Umunlad ang kauna-unahang kabihasnan sa daigdig sa mga lungsod
ng Sumer. Matatagpuan ito sa Mesopotamia.
Kalagayang
Heograpikal ng Mesopotamia
Sa malaking bahagi ng kasalukuyang Iraq
matatagpuan ang Mesopotamia. Kabilang ito sa tinatawag na Fertile Crescent,
isang sinaunang rehiyon ng Asya na may matabang lupain at lumalandas mula
Persian Gulf hanggang Mediterranean Sea. Sa pook na ito dumadaloy ang kambal na
ilog na Tigris at Euphrates. Hinango ang pangalang “Mesopotamia” sa dalawang
salitang Grek na mesos at potamos na nangangahulugang pagitan a ilog, kung
kaya’t ang Mesopotamia ay tinaguriang “Lupain sa Pagitan ng Dalawang Ilog.”
Napaliligiran ang Fertile Crescent at Mesopotamia
ng mga likas na hangganan. Nasa hilagang-kanluran nito ang Taurus Mountains
samantalang nasa hilagang-silangan ang Zagros Mountains. Nasa timog na bahagi
naman ang Syrian Desert at Arabian Desert. Ang Persian Gulf at Mediterranen Sea
ang nasa magkabilang dako ng Fertile
Crescent at Mesopotamia.
Naging mabuti ang dulot ng mga ilog Tigris at
Euphrates kung kaya’t naging kaiga-igaya ang rehiyon upang panirahan ng mga
sinaunang tao at makapagtatag ng mga pamayanan sa Mesopotamia.
Sa kabila ng kabutihang dulot ng mga ilog sa mga
nanirahan sa Mesopotamia, hindi maikakailang naging suliranin din ang pag-apaw
ng kambal na ilog. Nagdulot ito ng malawakang pagbaha na ikinasira ng mga
pananim at maging ng mga tirahan, at pagkasawi ng mga taga Mesopotamia. Dahil
dito, natutuhan nilang gumawa ng Sistema ng patubig sa mga panahon ng tagtuyot
at protektahan ang mga pananim mula sa matitinding pagbaha.
Bukod sa mainanm na lupang pansakahan at yamang
tubig na handog ng Tigris at Euphrates, may kabutihang dulot din ang
pagkakaroon ng Mesopotamia ng mga likas na hangganan. Ang mga kabundukan sa
hilaga, dagat sa silangan at kanluran, at disyerto sa timog ang nagsilbing
hadlang laban sa mga dayuhang nais sumakop sa Mesopotamia. Hindi naging madali
para sa mga mananakop na mapabagsak ang Mesopotamia dahil kinailangan pa nilang
tawirin ang mga anyong lupa at anyong tubig na ito bago tuluyang masakop ang
Mesopotamia.
Kasaysayan
at Pamumuhay sa Kabihasnang Sumerian
Ang pagdating at paninirahan ng mga sinaunang tao
sa timog na bahagi ng Fertile Crescent ang simula ng kasaysayan ng Mesopotamia.
Sa pagitan ng 3500 B.C.E. at 3000 B.C.E., umunlad ang mga pamayanan at naging
lungsod ang mga ito. Tinawag ang rehiyong ito bilang Sumer at ang mga nanirahan
dito bilang Sumerian.
Binuo ang Sumer ng mga lungsod-estadong nagsasarili
at may malayang paraan ng pamamahala. Pinahalagahan ng mga Sumerian sa bawat
lungsod-estado ang kanilang kalayaan at handing makipaglaban kung ang kalayaang
ito ay nasa panganib. Ilan sa mga tanyag na lungsod-estado ng Sumer ang Kish,
Ur, Larak, Nippur, at Lagash.
Sa kabila
ng kani-kaniyang pamamahala, nagkaisa naman ang mga Sumerian sa iba’t ibang
lungsod-estado pagdating sa paraan ng pamumuhay. Ilang patunay nito ang
sama-sama nilang pagkontrol sa mga pagbaha dulot ng pag-apaw ng tubig sa kambal
na ilog, iisang pagsamba sa kanilang mga diyos, at aktibong paglahok sa
kalakalan sa pagitan ng mga lungsod-estado.
Ang pagkakaimbento ng Sistema ng pagsulat ang isa
sa pinakamahahalagang salik sa tagumpay ng mga Sumerian bilang mga unang
tagapagtaguyod ng kabihasnan. Tinatawag na cuneiform ang paraan ng pagsulat ng
mga Sumerian.
Ayon sa ilang historyador, naimbento ang cuneiform
nang magsimulang magtala ang mga Sumerian ng mga labis na produkto mula sa
pagsasaka.
Gumamit sila ng pinatulis na tangkay ng damo sa
pagsulat ng mga simbolo sa basang clay tablet. Naging permanenting tala ang
nasabing clay tablet matapos matuyo.
Ang pinakamatandang clay tablet na natuklasan sa
Sumer ay ipinagpalagay na ginawa noong 3500 B.C.E. Naglalaman ito ng mga
simbolo ng mga bagay na kanilang nakikita. Paglaon, umunlad ang mga simbolong
ito hanggang sa maging tiyak ito para sa pagsulat.
Hindi lahat ng mga Sumerian ay may kakayahang
magsulat ng cuneiform dahil lubhang masalimuot ang pag-aaral nito. Tinawag na
scribe ang dalubhasa sa pagsulat ng cuneiform.
Mataas ang antas ng pamumuhay ng mga Sumerian.
Ipinapalagay ng mga historyador na unang gumamit ng gulong ang mga Sumerian.
Ito ay ginamit sa pagdala ng mga kalakal sa iba pang pook. Ang potter’s wheel
ang nagpadali sa paggawa ng mga banga. Gumamit din ang mga Sumerian ng araro sa
pagsasaka, at naglagay ng mga arko sa kanilang mga estruktura.
Ang kawalan ng pinunong makapag-iisa sa mga
nagsasariling lungsod-estado ng Sumer at ang patuloy na paglalabanan para sa
kapangyarihan ang naging sanhi ng paghina ng mga Sumerian sa Mesopotamia.
Tuluyang napag-isa ang Sumer nang sakupin ang mga ito ng puwersang military
mula sa Kish sa pangunguna ni Haring Sargon.
Buhay
Sumerian
Wala silang pagkakaisang political kung kaya’t nagtayo
sila ng nagtataasang pader palibot sa lungsod. Nagsilbi itong proteksiyon laban
sa mga kaaway at mga nagnais na sakupin ang lungsod.
Sumamba sila sa maraming diyos at diyosa. Bawat
lungsod-estado ay may natatanging diyos na pinag-alayan ng mga handog at
sakripisyo. Dalawa nito sina Ishfar na diyosa ng pag-ibig at digmaan, at Enki
na diyos ng tubig.
Isang mahalagang gusali sa Sumer ang pook-sambahan
ng mgaSumerian, ang ziggurat na nangangahulugang ‘’bundok ng diyos’. Hugis
piramide ito at may mga baiting na lumiliit habang papataas. Dito makikita ang
bantayog ng kanilang diyos gayundin ang silid para sa kanilang pari.
Karaniwang yari sa luwad ang mga bahay sa Sumer.
Isang palapag lamang ang taas ng mga bahay bagama’t ang mga maykaya ay
nakapagpagawa ng dalawang palapag na tirahan.
Nagpatayo sila ng mga dike at kanal bilang bahagi
ng Sistema ng patubig para sa kanilang sakahan at upang maibsan ang epekto ng
pagapaw ng kambal na ilog.
No comments:
Post a Comment