Tuesday, November 29, 2016

Kabihasnang Indus

Maliban sa Kanlurang Asya, naging sentro din ang Timog Asya ng isa sa mga sinaunang kabihasnan sa daigdig. Ito ang Harappa at Mohenjo-Daro na matatagpuan sa kasalukuyang India at Pakistan.

Kalagayang Heograpikal ng India

Matatagpuan ang India sa malaking bahagi ng Timog Asya. Ang  rehiyong ito ay tinatawag na “subcontinent of Aisa”. Kahugis ng Indian subcontinent ang nakabaligtad na tatsulok, at mas malaki kaysa kanlurang Europe.

Sentro ng kabihasnan sa rehiyon ang matabang lupain sa lambak ng Indus River. Lumalandas ang naturang ilog sa kabundukan ng Himalayas at dumadaloy sa China, India, at Pakistan.

Ang mayamang deposito ng banlik at tubig mula sa Indus River ang nagpataba sa paligid ng lambak Indus. Dahil dito, Indus River ang nagpataba sa paligid ng lambak Indus. Dahil dito, naganyak ang mga sinaunang tao na manirahan at magtatag ng mga pamayanan sa nasabing pook. Sa katunayan, pinatotohanan ng mga arkeologo na may mga nanirahan sa rehiyon sa mga taong 7000 B.C.E.

Ihinihiwalay ng mga nakapaligid na anyong lupa at anyong tubig ang Timog Asya sa iba pang rehiyon ng Asya. Matatagpuan ang nagtataasang Himalayas sa hilaga ng rehiyon. Dito matatagpuan ang Mt. Everest, ang pinakamataas na bundok sa daigdig. Ang mga nagtatayugang kabundukang ito ang nagsisilbing hangganan ng Timog Asya sa China at iba pang pook sa Hilagang
Asya at Silangang Asya.

Ang Hindu Kush sa kanluran kung saan may likas na lagusan na tinatawag na Khyber Pass ang nagsilbing daanan ng mga dayuhang nais magtungo sa rehiyon. Nasa silangan ng Indus Valley ang Thar Desert (o Great Indian Desert) samantalang ang Indian Ocean ang hangganan ng Timog Asya sa timog.

Malaki ang epekto ng heograpikal na kinaroroonan ng Timog Asya sa mga sinaunang taong nanirahan dito. Ilan sa mga hamong kinaharap ng mga katutubo ang pag-apaw ng tubig sa Indus River at matinding tagtuyot o tag-ulan na dala ng hanging monsoon. Ang mga akapaligid na kabundukan ay nagbibigay-proteksiyon laban sa mga dayuhang mananakop. Nakatulong naman sa mahusay na pakikipagkalakalan ng mga sinaunang Asyano ang paglalayag sa Indus River at Indian Ocean.

Kasaysayan at Pamumuhay ng Kabihasnang Indus

Karaniwang nakabatay ang salaysay ng kabihasnang Indus sa mga artifact at labi nito. Ito ay dahil hindi pa nauunawaan ng mga historyador ang Sistema ng pagsulat ng mga sinaunang tao sa India.

Walang malinaw na batayan kung paano umusbong ang kabihasnan sa India. Ipinapalagay ng mga eksperto na naglayag mula sa Africa ang mga nandayuhang tao sa India. Ang iba ay maaaring dumaan sa Khyber Pass.

Bagama’t hindi naitala ang simula ng kasaysayan ng kabihasnang Indus, natitiyak ng mga arkeologo na may mga pamayanang umunlad sa lambak Indus. Ang mga natuklasang mahigit sa 100 pamayanan sa naturang lambak ang nagpapatunay na may mahusay na pamumuhay ang mga sinaunang tao sa Timog Asya.

Dalawa sa pinakantanyag na lungsod sa kabihasnang Indus ang Harappa at Mohenjo-Daro. Matatagpuan ang Harappa sa hilagang bahagi ng Indus River, samantalang nasa timog ng ilog ang Mohenjo-Daro. Magkalayo ang dalawang lungsod na ito ng halos 640 kilometro. Sa kabila nito, pinag-isa ng Indus River ang mga katutubo ng Harappa at Mohenjo-Daro. Gumamit sila ng mga bangka upang makipag-ugnayan sa isa’t-isa.

Pamumuhay sa Kabihasnang Indus

Ipinapalagay ng mga historyador na naging maunlad ang Harappa at Mohenjo-Daro mula dakong 2500 B.C.E. hanggang dakong 1600 B.C.E. Tinatayang may 30,000 ang populasyon sa bawat lungsod. Bunsod nito, nangailan ang dalawang lungsod ng maayos at kongkretong pangangasiwa upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa kani-kanilang lugar.

Isa sa natatanging katangian ng kabihasnang Harappan ay ang pagiging planado ng mga lungsod nito. Tunghayan ang Pigura 6.2 para sa paglalarawan ng naturang kabihasnan.

Pangunahing ikinabuhay ng mga tao sa kabihasnang Indus ang pagtatanim ng palay at gulay. Natutuhan nila ang Sistema ng patubig upang madiligan ang kanilang mga sakahan kahit sa panahon ng tagtuyot. Marami rin sa mga taga-Indus ang nag-alaga ng hayop tulad ng tupa, baka, at kambing.

Mahusay rin sa pakikipagkalakalan ang mga sinaunang tao sa Harappa at Mohenjo-Daro. May mga natuklasang artifact na Indus stone seal na ipinapalagay na ginamit ng mga mangangalakal upang matukoy ang kanilang mga produkto. Patunay ito na nakipagkalakalan sila hindi lamang sa mga karatig-pook, kung hindi sa malalayong pamayanan tulad ng Mesopotamia at Egypt.

Kinakitaan din ng iba pang kabuhayan ang mga taga-Harappa at Mohenjo-Daro tulad ng paghahabi ng tela at paggawa ng palayok at kasangkapang metal.

Sa wika, maraming clay tablet na may Harappan pictogram o larawang simbolo ang natuklasan ng mga arkeologo sa iba’t ibang bahagi ng mga lungsod sa Indus. Sa kasalukuyan, hindi pa naisasalin sa makabagong wika ang mga sulat at pictogram ng mga taga-Indus kung kaya’t kakaunti pa rin ang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Harappa at Mohenjo-Daro.

Paghina ng Kabihasnang Indus

Isa sa taglay na hiwaga ng kabihasnang Indus ang misteryosong pagwawakas ng Harappa at Mohenjo-Daro. Ayon sa mga arkeologo, humina at tuluyang bumagsak ang kabihasnang Indus sa pagitan ng 1600 B.C.E. at 1500 B.C.E. Ipinapalagay na ilan sa mga sanhi nito ay pagbabago ng klima, matinding pagbaha sa mga lungsod, malakas na lindol, at paglihis ng agos ng Indus River. Ang pagdating ng mga dayuhang tinawag na Aryan sa India ang sinasabing tuluyang nagpabagsak sa kabihasnang Indus.

4 comments: