagkakatiwalaang pinuno upang pangasiwaan ang mga ito. Bumuo rin siya ng lupong tagasuri sa pagganap ng mga opisyal ng lalawigan at distrito sa kanilang mga tungkulin. May mabigat na parusa ang sino mang mapatunayang nagtaksil sa emperador.

Upang humina ang impluwensiya ng mga maharlika, sapilitan silang pinatira sa Xianyang (kabisera ng dinastiya) matapos samsamin ang kanilang mga sandata. Dagdag pa rito, hinangad ni Shi Huangdi na tuluyang mawala ang ugnayan ng mga maharlika at mga magsasaka upang hindi makapag-alsa ang mga ito laban sa kaniya.

Sa kabila ng pahayag ni Shi Huangdi na magtatagal ng hanggang 10,000 henerasyon ng mga pinuno ang pamamahala ng dinastiyang Qin, umabot lamang ng 15 taon ang naturang dinastiya. Noong 210 B.C.E., binawian ng buhay si Shi Huangdi. Sa panahong ito, nagsagawa ng iba’t ibang rebelyon ang mga magsasaka at maharlikang nakaranas ng malupit na pamamahala ni Shi Huangdi.


Pagkaraan ng apat na taon, napatalsik ang dinastiyang Qin. Noong 202 B.C.E., nagtagumpay na maluklok sa kapangyarihan si Liu Bang. Kinilala siya bilang si Gao Zu at siyang nagtatag ng bagong dinastiya – ang Han.

No comments:

Post a Comment