Friday, December 23, 2016

HAN DYNASTY (Kabihasnang Tsino)

Muling nakamit ang kaayusan sa China nang tuluyang makontrol ng dinastiyang Han ang pamamahala sa imperyo noong 202 B.C.E. Ang sumunod na 400 taon ay kinakitaan ng mataas na antas ng kabihasnang nagluklok sa China bilang pinakamakapangyarihang imperyo sa Asya sa panahong iyon. Sa dinastiyang Han lubhang lumaki ang populasyon ng mga Tsino mula 20 milyon patungong higit 60 milyon. Muling nanumbalik ang Confucianism na sapilitang iwinaksi sa buhay ng mga Tsino sa panahon ni Shi Huangdi.

Naging matagumpay ang pamumuno ng dinastiyang Han dahil sa dalawang dakilang pinuno: sina Gaozu at Wudi.

Pamamahala ni Wudi

Si Wudi (Wu Ti) ang isa sa maiimpluwensiyang emperador ng dinastiyang Han. Sa kaniyang panahon lumawak ang nasasakupan ng imperyo. Idinagdag niya ang katimugang rehiyon sa ibaba ng Chang Jiang na kasalukuyang hilagang Vietnam. Nakontrol din niya ang hilaga ng imperyo patungong Manchuria.

Pinatatag ni Wudi ang kaniyang pamamahala sa pamamagitan ng sistemang serbisyo sibil. Tumutukoy ito sa pang-araw-araw na pagsasagawa ng tungkuling pampamahalaan. Yaong mga nagnais na makapaglingkod o maging opisyal ng imperyo ay kailangang pumasa sa civil service examination. Kabilang sa pagsusulit ang kaalaman sa mga aral at katuruan ni Confucius, kasaysayan, at mga batas ng imperyo. Sa sistemang serbisyo sibil, nakabatay ang pagpili ng magiging opisyal ng imperyo sa kaalaman at hindi sa pagmana ng posisyon mula sa pamilya.

Nakamit sa panahon ni Wudi ang matagalang kapayapaan at kaayusan sa buong imperyo. Sa kaniyang pagkamatay noong 87 B.C.E., nagpatuloy ng halos 150 taon ang kapayapaan sa imperyong han. Ito ang panahong kilala bilang Pax Sinica o Kapayapaang Tsino.

Sa ilalim ng dinastiyang Han nakamit ng mga Tsino ang isa sa “Ginintuang Panahon” ng China.

Kalakalan sa Silk Road

Sa panahong Han nagging aktibo ang pakikipagkalakalan ng mga Tsino sa labas ng imperyo. Noong 106 B.C.E., naglakbay ang kauna-unahang caravan o pangkat ng mga mangangalakal na Tsino na sakay ng mga kamelyo patungong kanluran. Dala-dala nito ang mga produktong sedan a ipagbibili sa mga dayuhang mangangalakal.

Paglaon, ang rutang nilakbay ng naturang mga mangangalakal na Tsino ay tinawag na Sil Road. Ang rutang iro ay tinatayang may habang 8000 kilometro mula China hanggang sa rehiyong Mediterranean sa kanluran ng Asya.

Pagbagsak ng Han

Kalaunan, humina ang kapangyarihan ng Han. Ilan sa mga dahilan nito ay ang mahinang pamamahala at katiwalian ng mga sumunod na emperador, paglakas ng mga maharlika, pananalakay ng mga nomadikong dayuhan mula sa hilagang China.


Noong 189 C.E., matagumpay na sinakop ng mga rebeldeng mandirigma ang Chang’an. Pagdating ng taong 220, tuluyan nang sumiklab ang mga digmaang sibil at bumagsak ang dinastiyang Han.

Dinastiyang Qin (Kabihasnang Tsino)

Noong 221 B.C.E., matagumpay na napag-isa ng dinastiyang Qin ang mga estadong naglaban ng halos 200 taon. Sa panahong ito, naitatag ng kabihasnang Tsino ang tunay na imperyo sa pamumuno ni Shi Huangdi (Qin Shi Huang), na nagpahayag sa sarili bilang emperador na taglay ang mandate of heaven. Binago niya ang Sistema ng pamamahala sa China at ibinatay sa Legalism.

Pinangasiwaan ni Shi Huangdi ang imperyo nang may pagmamalupit. Para sa kaniya, makakamit lamang ang kaayusan at kaunlaran ng imperyo kung mahigpit ang pamamahala ng pinuno.

Hindi tinanggap ni Shi Huangdi ang mga aral at katuruan ni Confucius. Ipinag-utos niyang supilin ang Confucianism sa China sa pamamagitan ng pagsunog sa mga aklat nito at pagpapahirap o pagpatay sa mga guro ng Confucianism.

Ipinatupad ni Shi Huangdi ang isang metatag na sentralisadong pamahalaan kung saan siya ang may ganap na kapangyarihan. Hinati niya ang imperyo sa 36 na lalawigan at sa mas maliit na distrito. Itinalaga niya ang mga mapagkakatiwalaang pinuno upang pangasiwaan ang mga ito. Bumuo rin siya ng lupong tagasuri sa pagganap ng mga opisyal ng lalawigan at distrito sa kanilang mga tungkulin. May mabigat na parusa ang sino mang mapatunayang nagtaksil sa emperador.

Upang humina ang impluwensiya ng mga maharlika, sapilitan silang pinatira sa Xianyang (kabisera ng dinastiya) matapos samsamin ang kanilang mga sandata. Dagdag pa rito, hinangad ni Shi Huangdi na tuluyang mawala ang ugnayan ng mga maharlika at mga magsasaka upang hindi makapag-alsa ang mga ito laban sa kaniya.

Sa kabila ng pahayag ni Shi Huangdi na magtatagal ng hanggang 10,000 henerasyon ng mga pinuno ang pamamahala ng dinastiyang Qin, umabot lamang ng 15 taon ang naturang dinastiya. Noong 210 B.C.E., binawian ng buhay si Shi Huangdi. Sa panahong ito, nagsagawa ng iba’t ibang rebelyon ang mga magsasaka at maharlikang nakaranas ng malupit na pamamahala ni Shi Huangdi.


Pagkaraan ng apat na taon, napatalsik ang dinastiyang Qin. Noong 202 B.C.E., nagtagumpay na maluklok sa kapangyarihan si Liu Bang. Kinilala siya bilang si Gao Zu at siyang nagtatag ng bagong dinastiya – ang Han.

Dinastiyang Zhou (Kabihasnang Tsino)

Pagkaraang mamayani ang kabihasnang Yellow River sa China, itinatag ang dinastiyang Shang na nangasiwa sa mga Tsinong Zhou ang kanlurang bahagi ng China. Ito ang nagbigay-daan sa pagtatag ng bagong dinastiya, ang Zhou.

Namahala ang dinastiyang Zhou sa China ng halos 900 taon. Ito ang dinastiyang pinakamatagal na namahala sa China. Sa panahon ding ito, nagsimula ang pagiging makapangyarihan at paglawak ng teritoryong sakop ng kabihasnang Tsino.

Sentralisado ang pamamahala ng dinastiyang Zhou sa China. Ang hari ang pinakamataas na pinuno at ang mga katuwang na opisyal ang namahala sa edukasyon, mga batas, pampublikong gawain, at mga panrelihiyong ritwal at seremonya.

Sa panahon ng Zhou umusbong ang kaisipan ng mandate of heaven. Dito nag-ugat ang dynastic cycle

Pamumuhay sa Ilalim ng Zhou

Nagpatuloy ang Sistema sa pagmamay-ari ng lupa ng dinastiyang Shang sa panahon ng Zhou. Sa kalakalan, nagging mahalagang produkto ang seda. Karaniwang ginamit ito sa paggawa ng mga damit at bilang telang pambalot sa katawan ng yumao. Ikinalakal din ang seda at iba pang produktong Tsino sa gitnang Asya at maging sa ilang bahagi ng Europe.

Sa dinastiyang Zhou nagsimula ang malim na pagpapahalaga sa pamilya. Higit na pinahalagahan ng mga Tsino ang katapatan sa pamilya kaysa sa katapatan sa estado.

Sa panahong ito nagging tanyag ang mga dakilang pilosopong Tsino na sina Kong Fuzi, Laozi, at Meng Zi. Ang kanilang mga aral at katuruan ang nagging malakas na impluwensiyab sa pamumuhay ng mga tsino.

Pagbagsak ng Zhou

Noong 475 B.C.E., sumiklab ang mga digmaang sibil sa pagitan ng pitong maliliit na estado – ang Qi, Chu, Yan, Han, Zhao, Wei, at Qin sa kahariang Zhou. Ang panahong ito sa kasaysayan ng China ay tinawag na “Period of the Warring States”. Sa panahong ito, hindi ganap ang kapangyarihang political ng dinastiyang Zhou sa China.


Natigil ang digmaang sibil sa China nang ganap na makontrol ng estadong Qin ang buong kaharian. Ito ang nagwakas sa pamamahala ng Zhou at naghudyat sa pagtatag ng bagong pamunuan, ang dinastiyang Qin.

Imperyong Chaldean

Pagkaraang pabagsakin ang Assyria, nagging tanyag na pinuno si Nabopolassar ng Chaldea. Tulad ng unang Imperyong Babylonian, muling sumigla ang Babylon bilang kabisera ng bagong imperyo. Hinangad ni Nabopolassar na maging makapangyarihan ang kaniyang imperyo tulad ng Babylonia. Dahil ditto, ang Imperyong Chaldean ay tinagurian sa kasaysayan bilang “Ikalawang Imperyong Babylonian” o Imperyong Neo-Babylonian ng Mesopotamia.

Ang pinakadakilang hari ng Chaldea ay si Nebuchadnezzar. Sa ilalim ng kanyang pamumuno lumawak ang teritryo ng Chaldea hanggang sa dulong kanluran ng Syria at ng Canaan (bahagi ng kasalukuyang Israel at Lebanon). Noong 586 B.C.E., sinakop niya ang Jerusalem at itinaboy ang libo-libong Jew mula sa kanilang lupain patungong Babylon bilang mga alipin. Tinawag ang pangyayaring ito na Babylonian Captivity.

Sa pamumuno ni Nebuchadnezzar, nagging sentro ng kalakalan ang Babylon. Pinrotektahan ang lungsod ng mga pader na may taas na umaabot sa 300 talampakan at may kapal na 80 talampakan. Ang pinakamarangyang pader ay tinawag na Ishtar Gate. Napalamutian ng mga guhit na toro at dragon ang kulay asul na pader nito.


Namahala si Nebuchadnezzar sa loob ng 43 taon. Noong 539 B.C.E., sinakop ng mga Persian, sa pangunguna ni Haring Cyrus the Great, ang lungsod ng Babylon. Ang pananakop na ito ang nagwakas sa makasaysayang kabihasnan ng Mesopotamia.

Imperyong Babylonian

Sa pagpasok ng 1800 B.C.E., isang bagong lungsod-estado ang umunlad at nagging makapangyarihan sa buong Mesopotamia. Ito and Babylon. Ang pagsakop ng Babylon sa Sumer at Akkad ang nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Imperyong Babylonian.

Maraming nagging pinuno ang Babylonia. Ngunit ang  pinakatanyag sa kanila ay si Hammurabi na nagging hari ng imperyo mula dakong 1792 B.C.E. hanggang 1750 B.C.E.

Ang Code of Hammurabi

Sa mga nagawa ni Hammurabi, ang sistematikong pagpapatupad ng mga batas ang itinuturing na pinakadakila. Tinawag ang kaniyang Katipunan ng mga batas na Code of Hammurabi. Nakabatay ang ilang batas sa prinsipyong “mata para sa mata, ngipin para sa ngipin.” Ibig sabihin, kung ano ang ginawang kasalanan ng isa ay siya ring kaniyang daranasin bilang parusa. Kung gayon, kung ang isa ay nagkasala ng pananakit, siya rin ay papatawan ng pananakit.


Ang panahon ng pamamahala ni Hammurabi ay tinaguriang “Ginintuang Panahon ng Babylon.” Sa kaniyang pagkamatay, humina ang Babylon at muling nahati ang Mesopotamia sa iba’t ibang maliliit na estado.

Imperyong Assyrian (Asya)

Naging makapangyarihan ang Imperyong Assyrian sa pagitan ng 900 B.C.E at 700 B.C.E. Matatagpuan ito sa lambak-ilog ng Tigris sa Mesopotamia. Tulad ng mga Sumerian, Akkadian, at Babylonian, ginamit din ng mga Assyrian ang cuneiform bilang Sistema ng pagsulat.

Kinakatakutan ang mga mandirigmang Assyrian sa kanlurang bahagi ng Asya. Ito ay dahil sa kanilang marahas at malupit na pakikipagdigma. Nagsagawa ang mga Assyrian ng sistematikong pananalakay gamit ang mga chariot, helmet, sibat, at espadang yari sa bakal. Sinunog nila ang bawat lugar na kanilang nasakop. Walang awa nilang pinaslang, pinugutan ng ulo, at sinunog nang buhay ang mga nadakip nilang kaaway. Ang mga natirang buhay ay ginawang alipin. Ang iba ay ipinatapon sa malalayong lugar.

Dahil sa takot ng mga karatig-pamayanan sa Assyria, mas ninais ng kanilang mga pinuno na tanggapin ang pananakop at pamamahala ng mga Assyrian upang mailigtas ang buhay at ari-arian ng kanilang mga nasasakupan. Dahil ditto, nakapagtatag ang mga Assyrian ng isang malakas na imperyo. Napasailalim sa kanilang kapangyarihan ang Mesopotamia at buong Fertile Crescent. Napasakamay rin ng mga Assyrian ang Egypt sa Africa.

Sa pagkakatatag ng Nineveh, ang kabisera ng Imperyong Assyrian, nagging higit na makapangyarihan ang mga Assyrian sa Kanlurang Asya.

Napanatili ang katanyagan ng imperyo nang maluklok si Ashurbanipal bilang hari ng Assyria.

Itinuturing si Ashurbanipal bilang isa sa mga dakilang pinuno ng sinaunang kasaysayan. Bukod sa mahusay niyang pamamahala sa Assyria, ipinag-utos niya na gumawa ng silid kung saan ilalagak ang may halos 25,000 clay tablet. Nakasulat sa mga tablet na ito ang tungkol sa mga pinuno, mahahalagang pangyayari, at iba pang paglalarawan sa pamumuhay ng mga tao sa Mesopotamia.

Noong 1852, natuklasan ng isang arkeologong Turkish ang mga labi ng silid at ang napreserbang mga clay tablet. Dahil ditto, kinilala si Ashurbanipal bilang taong nagpagawa ng unang aklatan sa daigdig.


Ang wakas ng paghahari ni Ashurbanipal ang nagging sanhi ng paghina ng imperyo. Ang mga pag-aalsa ng mga mamamayang sinakop ng mga Assyrian at ang pagpataw ng mataas na buwis sa mga ito ang nagpaigting sa paghina ng Assyria. Noong 612 B.C.E., sinakop ang Nineveh at tuluyan nang bumagsak ang imperyo nang salakayin ito ng pinag-isang puwersa ng mga Chaldean sa Babylon at Medes sa Persia.

Akkadian Empire

Pinamunuan ni Haring Sargon ang kauna-unahang imperyong itinatag sa kasaysayan ng daigdig, ang Imperyong Akkadian. Nagtagumpay sis argon na mapag-isa ang mga lungsod-estado ng Sumer sa kaniyang pamamahala noong dakong 2300 B.C.E.

Pinalawak ni Sargon ang teritoryong sakop ng Imperyong Akkadian na umabot mula sa mga dalampasigan ng Mediterranean Sea hanggang sa timog na bahagi ng Persian Gulf.

Bukod sa pagpapalawak ng lupain, naging abala rin si Sargon sa pagpapagawa at pagkukumpuni ng dike at Sistema ng patubig sa Mesopotamia. Pinabantayan din niya sa kaniyang mga mandirigma ang mga pangunahing rutang pangkalakalan ng imperyo. Tumagal ang pamamahala ni Sargon ng mahigit 50 taon. Maraming aspekto ng kulturang Sumerian ang inangkin din ng Akkadian. Pinakamahalaga rito ang cuneiform.


Dahil sa paghalili kay Sargon ng mahihinang pinuno ay humina at tuluyang bumagsak ang Imperyong Akkadian.