Friday, December 23, 2016

KONSEPTO NG ASYA

Mahalagang bahagi ng pag-aaral ng heograpiya ang pag-unawa tungkol sa mga kontinente. Ang daigdig ay binubuo ng mga kalupaan at katubigan. Ang pinakamalaking masa ng lupa na matatagpuan sa daigdig ay tinatawag na kontinente. Ayon sa Continental Drift Theory, nagmula ang lahat ng mga kontinente sa isang supercontinent, ang Pangea. Unti-unting nagkahiwa-hiwalay ang Pangea may 200 milyong taon na ang nakalilipas. Pagkaraan ng ilan pang milyong taon, tuluyan nang nahati ang mga bahagi ng Pangea hanggang sa mabuo ang mga kasalukuyang kontinente. Ang unti-unting paghihiwalay ng supercontinent na ito ay ipinaliliwanag naman ng Plate Tectonics Theory.

Sa tradisyonal na modelo ay may pitong kontinente ang daigdig. Ito ay ang Africa, Antarctica, Australia, Europe, North America, South America, at Asya.

Hindi tiyak ang tunay na pinagmulan ng salitang “Asya”. Maaring nagmula ito sa salitang Aegean na asis na nangangahulugang “maputik” o sa salitang Semitic na asu na nangangahulugang “pagsikat” o “liwanag”, patungkol sa araw.

Para sa mga sinaunang Greek, ang Asya ay tumutukoy sa rehiyon ng Anatolia (kasalukuyang Turkey)  o sa Imperyong Persian na matatagpuan sa silangang bahagi ng Greece. Ginamit ang salitang ito sa panahon ni Herodotus (dakong 484 B.C.E. – 425 B.C.E.), dakilang historyador na Greek at tinaguriang “Ama ng Kasaysayan.” Ito ay upag maihiwalay ang nasabing mga lugar mula sa Greece at sa Egypt noong panahong iyon. Nang lumaon, ginamit ng mga Greek ang salitang Asya sa pagtukoy hindi lamang sa Anatolia kundi maging sa mga karatig na lupain sa silangan nito.

Tinawag din ang Asya na orient o silangan dahil ito ay nasa gawing silangan ng Europe. Unang ginamit ang salitang orient noong ika-14 na siglo. Ang Europe naman ang tinukoy na occident o kanluran.

Mapapansin na ang salitang Asya at ang taguri sa kontinente bilang orient ay batay sa pananaw na Eurocentric – isang paraan ng pagtingin sa daigdig mula sa pananaw ng mga Europeo. Sa pananaw na ito, ipinapalagay na ang Europe ang sentro ng daigdig, at ang lahing Europeo ang nakahihigit kaysa sa iba. Sa pananaw ring ito, ang batayan ng lahat ng bagay ay nakatuon nang ayon sap ag-unawa ng mga Europeo.

Isa pang halimbawa ng Eurocentrism ay ang paghahati sa Asya sa tatlong rehiyon ng ilan sa mga unang modernong heograpo at historyador na Europeo. Ang mga rehiyong ito ay ang Near East, Middle East, at Far East.

Tinawag na Near East ang mga lupain sa silangang baybayin ng Mediterranean Sea hanggang Persian Gulf. Matatagpuan naman sa Middle East ang mga lupain mula Persian Gulf hanggang Timog-silangang Asya. Samantala, ang rehiyon sa Asya na nakaharap sa Pacific Ocean ang tinawag na Far East. Kabilang dito ang China, Japan, at Korea. Bagama’t nagbabago-bago at napagpapalit ang saklaw na mga lupain ng Near East at Middle East, hindi makakaila na binuo ito alinsunod sa pananaw ng mga Europeo.

Bilang mga Asyano, nararapat na gamitin ang Asian-centric na pananaw sa pag-aaral ng Asya. Sa pananaw na ito, binibigyang-pansin at ginagamit ang mga konseptong Asyano upang pahalagahan ang mga bagay na may kaugnayan sa Asya at sa mga Asyano.

Sa pagkilala at pagmamalaki sa mga dakilang nagawa at ambag ng mga Asyano mula pa noong sinaunang panahon, mapatutunayang nararapat ipagkaloob sa mga Asyano ang pantay na pagpapahalaga at pagkakakilanlan bilang mga kasapi ng pandaigdigang pamayanan.

KALAGAYANG HEOGRAPIKAL NG ASYA

Ang Asya ay isang kontinente. Hinati ng mga heograpo ang malalaking kalupaan sa daigdig sa pitong tradisyonal na kontinente.

Kung pagmamasdan ang mapa ng daigdig, matatagpuan ang Asya sa silangan ng Europe at hilagang-silangan ng Africa. Nasa gawing kanluran naman ito ng Pacific Ocean. Ang mga kalupaan at katubigang nakapaligid sa kontinente ay nagsisilbing hangganan nito sa iba’t ibang direksiyon.

Napaliligiran ang Asya ng tatlong naglalakihang karagatan: Arctic Ocean sa hilaga, Pacific Ocean sa silangan, at Indian Ocean sa timog. Ang mga pangunahing hangganan ng Asya sa hilaga nito ay ang Kara Sea, Laptev Sea, East Siberian Sea, at Chukchi Sea.

Sa silangan ng Asya, maliban sa Pacific Ocean, ang Bering Strait at Bering Sea ang naghihiwalay sa Asya sa hilagang-kanlurang bahagi ng North America. Ihinihiwalay naman ng Timor Sea at Arafura Sea ang Timog-silangang Asya sa Australia.

Ihinihiwalay ang Kanlurang Asya sa Africa ng Gulf of Aden, Babel-Mandeb Strait, Red Sea, at Gulf of Suez. Hangganan din ng Asya sa kanluran ang Mediterranean Sea, Aegean Sea, Sea of Marmara, Bosporus Strait, Black Sea at Caspian Sea.

Dalawang bulubundukin ang naghihiwalay sa Asya at silangang bahagi ng Europe. Ito ang Caucasus Mountains na nasa pagitan ng Georgia, Azerbaijan, at Armenia sa Asya, at ng Russia sa Europe. Ang pangalawang bulubundukin ay ang Ural Mountains na tradisyonal na hangganan ng kanlurang Asya at silangang Europe.

Sukat, Hugis, at Anyo ng Asya

Ang Asya ang pinakamalaking kontinente sa buong daigdig. May tinatayang kabuuang sukat ito na halos 44 milyong kilometro kuwadrado o halos isang katlo ng kabuoang sukat ng kalupaan ng daigdig. Ang Asya ay higit pa sa apat na ulit ang laki kaysa Europe at sa pinagsamang sukat ng kalupaan ng North America at South America.

May ganap na pagkakaiba-iba ang pisikal na anyo ng Asya. Nakaapekto ang pagkakaroon ng liko-likong dalampasigan at iba’t ibang uri ng ng kalupaan sa paghubog ng hugis at anyo ng Asya. matatagpuan sa kontinente ang nagtataasang mga bundok tulad ng Mt. Everest at Mt. Godwin, at mga bulubundukin ng Ural, Caucasus, at Hindu Kush. May mga kapatagan din tulad ng North China Plain, Indo Gangetic Plain at kalakhan ng Malay Peninsula, at mga tangway tulad ng Arabian Peninsula at Korean Peninsula.

Anyong Lupa at Anyong Tubig ng Asya

Matatagpuan sa Asya ang lahat ng uri ng anyong lupa at anyong tubig. Ang malawak na kontinente ay nagtataglay ng maraming kalupaan at katubigan na may malaking pakinabang sa mga Asyano.

Tanyag na Anyong Lupa na Matatagpuan sa Asya

1.     Bundok
a.    Everest – pinakamataas na bundok sa daigdig na umaabot sa 29,035 talampakan; matatagpuan sa pagitan ng Nepal at Tibet.
b.    K2 (Mt.Godwin Austen) – pangalawang pinakamataas na bundok sa daigdig; matatagpuan sa Karakoram Range sa kanlurang bahagi ng Himalayas sa pagitan ng Pakistan at China.
c.    Kanchejunga – bundik sa India.
d.    Ararat (Buyukagri Dagil) – matatagpuan sa Turkey.
e.    Kinabalu – nasa Sabah, Malaysia.
2.    Bulubundukin
a.    Himalayas – may habang umaabot sa 2600 kilometro; katatagpuan ng siyam na pinaka-mataas na bundok sa daigdig kabilang ang Mt. Everest.
b.    Karakoram – hanay ng mga bundok mula hilagang Pakistan hanggang timog-kanlurang China.
c.    Altay (Altai) – nasa silangang Asya malapit sa China, Mongolia, at Kazakhstan.
d.    Ghats – dalawang bulubundukin sa Iran at Iraq.
3.    Pulo
a.    Borneo – nasa Timog-silangang Asya; pinakamalaking pulo sa Asya na may sukat na umaabot sa 757,050 km2 ; pinaghahatian ng Brunei, Indonesia, at Malaysia.
b.    Sumatra – bahagi ng Indonesia; pangalawa sa pinakamalaking pulo sa Asya.
c.    Honshu, Hokkaido, Kyushu, at Shikoku – mga pangunahing pulo sa Japan.
4.    Kapuluan
a.     Indonesia – pinakamalaking kapuluan sa daigdig; may sukat na 1,904,569 km2 ; may humigit-kumulang 17,000 pulo.
b.    Japan – matatagpuan sa Silangang Asya; may sukat na 372,801 km2 ; May humigit-kumulang 6,500 pulo.
c.    Pilipinas – nasa Timog-silangang Asya; may kabuuang sukat na 300,000 km2 ; may humigit-kumulang 7100 pulo
d.    Bahrain – matatagpuan sa Persian Gulf; binubuo ng 33 pulo.
5.    Bulkan
a.    Kerinchi – matatagpuan sa gitnang Sumatra, Indonesia; pinakamataas na bulkan sa bansa
b.    Tambora, Sumeru, Rinjani, at Agung – nasa Indonesia.
c.    Fuji, Ontake, at Unzen – matatgpuan sa Japan.
d.    Mayon, Taal, at Pinatubo – nasa Pilipinas
6.    Disyerto
a.    Rub’ al Khali – kilala bilang Empty Quarter; pinakamalaking disyertong buhangin sa daigdig; bahagi ng Arabian Desert.
b.    Gobi Desert – nasa hilagang China at Timog Mongolia.
c.    Thar Desert – matatagpuan sa hilagang – kanlurang India at silangang Pakistan.


Kabihasnan sa Kanlurang Asya (Hittite, Lydian, Phoenician, Hebrew, Aramean, Persian)

Hittite
Sa hilaga ng Syria, sa pagitan ng Black Sea at Mediterranean Sea matatagpuan ang mabundok na tangway ng Asia Minor. Ang lugar na ito ay bahagi ng kasalukuyang Turkey. Noong 1700 B.C.E. pinanirahan ang Asia Minor ng pangkat ng taong tinawag na Hittite. Sila ang unang nakapagtatag ng mahusay na kabihasnan sa Asia Minor. Ang Hattusas (o Hattusha) ang nagging kabisera ng Kahariang Hittite.

Naging malakas na imperyo ang Hittite sa Kanlurang Asya sa loob ng halos 450 taon. May mga pagkakataong nasakop nito ang Babylon at nagging mahigpit na katunggali ng Egypt sa pagkontrol sa hilagang Syria. Magkagayunman, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga Hittite at mga Egyptian upang wakasan ang kanilang hidwaan. Ang kasunduang ito ang kauna-unahang kasunduang pangkayapaan ng daigdig.

Mahusay sa pakikidigma ang mga Hittite. Ito ay dahil sa dalawang bagay: ang paggamit ng chariot at ang mga sandatang yari sa bakal.

Sa kabila ng mataas na antas ng teknolohiya sa pakikidigma , unti-unting humina ang Imperyong Hittite. Noong dakong 1190 B.C.E., sinalakay ng mga dayuhang nagmula sa hilagang bahagi ng Asia Minor ang imperyo at sinunog ang Hattusas. Ito ang nagpabagsak sa kabihasnang Hittite.

Lydian

Matatagpuan ang kaharian ng Lydia sa dulong kanluran ng Fertile Crescent at silangan ng Mediterranean Sea. Ang kabisera ng kaharian ay Sardis. Isa sa pangunahing kabuhayan ng mga Lydian ang pakikipagkalakalan.

Noong dakong 600 B.C. E., ang mga Lydian ang nagging kauna-unahang pangkat ng tao na gumamit ng barya sa daigdig. Yari sa pinaghalong ginto at pilak ang mga barya at may tatak ng sagisag ng hari ng Lydia. Naging tanyag sa panahong ito si Croesus, ang itinuturing na pinakamayamang monarko ng kaniyang panahon.

Bago naimbento ng mga Lydian ang barya, nakasalalay ang kalakalan ng mga sinaunang pamayanan sa barter o pagpapalitan ng produkto o serbisyo sa isa’t isa. Nagkakaroon ng suliranin sa barter kung hindi tugma ang produkto o serbisyo sa kailangan ng kapuwa mangangalakal.

Dahil sa pagpapakila ng mga Lydian sa Sistema ng paggamit ng barya, napadali ang daloy ng kalakalan ng mga sinaunang tao sa lugar na iyon.

Nagpatuloy ang malayang kaharian ng Lydia. Noong 545 B.C.E., humina ito at tuluyang bumagsak nang sakupin ng mga Persian ang mga Lydian.

Phoenician

Halos kasabay ng pagiging malakas ng Imperyong Hittite, nanirahan ang mga Phoenician sa baybayin sa pagitan ng Mediterranean Sea at Syria. Tinawag nila ang kanilang lupain na Phoenicia. Bahagi ito ng kasalukuyang Lebanon at Syria. Bago pa man ang 700 B.C.E., unti-unting humina ang Phoenicia hanggang sa tuluyang bumagsak ang kabihasnan dahil sa pananalakay ng mga Assyrian sa Fertile Crescent.

Bago pa man ang 700 B.C.E., unti-unting humina ang Phoenicia hanggang sa tuluyang bumagsak ang kabihasnan dahil sa pananalakay ng mga Assyrian sa Fertile Crescent.

Hebrew

Sa timog ng Phoenicia nanirahan ang mga Hebrew. Tanyag sila sa kasaysayan hindi dahil sa aspektong politikal o military kung hindi dahil sa relihiyon. Ang mga Hebrew ang nagpasimula ng monoteismo sa kasaysayan ng daigdig. Itinatag nila ang Judaism, isang relihiyong sumasamba sa iisang diyos na si Yahweh. Ang Judaism, isang relihiyong sumasamba sa iisang diyos na si Yahweh. Ang Judaism ang pinagugatan ng dalawa sa maiimpluwensiyang relihiyon sa kasalukuyang panahon: ang Kristiyanismo at Islam.

Mababakas ang pinagmulan ng mga Hebrew sa mga salaysay sa Lumang Tipan.

Aramean

Nanirahan ang mga Aramean sa gitnang Syria noong dakong 1200 B.C.E. Itinatag ang kanilang kabisera sa Damascus. Hindi tulad ng ibang pangkat ng tao sa Kanlurang Asya, hindi nagging lubos ang kapangyarihan ng mga pinunong Aramean. Dahil ditto, madaling nagapi ang kanilang pangkat.

Sa kabila nito, nagging mahusay na mangangalakal ang mga Aramean. Naging tanyag ang kanilang mga produkto sa buomg rehiyon. Bukod ditto, tinangkilik ng ibang tao ang kanilang wika, ang Aramaic. Ginamit ang wikang ito sa malaking bahagi ng kanlurang Asya hanggang dakong 800 C.E. Aramaic ang wikang ginamit ng ilan sa may akda ng Bibliya.

Persian

Nagmula ang mga Persian sa isa sa maraming pangkat etnolinguwistikong nanirahan sa kapatagan ng gitnang Asya. Ipinapalagay na nilisan ng mga ito ang kanilang sinilangang lupain dahil sa pagbabago ng klima, pagkaubos ng mapagpapastulang lugar, o alitan sa iba pang pangkat. Naglakbay ang mga Persian hanggang sa makarating sa silangang bahagi ng Mesopotamia kung saan matatagpuan ang Iran sa kasalukuyan.

Sa panahong ito nagging makapangyarihan ang pamilyang Achemenid. Nagtagumpay silang pag-isahin ang buong Persia. Isang kasapi ng Achaemenid, si Cyrus, ang nagluklok bilang hari noong 559 B.C.E., Ito ang hudyat ng pagiging makapangyarihan ng Persia sa kanlurang Asya.

Nagawa ni Cyrus na palawakin ang teritoryo ng Persia hanggang sa maitatag ang Imperyong Persian. Noong 539 B.C.E., napasailalim sa kaniyang kapangyarihan ang Mesopotamia at tuluyang sinakop ang Babylon.

Hindi tulad ng malulupit na Assyrian, ipinaubaya ni Cyrus ang pangangasiwa ng Babylonia sa ilang katutubo. Binigyan din niya ng kalayaan ang mga Hebrew, na tinatawag na “jew noong panahong iyon, at hinayaang makabalik sa Jerusalem. Kinakitaan din si Cyrus ng pagmamalasakit sa kultura ng iba pang imperyo. Patunay rito ang impluwensiyang Assyrian, Babylonian, at Egyptian sa disenyo ng mga palasyo at iba pang gusali sa Persia. Ang mahusay na pamamahala at pag-angat ng Persia bilang isang makapangyarihang imperyo sa Asya ang nagbunsod  sa paghirang sa kaniya bilang Cyrus the Great.

Sumunod na namahala sa Imperyong Persian ang anak ni Cyrus na si Cambyses. Naging hari si Cambyses sa loob ng walong taon. Sa panahon niya napabilang ang Egypt sa imperyo na lubhang nagpalawak sa teritoryo ng Persia.

Pagkaraan ng pamamahala ni Cambyses, naluklok bilang hari ng Persia si Darius the Great, isang maharlikang kabilang sa mga mandirigma ng hari. Inagaw niya ang trono ng Persia at namahala mula 521 hanggang 486 B.C.E.


Pgkaraan ng pamamahala ni Darius, humina ang Imperyong Persian. Ilan sa mga dahilan nito ang pagiging maluho ng mga sumunod na hari ng Persia, pagtaas ng buwis, at agawan sa trono ng imperyo. Noong 331 B.C.E., tuluyan nang bumagsak ang Imperyong Persian nang magapi si Darius III ng hari ng Macedonia na si Alexander the Great.

Dinastiyang Goryeo (Kabihasnang Korean)

Umabot ng halos apat at kalahating siglo ang pamamahala ng dinastiyang Goryeo sa Korea. Tulad ng China, ipinatupad din ng mga pinuno ng Goryeo ang sentralisadong pamahalaan at ang pagkuha ng civil service examination. Sa kabila nito, nanatili pa rin sa pamahalaan ang mga maharlika at namamana pa rin ng kanilang mga anak ang mga posisyon.

Sa pagitan ng taong 1231 at 1259, naglunsad ang mga Mongol ng sunod-sunod na kampanya sa Korea at hiningan ang mga pinuno ng Goryeo ng mabibigat na tribute tulad ng 20,000 kabayo, damit para sa isang milyong mandirigma, at mga aliping Korean.


Sa pagbagsak ng Imperyong Mongol, lumaganap ang iba’t ibang rebelyon laban sa mga maharlika ng Korea. Noong 1392, sa pamumuno ng mandirigmang si Yi Seong-gye ay muling napag-isa ang Korea sa ilalim ng bagong dinastiya, ang Joseon.

Dinastiyang Ming (Kabihasnang Tsino)

Ninais ng mga pinunong Ming na maging isang malakas na imperyong pandagat ang China kaya pinaghusay ang kasanayan ng mga Tsino sa paggawa ng malalaking barko at sistematikong pamamaraan sa paglalayag.

Sa panahong ito nagging tanyag si Zheng He (Cheng Ho), isang opisyal sa dinastiyang Ming na nanguna sa mga paglalayag sa pagitan ng mga taong 1405 at 1433. Malakihan ang isinagawang ekspedisyon ni Zheng He. Sa kaniyang unang paglalayag, mayroon siyang 62 barko at halos 28,000 tauhan.

Ang pinakamalaking barko ay may habang umaabot sa 440 talampakan. Dumaan ang ekspedisyon ni Zheng He sa Timog-silangang Asya. Paglaon, nakarating siya sa kanlurang baybayin ng India at mga pamayanan ng silangang Africa.

Sa kalagitnaan ng ika-15 siglo, ipinatupad ng Ming ang isolationism o patakarang pumuputol ng ugnayan ng China sa lahat ng mga dayuhan. Itinigil ni Ming ang paglalayag at komunikasyon sa ibang bansa at pinagbawalan ang mga Tsino na makipag-ugnayan sa mga dayuhan o umalis ng imperyo. Nagpatuloy ang isolationism ng China sa loob ng halos 250 taon.


Sa pagdaan ng panahon, naramdaman ang hindi mabuting dulot ng isolationism ng Ming sa Imperyong Tsino. Naging mabagal ang pag-unlad ng China dahil hindi nakarating ditto ang mga bagong kaalaman at teknolohiya ng mga Europeo na mapakinabangan ng mga Tsino sa pagpapahusay ng kanilang pamumuhay. Sa kabila ng pagkakaroon ng  maunlad na industriya ng seda at ceramics sa China, hindi nakamit ng Ming ang pagiging isang malakas na industriyalisadong imperyo. Noong 1644, sinakop ng mga dayuhang Manchu ang China at napatalsik ang dinastiyang Ming.

Dinastiyang Yuan (Kabihasnang Tsino)

Pinatalsik ng may 100,000 dayuhang Mongol ang dinastiyang Song at itinatag ang kauna-unahang dayuhang dinastiya sa China. Pinangasiwaan ito ni Kublai Khan, apo ni Genghis Khan.

Bilang mga dayuhang pinuno, hindi nila lubusang pinagkatiwalaan ang mga Tsino. Ihininto nila ang pagsagawa ng civil service examination at hindi binigyan ng mataas na katungkulan sa pamahalaan ang mga Tsino. Bunga nito, ang mga dayuhan ang pinagkalooban ng mahahalagang posisyon sa imperyo. Paglaon, tinanggap din ng mga Mongol ang kulturang Tsino at ibinalik ang civil service examination.

Dumagsa ang mga dayuhang mangangalakal sa China. Dahil ito sa pagkakaroon ng mga magkakarugtong na lansangang nag-uugnay sa imperyo sa gitnang Asya hanggang sa Persia at kasalukuyang Russia. Upang mapangalagaan ang mga dayuhan at Tsino, nagtayo rin ng mga himpilan at matutuluyang lugar para sa mga ito.

Noong 1275, dumating sa China si Marco Polo, isang mangangalakal mula sa Venice (kasalukuyang bahagi ng Italy). Pinag-aralan niya ang wikang Tsino at nanatili sa imperyo sa loob ng 17 taon. Naging opisyal siya ng pamahalaang Mongol at naglakbay sa buong China. Sa kanyang pagbalik sa Europe, isinulat nya ang aklat na pinamagatang Travels of Marco Polo kung saan inilarawan niya ang kaniyang paglalakbay sa China at iba pang bahagi ng Asya. Nagkaroon ng malinaw na imahe ang Asya sa mga Europeong nakabasa ng aklat ni Marco Polo. Ang kayamanan at kadakilaan ng China ay nakaganyak sa iba pang dayuhan na magtungo rito.


Sa pagpasok ng ika-14 na siglo, nagsimulang humina ang kapangyarihan ng dinastiyang Yuan sa China. Ang matinding katiwalian sa pamahalaan at kahirapan ng mga karaniwang tao ang mga dahilan ng paghina nito. Noong 1368, isang rebeldeng Tsino, si Zhu Yuanzhang, ang nanguna sa hukbong nagpatalsik sa mga Mongol na nagbigay-daan sa pagbagsak ng dinastiyang Yuan. Nang lumaon, kinilala siya bilang Emperador Hongwu, ang tagapagtatag at unang emperador ng dinastiyang Ming.

Dinastiyang Song (Kabihasnang Tsino)

Muling napag-isa ang mga Tsino sa ilalim ng bagong dinastiya, ang Song. Ang pananalakay ng mga dayuhan sa hilagang China ang nagbunga ng nagpalipat ng kabisera ng imperyo mula Chang’an patungong Bianjing (kasalukuyang Kaifeng) sa Hilaga, at nang lumaon ay sa Lin’an (kasalukuyang Hangzhou) sa Timog. Sa kanilang panahon nawala ang pagkontrol ng mga pinunong Song sa rehiyon ng Tibet. Sa kabila nito, nakamit pa rin ang kaunlarang pang-ekonomiya at pangkultura ng imperyong Tsino.

Marami sa mga pinuno ng dinastiyang Song ang pinagtuunan ang mga proyektong pang-impraestruktura tulad ng lansangan, kanal, at patubig, sa halip na ang pagpapalakas ng hukbo.

Namulaklak din ang sining at panitikang Tsino sa dinastiya. Naging tanyag na tema sa pagpipinta ang landscape. Pinakamahalagang imbensiyon naman sa panahong ito ang compass ( na nagpaibayo sa kahusayan nila sa paglalayag at direksiyon), at gunpowder ( na nagpaigting sa kagalingan ng hukbong military ng dinastiyang Song).


Ang pakikipag-alyansa ng mga pinunong Song sa pangkat ng mga Mongol ang nagging ugat ng pagwawakas ng dinastiya. Lumakas ang mga Mongol na humantong sa pagpapatalsik sa Song at tuluyang pagsakop sa China. Ito ang simula ng dinastiyang Mongol.

Dinastiyang Tang (Kabihasnang Tsino)

Itinuturing ang Tang bilang isa sa mga dakilang dinastiya ng China. Bukod sa pinatatag nito ang sentralisadong pamahalaan, muling ipinatupad ng Tang ang pagkuha ng civil service examination, paglaan ng mga lupain sa mga magsasaka, at paghina ng kapangyarihan ng may-ari ng malalaking lupain.

Pinalawak ng mga pinunong Tang ang teritoryo at impluwensiya ng imperyo. Pinatunayan ito sa pagsakop ng Tibet, pagbayad ng Korea ng tribute, at pagkakaroon ng diplomatikong ugnayan sa mga kaharian sa Timog-silangang Asya.

Muling umunlad ang Chang’an sa dinastiyang Tang. Makikita ang magagandang liwasan at mga naglalakihang palasyo at templo. May pamilihan itong puno ng mga produktong nagmula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Sa panahong ito, umabot sa halos dalawang milyong katao ang naninirahan sa Chang’an. Napabilang ito sa pinakamalalaking lungsod sa buong daigdig noong panahong iyon.


Pagpasok ng ikasiyam na siglo, nagsimulang humina ng dinastiyang Tang dahil sa mga kaguluhang panloob at pagsalakay ng mga dayuhan. Katulad ng naganap sa Han, hindi nalutas ng Tang ang matinding katiwalian ng mga pinuno at paglakas ng kapangyarihan ng mga pinunong military. Tuluyan nang bumagsak ang dinastiyang Tang noong 907.