Friday, December 23, 2016

MGA KABIHASNANG NAGMULA SA HILAGANG ASYA (Imperyong Mongol)

Sa kasalukuyan, ang Mongolia ay ibinibilang na bahagi ng Silangang Asya. Ito ay dahil ang Inner Mongolia ay nasa ilalim ng China. Subalit sa kasaysayan, ang Mongolia ay kabilang sa Hilagang Asya. Kakaiba ang kultura at takbo ng kasaysayan ng mga Mongol kung ihahambing sa mga Tsino, Hapones, at Korean.

Ang Hilagang Asya ay tirahan ng mga nomadikong pastoral na pangkat ng tao simula pa noong panahong neolitiko. Dahil sa particular na kpaligiran nito, lumitaw ang kulturang mandirigma. Pananakop ang batayan ng pagbuo ng mga estado sa Hilagang Asya. Militarisado ang kabihasnan ditto at talamak ang mga labanan.

Sa kabila ng nabanggit ay bukas ang loob at mapagtangkilik sila sa mga impluwensiya ng ibang kabihasnan. Halimbawa nito ang pagyakap nila sa Islam ng Kanlurang Asya at Buddhism ng Timog Asya habang patuloy pa rin ang katutubong relihiyon, ang shamanism. Nakasentro sa relihiyong ito ang Shaman na pinaniniwalaang may control at ugnayan sa mga espiritu. Sinasabing may angking mahika ang shaman na kaniyang ginagamit sa pagpapagaling ng maysakit at pagkontrol ng mga pangyayari.

Ang mga Hun at Xiongnu

Ang Hun at Xiongnu ay estadong pantribo. Namayani ito noong Panahong Neolitiko hanggang sa kalagitnaan ng ika-12 siglo. Ang Hun at Xiongnu ay mga nomadikong pastoral na pangkat at paminsan-minsan ay nagtatanim din ng buti Nanirahan ang Xiongnu sa hilagang bahagi ng China. Ang kanilang sistemang political ay nakabatay sa mga dakilang hari ay sina Maodun at Attila.

Ang Imperyong Mongol

Sa mga huling dekada ng ika-12 siglo, ang mga Mongol ang pinakamalakas na pangkat-nomadiko sa gitnang Asya. Nagmula ang mga ito sa Mongolia na may hiwa-hiwalay na kagubatan at steppe sa hilagang kanluran ng China.

Tulad ng ibang nomadikong pangkat, nahati ang mga Mongol sa mga angkan. Noong dakong 1200, matagumpay na napag-isa ng isang pinunong Mongol ang mga angkan sa kaniyang pamamahala. Siya si Temujin na nagging Genghis Khan o “pinunong pandaigdig” noong 1206. Sa loob ng 26 na taon, pinangunahan niya ang pagsakop sa malaking bahagi ng Asya.

Nang mamatay si Genghis Khan noong 1227 dahil sa karamdaman, ipinagpatuloy ng mga sumunod na pinuno ang pagpapalawak ng teritoryo ng Imperyong Mongol. Mula sa China ay umabot hanggang sa Poland sa Europe ang lawak ng imperyo.

Ipinagpatuloy ni Ogedei (Ogodei), anak ni Genghis Khan, ang pamamahala sa imperyo mula 1229 hanggang 1241. Pagkaraan nito, hinati ang Imperyong Mongol sa apat na bahagi na tinawag na khanate.

Sa pagdaan ng panahon, naimpluwensiyahan ang mga Mongol ng pamumuhay ng mga tao na kanilang sinakop. Halimbawa nito ang pag-aankop ng sistemang political ng China sa Great Khanate, at pag-anib sa Islam ng mga Mongol sa Ilkhanate at Golden Horde.

Mula sa kalagitnaan ng ika-13 hanggang ika-14 na siglo, napanatili ang kaayusan at kapayapaan sa imperyong Mongol. Ligtas ang paglalakbay, aktibo ang kalakalan, at mapayapa ang lipunan sa malaking bahagi ng imperyo. Ang panahong ito ay tinawag na Pax Mongolica o “Mongol Peace”.

Pananalakay ni Timur

Nagmula sa Khanate of Chagadai ang pamilya ni Timur. Tinangka niyang bunuo ng bagong imperyo. Nasakop ni Timur ang Persia at Mesopotamia. Tinalo niya ang Golden Horde na nasa timog ng Russia at sandaling nasakop ang India.


Malupit si Timur sa pagsalakay. Sinira ng kaniyang hukbo ang mga paaralan, palasyo, at iba pang mahahalagang gusali. Iniutos niyang pagpatungin sa isang malaking piramide ang may isang libong ulo ng mga pinaslang na biktima. Susi sa kaniyang tagumpay ang malakas na puwersang military at mga espiyang nagbigay ng impormasyon hinggil sa mga rutang tatahakin. Sa kabila nito, nakilala rin si Timur bilang tagapagtaguyod ng sining at arkitektura at pagsasama ng mga simbolo at disenyong Islamiko sa kanyang imperyo. Ang teritoryong nasakop ni Timur ay hindi nanatiling buo nang siya ay mamatay noong 1405. Ito ay dulot na rin ng tunggalian at agawan sa trono ng kaniyang mga anak at kamag-anak.

Panahong Sakoku (Kabihasnang Hapones)

Hindi nakaligtas ang Japan mula sa pagdating ng mga Kanluranin sa bansa. Ang pagdating ng mga Portuguese noong 1543 ang hudyat ng sunod-sunod na pagdating ng mga Kanluranin sa Japan. Nakarating ang mga misyonerong Katoliko sa pangunguna ng paring Jesuit na si St. Francis Xavier. Nagtagumpay siyang palaganapin ang Kristiyanismo sa bansa nang makuha niya ang kalooban ng maraming daimyo.

Pinaniwalaan ni Hideyoshi na hindi Mabuti ang impluwensiyang dulot ng mga Kristiyano sa buhay ng mga Hapones, at maaaring maging kasangkapan ang relihiyon upang sakupin ang bansa. Dahil ditto, ipinagbawal niya ang Kristiyanismo sa Japan noong a587 at sinimulan ang pagpapatapon at pagpapaslang sa mga misyonero.

Sa Tokugawa shogunate, ikinabahala rin ni Ieyasu at mga sumunod na shogun ang patuloy na paglaganap ng Kristiyanismo. Ipinagpatuloy nila ang pagpapatapon at pagpapahirap sa mga misyonero at kasamahan nito. Nagpasiya ang Tokugawa shogunate na ipatupad ang Act of Seclusion 1636 na nagtakda ng pagbawal sa lahat ng Hapones na umalis ng bansa, pagtutol na makipagkalakalan sa mga dayuhan maliban sa mga Tsino at Dutch sa Nagasaki, at sapilitang pagpapaalis ng mga misyonero at Kristiyanong Hapones. Kinilala ito bilang Panahong Sakoku.


Noong 1639, tuluyan nang isinara ng Tokugawa shogunate ang Japan sa ibang bansa at tumagal ng halos 200 taon. Sa simula, ang pagsasarang ito ay nagdulot ng kapayapaan sa bansa at kaunlaran sa larangan ng paggawa at kalakalang panloob. Paglaon, kinakitaan ng kahinaan ang Tokugawa dahil sa katiwalian at mahinang pamumuno. Idagdag pa rito ang mahinang ani sa mga sakahan na ikinagalit ng mga magsasaka. Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin ng mga pinunong Tokugawa ang pagsasara ng Japan.

Panahong Shogunate (Kabihasnang Hapones)

Sa pagtatapos ng ika-12 siglo, tumindi ang paglalabanan ng mga pamilyang maharlika na humantong sa pagsiklab ng digmaang sibil. Isang pamilya, sa pamumuno ni Minamoto no Yoritomo (1142-1199), ang lumupig sa iba pang nag-aalitang angkan at itinatag ang sentro ng pamahalaan sa tangway ng Kamakura na nasa timog ng kasalukuyang Tokyo. Ito ang simula ng mas sentralisadong pamahalaan, ang Kamakura shogunate.

Naging Mabuti ang pagkakaroon ng sentralisadong pamahalaan ng Japan sa panahon ng Kamakura shogunate. Sa pagpasok ng ika-13 siglo, naharap ang mga Hapones sa matinding hamon, ang pananalakay ng mga Mongol.

Noong 1268, ipinag-utos ni Kublai Khan ang sapilitang pagbayad ng buwis ng Japan sa Imperyong Mongol. Pagkaraan ng anim na taon, nauwi sa pagsalakay ng mahigit 30,000 mandirigmang Mongol ang pagtanggi ng mga Hapones na magbayad ng buwis. Nakaligtas ang Japan sa pananakop ng mga Mongol dahil sa malakas na bagyo. Noong 1281, muling tinangka ng mga Mongol na sakupin ang Japan at nagpadala ng malaking hukbo na umabot sa halos 150,000 na mandirigma. Muli silang nabigo dahil sa mas malakas na bagyong ikinasira ng mga barkong pandigma ng mga Mongol. Pagkaraan ng dalawang pagtatangkang ito, hindi na muling binalak na sakupin ng mga Mongol ang Japan. Dahil sa pagkakaligtas ng Japan mula sa bantang pananakop ng mga Mongol, itinuring ng mga Hapones na banal ang bagyo at tinawag nila itong kamikaze o banal na hangin.

Sa kabila ng tagumpay laban sa mga Mongol, humina ang Kamakura shogunate dahil sa pagkaubos ng kaban ng yaman at pagkawala ng katapatan ng mga samurai sa pamahalaan. Noong 1333, pinatalsik ni Emperador Go-Daigo ang Kamakura at inihayag ang kaniyang pamumuno sa Japan na tinatawag na Kemmu Restoration. Pagkaraan ng limang taon, kinalaban siya ng isang maimpluwensiyang angkan sa pangunguna ni Ashikaga Takauji at nagtatag ng bagong shogunate, ang Muromachi.

Naging sentro ng pamamahala ng Ashikaga ang lungsod ng Kyoto. Sa panahong ito, hindi ganap ang pagiging sentralisado ng pamahalaang Ashikaga. Nagpatuloy ang mga digmaang sibil at kaguluhang political mula 1467 hanggang 1568. Tinawag itong Sengoku o panahon ng naglalabanang mga estado.

Noong 1568, nagtagumpay ang makapangyarihang daimyo na si Oda Nobunaga na magapi ang iba pang daimyo. Sa kabila nito, hindi tuluyang napag-isa ni Nobunaga ang Japan. Sa kaniyang pagkamatay noong 1582, pinalitan siya ni Toyotomi Hideyoshi, ang kaniyang pinakamahusay na heneral. Ipinagpatuloy ni Hideyoshi ang pagsupil sa mga kalabang daimyo. Noong 1590, kontrolado niya ang malaking bahagi ng Japan. Ang panahong ito ay tinawag na Azuchi-Momoyama na batay sa mga lalawigan kung saan itinatag ng dalawang pinuno ang kanilang kaharian.

Hingangad din niHideyoshi na mapasakamay ang China. Dahil ditto, tinangka niyang sakupin ang Korea ngunit nabigo ito. Pinigilan niya ang paglaganap ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagbabawal na tangkilikin ito. Namatay si Hideyoshi noong 1598.

Isa sa malalakas na kaalyadong daimyo ni Hideyoshi si Tokugawa Leyasu. Matagumpay niyang pinagkaisa ang Japan. Nilupig niya ang kaniyang mga kalaban sa Digmaan sa Sekigahara noong 1600. Pagkaraan ng tatlong taon, inutusan niya ang emperador na ideklara siya bilang shogun. Ito ang simula ng pamamahala ng Tokugawa shogunate na nagtagal ng halos 265 taon.


Nakamit ng Japan ang pagkakaisa at kapayapaan sa panahon ng Tokugawa shogunate. Tumagal ito ng mahigit 200 taon. 

Panahong Nara at Heian (Kabihasnang Happones)

Pagkaraang mamatay ni Shotoku Taishi noong 622, nakuha ng pamilya Fujiwara ang kapangyarihang political sa Japan. Pinayagang makapangasawa ng Fujiwara ang namamahalang pamilya at ipinagpatuloy ang reporma ni Shotoku.

Noong 710, itinatag ang Nara, ang bagong kabisera na itinulad sa dakilang lungsod ng Chang’an sa China. Matatagpuan ito sa silangang bahagi ng kapatagan ng Yamato. Ipinatupad ng pinunong Yamato ang mandate of heaven na katulad sa China.

Sa simula, nasa emperador ang kapangyarihang mamahala. Paglaon, nagging maimpluwensiya ang mga pamilya ng maharlikang nagmamay-ari ng malawak na lupain.


Noong 1794, inilipat ni Emperador Kammu ang kabisera sa Heian (kasalukuyang Kyoto). Wala sa emperador ang tunay na kapangyarihan kung hindi ay nasa pamilya Fujiwara. Isinagawa ang pag-aasawa ng mga Fujiwara sa mga kasapi ng pamilya ng emperador upang mapanatili ang impluwensiyang political ng pamilya sa Japan. Tuluyang humina ang sentralisadong pamamahala ng emperador dahil sa pagkontrol ng mga maharlika sa kani-kanilang lupain. Pinalakas ang  puwersang military upang mapangalagaan ang kanilang interes.

KABIHASNANG HAPONES

Iniuugnay ang Japan sa pagsikat ng araw. Ito ay dahil ang bansa ay nasa bahagi ng daigdig kung saan mistulang sumisikat ang araw. Ayon naman sa tradisyong Hapones, nagmula ang kanilang lahi kay Amaterasu, ang diyosa ng araw.

Isang kapuluan ang Japan. Nahahati ito sa apat na malalaking pulo – ang Hokkaido, Honshu, Shikoku, at Kyushu. Sa Honshu matatagpuan ang Tokyo, ang kasalukuyang kabisera ng bansa

Sinaunang Kasaysayan

Nakasandig sa alamat at tradisyon ang simula ng kasaysayan ng Japan. Ang mga salaysay sa Kojiki (712 C.E.) at Nihon Shoki (Nihongi) (720 C.E), at ang tala ng mga Tsino (dakong 300 C.E.) ang mga unang batayan ng sinaunang kabihasnang Hapones.

Mula sa timog ng Kyushu, nakarating ang mga katutubong Yayoi sa Honshu at nanirahan sa kapatagan ng Yamato. Nahati ang mga Yayoi sa iba’t ibang tribo na may kani-kaniyang pinuno. Paglaon, nakamit ng pinuno ng Yamato ang pagiging makapangyarihan sa iba pang tribo.

Sa mga unang taon ng ikapitong siglo C.E., kinaharap ng mga tribo ang banta ng pagsalakay ng mga Tsinong Tang. Dahil ditto, ninais ni Shotoku Taishi, pinuno ng Yamato, na magkaisa ang mga tribo upang maging handa sa anumang pagsalakay

Impluwensiyang Tsino


Nakabatay ang malaking bahagi ng pamumuhay ng mga sinaunang Hapones sa kultura ng mga Tsino. Sa pagpasok ng 500 C.E., nagging madalas ang ugnayan ng mga katutubong Hapones at Tsino sa pamamagitan ng tangway ng Korea. Naimpluwensiyahan ng mga Tsino ang mga Hapones dahil na rin sa pagdagsa ng mga katutubong Korean sa Japan.

Kaharian ng Joseon (Kabihasnang Korean)

Matapos bumagsak ang Dinastiyang Goryeo, muling nagtatag ng dinastiya si Yi Seong-gye, at tinawag itong Joseon. Mula sa Gaegyeong ( kasalukuyang Kaesong) ay inilipat ang kabisera sa Hanyang (kasalukuyang Seoul). Binuksan ang mga paaralan upang pag-aralan ang Confucianism.

Isang dakilang pinuno ng Joseon si Haring Sejong. Isa sa kanyang mga ambag ay ang pagpapagawa ng instrumenting susukat sa patak ng ulan. Dahil ditto, ang Korea ang may pinaka matandang tala ng dami ng ulan sa kasaysayan. Sa kaniyang panahon din naimbento ang payak na paraan ng pagsulat na tinawag na hangul na batay sa Chinese calligraphy. Binubuo ito ng 14 na katinig at 10 patinig na sumisimbolo sa mga tunog na ginagamit ng mga Korean. Yumabong ang panitikan sa Korea dahil madaling naisulat ang mga katutubong kuwento sa hangul.

Tulad ng iba pang kabihasnan sa Asya, hindi nakaligtas ang Korea sa pagsalakay ng mga dayuhan gaya ng Hapones at Manchu. Kaugnay nito, hinarap ng mga Korean ang pagtatangka ng mga Hapones sa pamumuno ni Toyotomi Hideyoshi. Mula 1592 hanggang 1598, nanalasa ang mga Hapones sa Korea. Gayumpaman, nabigo ang mga dayuhan sa pinagsanib na puwersa ng mga Tsinong Ming at ni Admiral Yi Sun-shin isang magaling na mandirigmang Korean.

Sa pagkamatay ni Hideyoshi noong 1598, tuluyang nilisan ng mga Hapones ang Korea


Noong 1627 at 1636, muling naharap ang mga Korean sa pananakop ng mga dayuhan nang salakayin ng mga Manchu ang Korean sa pananakop ng mga dayuhan nang salakayin ng mga Manchu ang Korea. Sa kabila ng sunod-sunod na pagsalakay, hindi bumagsak ang Joseon.

Dinastiyang Goryeo (Kabihasnang Korean)

Umabot ng halos apat at kalahating siglo ang pamamahala ng dinastiyang Goryeo sa Korea. Tulad ng China, ipinatupad din ng mga pinuno ng Goryeo ang sentralisadong pamahalaan at ang pagkuha ng civil service examination. Sa kabila nito, nanatili pa rin sa pamahalaan ang mga maharlika at namamana pa rin ng kanilang mga anak ang mga posisyon.

Sa pagitan ng taong 1231 at 1259, naglunsad ang mga Mongol ng sunod-sunod na kampanya sa Korea at hiningan ang mga pinuno ng Goryeo ng mabibigat na tribute tulad ng 20,000 kabayo, damit para sa isang milyong mandirigma, at mga aliping Korean.

Sa pagbagsak ng Imperyong Mongol, lumaganap ang iba’t ibang rebelyon laban sa mga maharlika ng Korea. Noong 1392, sa pamumuno ng mandirigmang si Yi Seong-gye ay muling napag-isa ang Korea sa ilalim ng bagong dinastiya, ang Joseon.


KONSEPTO NG ASYA

Mahalagang bahagi ng pag-aaral ng heograpiya ang pag-unawa tungkol sa mga kontinente. Ang daigdig ay binubuo ng mga kalupaan at katubigan. Ang pinakamalaking masa ng lupa na matatagpuan sa daigdig ay tinatawag na kontinente. Ayon sa Continental Drift Theory, nagmula ang lahat ng mga kontinente sa isang supercontinent, ang Pangea. Unti-unting nagkahiwa-hiwalay ang Pangea may 200 milyong taon na ang nakalilipas. Pagkaraan ng ilan pang milyong taon, tuluyan nang nahati ang mga bahagi ng Pangea hanggang sa mabuo ang mga kasalukuyang kontinente. Ang unti-unting paghihiwalay ng supercontinent na ito ay ipinaliliwanag naman ng Plate Tectonics Theory.

Sa tradisyonal na modelo ay may pitong kontinente ang daigdig. Ito ay ang Africa, Antarctica, Australia, Europe, North America, South America, at Asya.

Hindi tiyak ang tunay na pinagmulan ng salitang “Asya”. Maaring nagmula ito sa salitang Aegean na asis na nangangahulugang “maputik” o sa salitang Semitic na asu na nangangahulugang “pagsikat” o “liwanag”, patungkol sa araw.

Para sa mga sinaunang Greek, ang Asya ay tumutukoy sa rehiyon ng Anatolia (kasalukuyang Turkey)  o sa Imperyong Persian na matatagpuan sa silangang bahagi ng Greece. Ginamit ang salitang ito sa panahon ni Herodotus (dakong 484 B.C.E. – 425 B.C.E.), dakilang historyador na Greek at tinaguriang “Ama ng Kasaysayan.” Ito ay upag maihiwalay ang nasabing mga lugar mula sa Greece at sa Egypt noong panahong iyon. Nang lumaon, ginamit ng mga Greek ang salitang Asya sa pagtukoy hindi lamang sa Anatolia kundi maging sa mga karatig na lupain sa silangan nito.

Tinawag din ang Asya na orient o silangan dahil ito ay nasa gawing silangan ng Europe. Unang ginamit ang salitang orient noong ika-14 na siglo. Ang Europe naman ang tinukoy na occident o kanluran.

Mapapansin na ang salitang Asya at ang taguri sa kontinente bilang orient ay batay sa pananaw na Eurocentric – isang paraan ng pagtingin sa daigdig mula sa pananaw ng mga Europeo. Sa pananaw na ito, ipinapalagay na ang Europe ang sentro ng daigdig, at ang lahing Europeo ang nakahihigit kaysa sa iba. Sa pananaw ring ito, ang batayan ng lahat ng bagay ay nakatuon nang ayon sap ag-unawa ng mga Europeo.

Isa pang halimbawa ng Eurocentrism ay ang paghahati sa Asya sa tatlong rehiyon ng ilan sa mga unang modernong heograpo at historyador na Europeo. Ang mga rehiyong ito ay ang Near East, Middle East, at Far East.

Tinawag na Near East ang mga lupain sa silangang baybayin ng Mediterranean Sea hanggang Persian Gulf. Matatagpuan naman sa Middle East ang mga lupain mula Persian Gulf hanggang Timog-silangang Asya. Samantala, ang rehiyon sa Asya na nakaharap sa Pacific Ocean ang tinawag na Far East. Kabilang dito ang China, Japan, at Korea. Bagama’t nagbabago-bago at napagpapalit ang saklaw na mga lupain ng Near East at Middle East, hindi makakaila na binuo ito alinsunod sa pananaw ng mga Europeo.

Bilang mga Asyano, nararapat na gamitin ang Asian-centric na pananaw sa pag-aaral ng Asya. Sa pananaw na ito, binibigyang-pansin at ginagamit ang mga konseptong Asyano upang pahalagahan ang mga bagay na may kaugnayan sa Asya at sa mga Asyano.

Sa pagkilala at pagmamalaki sa mga dakilang nagawa at ambag ng mga Asyano mula pa noong sinaunang panahon, mapatutunayang nararapat ipagkaloob sa mga Asyano ang pantay na pagpapahalaga at pagkakakilanlan bilang mga kasapi ng pandaigdigang pamayanan.

KALAGAYANG HEOGRAPIKAL NG ASYA

Ang Asya ay isang kontinente. Hinati ng mga heograpo ang malalaking kalupaan sa daigdig sa pitong tradisyonal na kontinente.

Kung pagmamasdan ang mapa ng daigdig, matatagpuan ang Asya sa silangan ng Europe at hilagang-silangan ng Africa. Nasa gawing kanluran naman ito ng Pacific Ocean. Ang mga kalupaan at katubigang nakapaligid sa kontinente ay nagsisilbing hangganan nito sa iba’t ibang direksiyon.

Napaliligiran ang Asya ng tatlong naglalakihang karagatan: Arctic Ocean sa hilaga, Pacific Ocean sa silangan, at Indian Ocean sa timog. Ang mga pangunahing hangganan ng Asya sa hilaga nito ay ang Kara Sea, Laptev Sea, East Siberian Sea, at Chukchi Sea.

Sa silangan ng Asya, maliban sa Pacific Ocean, ang Bering Strait at Bering Sea ang naghihiwalay sa Asya sa hilagang-kanlurang bahagi ng North America. Ihinihiwalay naman ng Timor Sea at Arafura Sea ang Timog-silangang Asya sa Australia.

Ihinihiwalay ang Kanlurang Asya sa Africa ng Gulf of Aden, Babel-Mandeb Strait, Red Sea, at Gulf of Suez. Hangganan din ng Asya sa kanluran ang Mediterranean Sea, Aegean Sea, Sea of Marmara, Bosporus Strait, Black Sea at Caspian Sea.

Dalawang bulubundukin ang naghihiwalay sa Asya at silangang bahagi ng Europe. Ito ang Caucasus Mountains na nasa pagitan ng Georgia, Azerbaijan, at Armenia sa Asya, at ng Russia sa Europe. Ang pangalawang bulubundukin ay ang Ural Mountains na tradisyonal na hangganan ng kanlurang Asya at silangang Europe.

Sukat, Hugis, at Anyo ng Asya

Ang Asya ang pinakamalaking kontinente sa buong daigdig. May tinatayang kabuuang sukat ito na halos 44 milyong kilometro kuwadrado o halos isang katlo ng kabuoang sukat ng kalupaan ng daigdig. Ang Asya ay higit pa sa apat na ulit ang laki kaysa Europe at sa pinagsamang sukat ng kalupaan ng North America at South America.

May ganap na pagkakaiba-iba ang pisikal na anyo ng Asya. Nakaapekto ang pagkakaroon ng liko-likong dalampasigan at iba’t ibang uri ng ng kalupaan sa paghubog ng hugis at anyo ng Asya. matatagpuan sa kontinente ang nagtataasang mga bundok tulad ng Mt. Everest at Mt. Godwin, at mga bulubundukin ng Ural, Caucasus, at Hindu Kush. May mga kapatagan din tulad ng North China Plain, Indo Gangetic Plain at kalakhan ng Malay Peninsula, at mga tangway tulad ng Arabian Peninsula at Korean Peninsula.

Anyong Lupa at Anyong Tubig ng Asya

Matatagpuan sa Asya ang lahat ng uri ng anyong lupa at anyong tubig. Ang malawak na kontinente ay nagtataglay ng maraming kalupaan at katubigan na may malaking pakinabang sa mga Asyano.

Tanyag na Anyong Lupa na Matatagpuan sa Asya

1.     Bundok
a.    Everest – pinakamataas na bundok sa daigdig na umaabot sa 29,035 talampakan; matatagpuan sa pagitan ng Nepal at Tibet.
b.    K2 (Mt.Godwin Austen) – pangalawang pinakamataas na bundok sa daigdig; matatagpuan sa Karakoram Range sa kanlurang bahagi ng Himalayas sa pagitan ng Pakistan at China.
c.    Kanchejunga – bundik sa India.
d.    Ararat (Buyukagri Dagil) – matatagpuan sa Turkey.
e.    Kinabalu – nasa Sabah, Malaysia.
2.    Bulubundukin
a.    Himalayas – may habang umaabot sa 2600 kilometro; katatagpuan ng siyam na pinaka-mataas na bundok sa daigdig kabilang ang Mt. Everest.
b.    Karakoram – hanay ng mga bundok mula hilagang Pakistan hanggang timog-kanlurang China.
c.    Altay (Altai) – nasa silangang Asya malapit sa China, Mongolia, at Kazakhstan.
d.    Ghats – dalawang bulubundukin sa Iran at Iraq.
3.    Pulo
a.    Borneo – nasa Timog-silangang Asya; pinakamalaking pulo sa Asya na may sukat na umaabot sa 757,050 km2 ; pinaghahatian ng Brunei, Indonesia, at Malaysia.
b.    Sumatra – bahagi ng Indonesia; pangalawa sa pinakamalaking pulo sa Asya.
c.    Honshu, Hokkaido, Kyushu, at Shikoku – mga pangunahing pulo sa Japan.
4.    Kapuluan
a.     Indonesia – pinakamalaking kapuluan sa daigdig; may sukat na 1,904,569 km2 ; may humigit-kumulang 17,000 pulo.
b.    Japan – matatagpuan sa Silangang Asya; may sukat na 372,801 km2 ; May humigit-kumulang 6,500 pulo.
c.    Pilipinas – nasa Timog-silangang Asya; may kabuuang sukat na 300,000 km2 ; may humigit-kumulang 7100 pulo
d.    Bahrain – matatagpuan sa Persian Gulf; binubuo ng 33 pulo.
5.    Bulkan
a.    Kerinchi – matatagpuan sa gitnang Sumatra, Indonesia; pinakamataas na bulkan sa bansa
b.    Tambora, Sumeru, Rinjani, at Agung – nasa Indonesia.
c.    Fuji, Ontake, at Unzen – matatgpuan sa Japan.
d.    Mayon, Taal, at Pinatubo – nasa Pilipinas
6.    Disyerto
a.    Rub’ al Khali – kilala bilang Empty Quarter; pinakamalaking disyertong buhangin sa daigdig; bahagi ng Arabian Desert.
b.    Gobi Desert – nasa hilagang China at Timog Mongolia.
c.    Thar Desert – matatagpuan sa hilagang – kanlurang India at silangang Pakistan.


Kabihasnan sa Kanlurang Asya (Hittite, Lydian, Phoenician, Hebrew, Aramean, Persian)

Hittite
Sa hilaga ng Syria, sa pagitan ng Black Sea at Mediterranean Sea matatagpuan ang mabundok na tangway ng Asia Minor. Ang lugar na ito ay bahagi ng kasalukuyang Turkey. Noong 1700 B.C.E. pinanirahan ang Asia Minor ng pangkat ng taong tinawag na Hittite. Sila ang unang nakapagtatag ng mahusay na kabihasnan sa Asia Minor. Ang Hattusas (o Hattusha) ang nagging kabisera ng Kahariang Hittite.

Naging malakas na imperyo ang Hittite sa Kanlurang Asya sa loob ng halos 450 taon. May mga pagkakataong nasakop nito ang Babylon at nagging mahigpit na katunggali ng Egypt sa pagkontrol sa hilagang Syria. Magkagayunman, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga Hittite at mga Egyptian upang wakasan ang kanilang hidwaan. Ang kasunduang ito ang kauna-unahang kasunduang pangkayapaan ng daigdig.

Mahusay sa pakikidigma ang mga Hittite. Ito ay dahil sa dalawang bagay: ang paggamit ng chariot at ang mga sandatang yari sa bakal.

Sa kabila ng mataas na antas ng teknolohiya sa pakikidigma , unti-unting humina ang Imperyong Hittite. Noong dakong 1190 B.C.E., sinalakay ng mga dayuhang nagmula sa hilagang bahagi ng Asia Minor ang imperyo at sinunog ang Hattusas. Ito ang nagpabagsak sa kabihasnang Hittite.

Lydian

Matatagpuan ang kaharian ng Lydia sa dulong kanluran ng Fertile Crescent at silangan ng Mediterranean Sea. Ang kabisera ng kaharian ay Sardis. Isa sa pangunahing kabuhayan ng mga Lydian ang pakikipagkalakalan.

Noong dakong 600 B.C. E., ang mga Lydian ang nagging kauna-unahang pangkat ng tao na gumamit ng barya sa daigdig. Yari sa pinaghalong ginto at pilak ang mga barya at may tatak ng sagisag ng hari ng Lydia. Naging tanyag sa panahong ito si Croesus, ang itinuturing na pinakamayamang monarko ng kaniyang panahon.

Bago naimbento ng mga Lydian ang barya, nakasalalay ang kalakalan ng mga sinaunang pamayanan sa barter o pagpapalitan ng produkto o serbisyo sa isa’t isa. Nagkakaroon ng suliranin sa barter kung hindi tugma ang produkto o serbisyo sa kailangan ng kapuwa mangangalakal.

Dahil sa pagpapakila ng mga Lydian sa Sistema ng paggamit ng barya, napadali ang daloy ng kalakalan ng mga sinaunang tao sa lugar na iyon.

Nagpatuloy ang malayang kaharian ng Lydia. Noong 545 B.C.E., humina ito at tuluyang bumagsak nang sakupin ng mga Persian ang mga Lydian.

Phoenician

Halos kasabay ng pagiging malakas ng Imperyong Hittite, nanirahan ang mga Phoenician sa baybayin sa pagitan ng Mediterranean Sea at Syria. Tinawag nila ang kanilang lupain na Phoenicia. Bahagi ito ng kasalukuyang Lebanon at Syria. Bago pa man ang 700 B.C.E., unti-unting humina ang Phoenicia hanggang sa tuluyang bumagsak ang kabihasnan dahil sa pananalakay ng mga Assyrian sa Fertile Crescent.

Bago pa man ang 700 B.C.E., unti-unting humina ang Phoenicia hanggang sa tuluyang bumagsak ang kabihasnan dahil sa pananalakay ng mga Assyrian sa Fertile Crescent.

Hebrew

Sa timog ng Phoenicia nanirahan ang mga Hebrew. Tanyag sila sa kasaysayan hindi dahil sa aspektong politikal o military kung hindi dahil sa relihiyon. Ang mga Hebrew ang nagpasimula ng monoteismo sa kasaysayan ng daigdig. Itinatag nila ang Judaism, isang relihiyong sumasamba sa iisang diyos na si Yahweh. Ang Judaism, isang relihiyong sumasamba sa iisang diyos na si Yahweh. Ang Judaism ang pinagugatan ng dalawa sa maiimpluwensiyang relihiyon sa kasalukuyang panahon: ang Kristiyanismo at Islam.

Mababakas ang pinagmulan ng mga Hebrew sa mga salaysay sa Lumang Tipan.

Aramean

Nanirahan ang mga Aramean sa gitnang Syria noong dakong 1200 B.C.E. Itinatag ang kanilang kabisera sa Damascus. Hindi tulad ng ibang pangkat ng tao sa Kanlurang Asya, hindi nagging lubos ang kapangyarihan ng mga pinunong Aramean. Dahil ditto, madaling nagapi ang kanilang pangkat.

Sa kabila nito, nagging mahusay na mangangalakal ang mga Aramean. Naging tanyag ang kanilang mga produkto sa buomg rehiyon. Bukod ditto, tinangkilik ng ibang tao ang kanilang wika, ang Aramaic. Ginamit ang wikang ito sa malaking bahagi ng kanlurang Asya hanggang dakong 800 C.E. Aramaic ang wikang ginamit ng ilan sa may akda ng Bibliya.

Persian

Nagmula ang mga Persian sa isa sa maraming pangkat etnolinguwistikong nanirahan sa kapatagan ng gitnang Asya. Ipinapalagay na nilisan ng mga ito ang kanilang sinilangang lupain dahil sa pagbabago ng klima, pagkaubos ng mapagpapastulang lugar, o alitan sa iba pang pangkat. Naglakbay ang mga Persian hanggang sa makarating sa silangang bahagi ng Mesopotamia kung saan matatagpuan ang Iran sa kasalukuyan.

Sa panahong ito nagging makapangyarihan ang pamilyang Achemenid. Nagtagumpay silang pag-isahin ang buong Persia. Isang kasapi ng Achaemenid, si Cyrus, ang nagluklok bilang hari noong 559 B.C.E., Ito ang hudyat ng pagiging makapangyarihan ng Persia sa kanlurang Asya.

Nagawa ni Cyrus na palawakin ang teritoryo ng Persia hanggang sa maitatag ang Imperyong Persian. Noong 539 B.C.E., napasailalim sa kaniyang kapangyarihan ang Mesopotamia at tuluyang sinakop ang Babylon.

Hindi tulad ng malulupit na Assyrian, ipinaubaya ni Cyrus ang pangangasiwa ng Babylonia sa ilang katutubo. Binigyan din niya ng kalayaan ang mga Hebrew, na tinatawag na “jew noong panahong iyon, at hinayaang makabalik sa Jerusalem. Kinakitaan din si Cyrus ng pagmamalasakit sa kultura ng iba pang imperyo. Patunay rito ang impluwensiyang Assyrian, Babylonian, at Egyptian sa disenyo ng mga palasyo at iba pang gusali sa Persia. Ang mahusay na pamamahala at pag-angat ng Persia bilang isang makapangyarihang imperyo sa Asya ang nagbunsod  sa paghirang sa kaniya bilang Cyrus the Great.

Sumunod na namahala sa Imperyong Persian ang anak ni Cyrus na si Cambyses. Naging hari si Cambyses sa loob ng walong taon. Sa panahon niya napabilang ang Egypt sa imperyo na lubhang nagpalawak sa teritoryo ng Persia.

Pagkaraan ng pamamahala ni Cambyses, naluklok bilang hari ng Persia si Darius the Great, isang maharlikang kabilang sa mga mandirigma ng hari. Inagaw niya ang trono ng Persia at namahala mula 521 hanggang 486 B.C.E.


Pgkaraan ng pamamahala ni Darius, humina ang Imperyong Persian. Ilan sa mga dahilan nito ang pagiging maluho ng mga sumunod na hari ng Persia, pagtaas ng buwis, at agawan sa trono ng imperyo. Noong 331 B.C.E., tuluyan nang bumagsak ang Imperyong Persian nang magapi si Darius III ng hari ng Macedonia na si Alexander the Great.

Dinastiyang Goryeo (Kabihasnang Korean)

Umabot ng halos apat at kalahating siglo ang pamamahala ng dinastiyang Goryeo sa Korea. Tulad ng China, ipinatupad din ng mga pinuno ng Goryeo ang sentralisadong pamahalaan at ang pagkuha ng civil service examination. Sa kabila nito, nanatili pa rin sa pamahalaan ang mga maharlika at namamana pa rin ng kanilang mga anak ang mga posisyon.

Sa pagitan ng taong 1231 at 1259, naglunsad ang mga Mongol ng sunod-sunod na kampanya sa Korea at hiningan ang mga pinuno ng Goryeo ng mabibigat na tribute tulad ng 20,000 kabayo, damit para sa isang milyong mandirigma, at mga aliping Korean.


Sa pagbagsak ng Imperyong Mongol, lumaganap ang iba’t ibang rebelyon laban sa mga maharlika ng Korea. Noong 1392, sa pamumuno ng mandirigmang si Yi Seong-gye ay muling napag-isa ang Korea sa ilalim ng bagong dinastiya, ang Joseon.

Dinastiyang Ming (Kabihasnang Tsino)

Ninais ng mga pinunong Ming na maging isang malakas na imperyong pandagat ang China kaya pinaghusay ang kasanayan ng mga Tsino sa paggawa ng malalaking barko at sistematikong pamamaraan sa paglalayag.

Sa panahong ito nagging tanyag si Zheng He (Cheng Ho), isang opisyal sa dinastiyang Ming na nanguna sa mga paglalayag sa pagitan ng mga taong 1405 at 1433. Malakihan ang isinagawang ekspedisyon ni Zheng He. Sa kaniyang unang paglalayag, mayroon siyang 62 barko at halos 28,000 tauhan.

Ang pinakamalaking barko ay may habang umaabot sa 440 talampakan. Dumaan ang ekspedisyon ni Zheng He sa Timog-silangang Asya. Paglaon, nakarating siya sa kanlurang baybayin ng India at mga pamayanan ng silangang Africa.

Sa kalagitnaan ng ika-15 siglo, ipinatupad ng Ming ang isolationism o patakarang pumuputol ng ugnayan ng China sa lahat ng mga dayuhan. Itinigil ni Ming ang paglalayag at komunikasyon sa ibang bansa at pinagbawalan ang mga Tsino na makipag-ugnayan sa mga dayuhan o umalis ng imperyo. Nagpatuloy ang isolationism ng China sa loob ng halos 250 taon.


Sa pagdaan ng panahon, naramdaman ang hindi mabuting dulot ng isolationism ng Ming sa Imperyong Tsino. Naging mabagal ang pag-unlad ng China dahil hindi nakarating ditto ang mga bagong kaalaman at teknolohiya ng mga Europeo na mapakinabangan ng mga Tsino sa pagpapahusay ng kanilang pamumuhay. Sa kabila ng pagkakaroon ng  maunlad na industriya ng seda at ceramics sa China, hindi nakamit ng Ming ang pagiging isang malakas na industriyalisadong imperyo. Noong 1644, sinakop ng mga dayuhang Manchu ang China at napatalsik ang dinastiyang Ming.

Dinastiyang Yuan (Kabihasnang Tsino)

Pinatalsik ng may 100,000 dayuhang Mongol ang dinastiyang Song at itinatag ang kauna-unahang dayuhang dinastiya sa China. Pinangasiwaan ito ni Kublai Khan, apo ni Genghis Khan.

Bilang mga dayuhang pinuno, hindi nila lubusang pinagkatiwalaan ang mga Tsino. Ihininto nila ang pagsagawa ng civil service examination at hindi binigyan ng mataas na katungkulan sa pamahalaan ang mga Tsino. Bunga nito, ang mga dayuhan ang pinagkalooban ng mahahalagang posisyon sa imperyo. Paglaon, tinanggap din ng mga Mongol ang kulturang Tsino at ibinalik ang civil service examination.

Dumagsa ang mga dayuhang mangangalakal sa China. Dahil ito sa pagkakaroon ng mga magkakarugtong na lansangang nag-uugnay sa imperyo sa gitnang Asya hanggang sa Persia at kasalukuyang Russia. Upang mapangalagaan ang mga dayuhan at Tsino, nagtayo rin ng mga himpilan at matutuluyang lugar para sa mga ito.

Noong 1275, dumating sa China si Marco Polo, isang mangangalakal mula sa Venice (kasalukuyang bahagi ng Italy). Pinag-aralan niya ang wikang Tsino at nanatili sa imperyo sa loob ng 17 taon. Naging opisyal siya ng pamahalaang Mongol at naglakbay sa buong China. Sa kanyang pagbalik sa Europe, isinulat nya ang aklat na pinamagatang Travels of Marco Polo kung saan inilarawan niya ang kaniyang paglalakbay sa China at iba pang bahagi ng Asya. Nagkaroon ng malinaw na imahe ang Asya sa mga Europeong nakabasa ng aklat ni Marco Polo. Ang kayamanan at kadakilaan ng China ay nakaganyak sa iba pang dayuhan na magtungo rito.


Sa pagpasok ng ika-14 na siglo, nagsimulang humina ang kapangyarihan ng dinastiyang Yuan sa China. Ang matinding katiwalian sa pamahalaan at kahirapan ng mga karaniwang tao ang mga dahilan ng paghina nito. Noong 1368, isang rebeldeng Tsino, si Zhu Yuanzhang, ang nanguna sa hukbong nagpatalsik sa mga Mongol na nagbigay-daan sa pagbagsak ng dinastiyang Yuan. Nang lumaon, kinilala siya bilang Emperador Hongwu, ang tagapagtatag at unang emperador ng dinastiyang Ming.

Dinastiyang Song (Kabihasnang Tsino)

Muling napag-isa ang mga Tsino sa ilalim ng bagong dinastiya, ang Song. Ang pananalakay ng mga dayuhan sa hilagang China ang nagbunga ng nagpalipat ng kabisera ng imperyo mula Chang’an patungong Bianjing (kasalukuyang Kaifeng) sa Hilaga, at nang lumaon ay sa Lin’an (kasalukuyang Hangzhou) sa Timog. Sa kanilang panahon nawala ang pagkontrol ng mga pinunong Song sa rehiyon ng Tibet. Sa kabila nito, nakamit pa rin ang kaunlarang pang-ekonomiya at pangkultura ng imperyong Tsino.

Marami sa mga pinuno ng dinastiyang Song ang pinagtuunan ang mga proyektong pang-impraestruktura tulad ng lansangan, kanal, at patubig, sa halip na ang pagpapalakas ng hukbo.

Namulaklak din ang sining at panitikang Tsino sa dinastiya. Naging tanyag na tema sa pagpipinta ang landscape. Pinakamahalagang imbensiyon naman sa panahong ito ang compass ( na nagpaibayo sa kahusayan nila sa paglalayag at direksiyon), at gunpowder ( na nagpaigting sa kagalingan ng hukbong military ng dinastiyang Song).


Ang pakikipag-alyansa ng mga pinunong Song sa pangkat ng mga Mongol ang nagging ugat ng pagwawakas ng dinastiya. Lumakas ang mga Mongol na humantong sa pagpapatalsik sa Song at tuluyang pagsakop sa China. Ito ang simula ng dinastiyang Mongol.

Dinastiyang Tang (Kabihasnang Tsino)

Itinuturing ang Tang bilang isa sa mga dakilang dinastiya ng China. Bukod sa pinatatag nito ang sentralisadong pamahalaan, muling ipinatupad ng Tang ang pagkuha ng civil service examination, paglaan ng mga lupain sa mga magsasaka, at paghina ng kapangyarihan ng may-ari ng malalaking lupain.

Pinalawak ng mga pinunong Tang ang teritoryo at impluwensiya ng imperyo. Pinatunayan ito sa pagsakop ng Tibet, pagbayad ng Korea ng tribute, at pagkakaroon ng diplomatikong ugnayan sa mga kaharian sa Timog-silangang Asya.

Muling umunlad ang Chang’an sa dinastiyang Tang. Makikita ang magagandang liwasan at mga naglalakihang palasyo at templo. May pamilihan itong puno ng mga produktong nagmula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Sa panahong ito, umabot sa halos dalawang milyong katao ang naninirahan sa Chang’an. Napabilang ito sa pinakamalalaking lungsod sa buong daigdig noong panahong iyon.


Pagpasok ng ikasiyam na siglo, nagsimulang humina ng dinastiyang Tang dahil sa mga kaguluhang panloob at pagsalakay ng mga dayuhan. Katulad ng naganap sa Han, hindi nalutas ng Tang ang matinding katiwalian ng mga pinuno at paglakas ng kapangyarihan ng mga pinunong military. Tuluyan nang bumagsak ang dinastiyang Tang noong 907.

Dinastiyang Sui (Kabihasnang Tsino)

Pagkaraan ng 300 taon ng pagdurusa ng mga Tsino dahil sa kawalan ng kapayapaan at kaayusan, muling napag-isa ang China sa ilalim ng pamamahala ng bagong dinastiya, ang Sui. Dahil ditto, muling nanumbalik ang sentralisadong pamahalaan sa China.

Noong panahon ni Emperador Sui Yangdi, ipinagawa ang isang mahabang kanal na nag-uugnay sa dalawang pangunahing ilog ng China, ang Yellow River at Chang Jiang. Tinawag ito na Grand Canal. Dahil sa kanal na ito, nagging mabilis ang pang-angkat ng mga produkto tulad ng bigas mula sa timog na bahagi ng china patungong hilaga. Naging madali rin ang pag-espiya ng emperador sa timog na bahagi ng imperyo.


Sa kabila ng kabutihang dulot ng Grand Canal, naghirap ang mga Tsino sa sapilitang paggawa ng naturang kanal. Nakadagdag ang mataas na buwis sa pagsiklab ng mga rebelyon sa iba’t ibang panig ng imperyo. Hindi naglaon, tuluyan nang bumagsak ang dinastiyang Sui.

HAN DYNASTY (Kabihasnang Tsino)

Muling nakamit ang kaayusan sa China nang tuluyang makontrol ng dinastiyang Han ang pamamahala sa imperyo noong 202 B.C.E. Ang sumunod na 400 taon ay kinakitaan ng mataas na antas ng kabihasnang nagluklok sa China bilang pinakamakapangyarihang imperyo sa Asya sa panahong iyon. Sa dinastiyang Han lubhang lumaki ang populasyon ng mga Tsino mula 20 milyon patungong higit 60 milyon. Muling nanumbalik ang Confucianism na sapilitang iwinaksi sa buhay ng mga Tsino sa panahon ni Shi Huangdi.

Naging matagumpay ang pamumuno ng dinastiyang Han dahil sa dalawang dakilang pinuno: sina Gaozu at Wudi.

Pamamahala ni Wudi

Si Wudi (Wu Ti) ang isa sa maiimpluwensiyang emperador ng dinastiyang Han. Sa kaniyang panahon lumawak ang nasasakupan ng imperyo. Idinagdag niya ang katimugang rehiyon sa ibaba ng Chang Jiang na kasalukuyang hilagang Vietnam. Nakontrol din niya ang hilaga ng imperyo patungong Manchuria.

Pinatatag ni Wudi ang kaniyang pamamahala sa pamamagitan ng sistemang serbisyo sibil. Tumutukoy ito sa pang-araw-araw na pagsasagawa ng tungkuling pampamahalaan. Yaong mga nagnais na makapaglingkod o maging opisyal ng imperyo ay kailangang pumasa sa civil service examination. Kabilang sa pagsusulit ang kaalaman sa mga aral at katuruan ni Confucius, kasaysayan, at mga batas ng imperyo. Sa sistemang serbisyo sibil, nakabatay ang pagpili ng magiging opisyal ng imperyo sa kaalaman at hindi sa pagmana ng posisyon mula sa pamilya.

Nakamit sa panahon ni Wudi ang matagalang kapayapaan at kaayusan sa buong imperyo. Sa kaniyang pagkamatay noong 87 B.C.E., nagpatuloy ng halos 150 taon ang kapayapaan sa imperyong han. Ito ang panahong kilala bilang Pax Sinica o Kapayapaang Tsino.

Sa ilalim ng dinastiyang Han nakamit ng mga Tsino ang isa sa “Ginintuang Panahon” ng China.

Kalakalan sa Silk Road

Sa panahong Han nagging aktibo ang pakikipagkalakalan ng mga Tsino sa labas ng imperyo. Noong 106 B.C.E., naglakbay ang kauna-unahang caravan o pangkat ng mga mangangalakal na Tsino na sakay ng mga kamelyo patungong kanluran. Dala-dala nito ang mga produktong sedan a ipagbibili sa mga dayuhang mangangalakal.

Paglaon, ang rutang nilakbay ng naturang mga mangangalakal na Tsino ay tinawag na Sil Road. Ang rutang iro ay tinatayang may habang 8000 kilometro mula China hanggang sa rehiyong Mediterranean sa kanluran ng Asya.

Pagbagsak ng Han

Kalaunan, humina ang kapangyarihan ng Han. Ilan sa mga dahilan nito ay ang mahinang pamamahala at katiwalian ng mga sumunod na emperador, paglakas ng mga maharlika, pananalakay ng mga nomadikong dayuhan mula sa hilagang China.


Noong 189 C.E., matagumpay na sinakop ng mga rebeldeng mandirigma ang Chang’an. Pagdating ng taong 220, tuluyan nang sumiklab ang mga digmaang sibil at bumagsak ang dinastiyang Han.

Dinastiyang Qin (Kabihasnang Tsino)

Noong 221 B.C.E., matagumpay na napag-isa ng dinastiyang Qin ang mga estadong naglaban ng halos 200 taon. Sa panahong ito, naitatag ng kabihasnang Tsino ang tunay na imperyo sa pamumuno ni Shi Huangdi (Qin Shi Huang), na nagpahayag sa sarili bilang emperador na taglay ang mandate of heaven. Binago niya ang Sistema ng pamamahala sa China at ibinatay sa Legalism.

Pinangasiwaan ni Shi Huangdi ang imperyo nang may pagmamalupit. Para sa kaniya, makakamit lamang ang kaayusan at kaunlaran ng imperyo kung mahigpit ang pamamahala ng pinuno.

Hindi tinanggap ni Shi Huangdi ang mga aral at katuruan ni Confucius. Ipinag-utos niyang supilin ang Confucianism sa China sa pamamagitan ng pagsunog sa mga aklat nito at pagpapahirap o pagpatay sa mga guro ng Confucianism.

Ipinatupad ni Shi Huangdi ang isang metatag na sentralisadong pamahalaan kung saan siya ang may ganap na kapangyarihan. Hinati niya ang imperyo sa 36 na lalawigan at sa mas maliit na distrito. Itinalaga niya ang mga mapagkakatiwalaang pinuno upang pangasiwaan ang mga ito. Bumuo rin siya ng lupong tagasuri sa pagganap ng mga opisyal ng lalawigan at distrito sa kanilang mga tungkulin. May mabigat na parusa ang sino mang mapatunayang nagtaksil sa emperador.

Upang humina ang impluwensiya ng mga maharlika, sapilitan silang pinatira sa Xianyang (kabisera ng dinastiya) matapos samsamin ang kanilang mga sandata. Dagdag pa rito, hinangad ni Shi Huangdi na tuluyang mawala ang ugnayan ng mga maharlika at mga magsasaka upang hindi makapag-alsa ang mga ito laban sa kaniya.

Sa kabila ng pahayag ni Shi Huangdi na magtatagal ng hanggang 10,000 henerasyon ng mga pinuno ang pamamahala ng dinastiyang Qin, umabot lamang ng 15 taon ang naturang dinastiya. Noong 210 B.C.E., binawian ng buhay si Shi Huangdi. Sa panahong ito, nagsagawa ng iba’t ibang rebelyon ang mga magsasaka at maharlikang nakaranas ng malupit na pamamahala ni Shi Huangdi.


Pagkaraan ng apat na taon, napatalsik ang dinastiyang Qin. Noong 202 B.C.E., nagtagumpay na maluklok sa kapangyarihan si Liu Bang. Kinilala siya bilang si Gao Zu at siyang nagtatag ng bagong dinastiya – ang Han.

Dinastiyang Zhou (Kabihasnang Tsino)

Pagkaraang mamayani ang kabihasnang Yellow River sa China, itinatag ang dinastiyang Shang na nangasiwa sa mga Tsinong Zhou ang kanlurang bahagi ng China. Ito ang nagbigay-daan sa pagtatag ng bagong dinastiya, ang Zhou.

Namahala ang dinastiyang Zhou sa China ng halos 900 taon. Ito ang dinastiyang pinakamatagal na namahala sa China. Sa panahon ding ito, nagsimula ang pagiging makapangyarihan at paglawak ng teritoryong sakop ng kabihasnang Tsino.

Sentralisado ang pamamahala ng dinastiyang Zhou sa China. Ang hari ang pinakamataas na pinuno at ang mga katuwang na opisyal ang namahala sa edukasyon, mga batas, pampublikong gawain, at mga panrelihiyong ritwal at seremonya.

Sa panahon ng Zhou umusbong ang kaisipan ng mandate of heaven. Dito nag-ugat ang dynastic cycle

Pamumuhay sa Ilalim ng Zhou

Nagpatuloy ang Sistema sa pagmamay-ari ng lupa ng dinastiyang Shang sa panahon ng Zhou. Sa kalakalan, nagging mahalagang produkto ang seda. Karaniwang ginamit ito sa paggawa ng mga damit at bilang telang pambalot sa katawan ng yumao. Ikinalakal din ang seda at iba pang produktong Tsino sa gitnang Asya at maging sa ilang bahagi ng Europe.

Sa dinastiyang Zhou nagsimula ang malim na pagpapahalaga sa pamilya. Higit na pinahalagahan ng mga Tsino ang katapatan sa pamilya kaysa sa katapatan sa estado.

Sa panahong ito nagging tanyag ang mga dakilang pilosopong Tsino na sina Kong Fuzi, Laozi, at Meng Zi. Ang kanilang mga aral at katuruan ang nagging malakas na impluwensiyab sa pamumuhay ng mga tsino.

Pagbagsak ng Zhou

Noong 475 B.C.E., sumiklab ang mga digmaang sibil sa pagitan ng pitong maliliit na estado – ang Qi, Chu, Yan, Han, Zhao, Wei, at Qin sa kahariang Zhou. Ang panahong ito sa kasaysayan ng China ay tinawag na “Period of the Warring States”. Sa panahong ito, hindi ganap ang kapangyarihang political ng dinastiyang Zhou sa China.


Natigil ang digmaang sibil sa China nang ganap na makontrol ng estadong Qin ang buong kaharian. Ito ang nagwakas sa pamamahala ng Zhou at naghudyat sa pagtatag ng bagong pamunuan, ang dinastiyang Qin.

Imperyong Chaldean

Pagkaraang pabagsakin ang Assyria, nagging tanyag na pinuno si Nabopolassar ng Chaldea. Tulad ng unang Imperyong Babylonian, muling sumigla ang Babylon bilang kabisera ng bagong imperyo. Hinangad ni Nabopolassar na maging makapangyarihan ang kaniyang imperyo tulad ng Babylonia. Dahil ditto, ang Imperyong Chaldean ay tinagurian sa kasaysayan bilang “Ikalawang Imperyong Babylonian” o Imperyong Neo-Babylonian ng Mesopotamia.

Ang pinakadakilang hari ng Chaldea ay si Nebuchadnezzar. Sa ilalim ng kanyang pamumuno lumawak ang teritryo ng Chaldea hanggang sa dulong kanluran ng Syria at ng Canaan (bahagi ng kasalukuyang Israel at Lebanon). Noong 586 B.C.E., sinakop niya ang Jerusalem at itinaboy ang libo-libong Jew mula sa kanilang lupain patungong Babylon bilang mga alipin. Tinawag ang pangyayaring ito na Babylonian Captivity.

Sa pamumuno ni Nebuchadnezzar, nagging sentro ng kalakalan ang Babylon. Pinrotektahan ang lungsod ng mga pader na may taas na umaabot sa 300 talampakan at may kapal na 80 talampakan. Ang pinakamarangyang pader ay tinawag na Ishtar Gate. Napalamutian ng mga guhit na toro at dragon ang kulay asul na pader nito.


Namahala si Nebuchadnezzar sa loob ng 43 taon. Noong 539 B.C.E., sinakop ng mga Persian, sa pangunguna ni Haring Cyrus the Great, ang lungsod ng Babylon. Ang pananakop na ito ang nagwakas sa makasaysayang kabihasnan ng Mesopotamia.

Imperyong Babylonian

Sa pagpasok ng 1800 B.C.E., isang bagong lungsod-estado ang umunlad at nagging makapangyarihan sa buong Mesopotamia. Ito and Babylon. Ang pagsakop ng Babylon sa Sumer at Akkad ang nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Imperyong Babylonian.

Maraming nagging pinuno ang Babylonia. Ngunit ang  pinakatanyag sa kanila ay si Hammurabi na nagging hari ng imperyo mula dakong 1792 B.C.E. hanggang 1750 B.C.E.

Ang Code of Hammurabi

Sa mga nagawa ni Hammurabi, ang sistematikong pagpapatupad ng mga batas ang itinuturing na pinakadakila. Tinawag ang kaniyang Katipunan ng mga batas na Code of Hammurabi. Nakabatay ang ilang batas sa prinsipyong “mata para sa mata, ngipin para sa ngipin.” Ibig sabihin, kung ano ang ginawang kasalanan ng isa ay siya ring kaniyang daranasin bilang parusa. Kung gayon, kung ang isa ay nagkasala ng pananakit, siya rin ay papatawan ng pananakit.


Ang panahon ng pamamahala ni Hammurabi ay tinaguriang “Ginintuang Panahon ng Babylon.” Sa kaniyang pagkamatay, humina ang Babylon at muling nahati ang Mesopotamia sa iba’t ibang maliliit na estado.

Imperyong Assyrian (Asya)

Naging makapangyarihan ang Imperyong Assyrian sa pagitan ng 900 B.C.E at 700 B.C.E. Matatagpuan ito sa lambak-ilog ng Tigris sa Mesopotamia. Tulad ng mga Sumerian, Akkadian, at Babylonian, ginamit din ng mga Assyrian ang cuneiform bilang Sistema ng pagsulat.

Kinakatakutan ang mga mandirigmang Assyrian sa kanlurang bahagi ng Asya. Ito ay dahil sa kanilang marahas at malupit na pakikipagdigma. Nagsagawa ang mga Assyrian ng sistematikong pananalakay gamit ang mga chariot, helmet, sibat, at espadang yari sa bakal. Sinunog nila ang bawat lugar na kanilang nasakop. Walang awa nilang pinaslang, pinugutan ng ulo, at sinunog nang buhay ang mga nadakip nilang kaaway. Ang mga natirang buhay ay ginawang alipin. Ang iba ay ipinatapon sa malalayong lugar.

Dahil sa takot ng mga karatig-pamayanan sa Assyria, mas ninais ng kanilang mga pinuno na tanggapin ang pananakop at pamamahala ng mga Assyrian upang mailigtas ang buhay at ari-arian ng kanilang mga nasasakupan. Dahil ditto, nakapagtatag ang mga Assyrian ng isang malakas na imperyo. Napasailalim sa kanilang kapangyarihan ang Mesopotamia at buong Fertile Crescent. Napasakamay rin ng mga Assyrian ang Egypt sa Africa.

Sa pagkakatatag ng Nineveh, ang kabisera ng Imperyong Assyrian, nagging higit na makapangyarihan ang mga Assyrian sa Kanlurang Asya.

Napanatili ang katanyagan ng imperyo nang maluklok si Ashurbanipal bilang hari ng Assyria.

Itinuturing si Ashurbanipal bilang isa sa mga dakilang pinuno ng sinaunang kasaysayan. Bukod sa mahusay niyang pamamahala sa Assyria, ipinag-utos niya na gumawa ng silid kung saan ilalagak ang may halos 25,000 clay tablet. Nakasulat sa mga tablet na ito ang tungkol sa mga pinuno, mahahalagang pangyayari, at iba pang paglalarawan sa pamumuhay ng mga tao sa Mesopotamia.

Noong 1852, natuklasan ng isang arkeologong Turkish ang mga labi ng silid at ang napreserbang mga clay tablet. Dahil ditto, kinilala si Ashurbanipal bilang taong nagpagawa ng unang aklatan sa daigdig.


Ang wakas ng paghahari ni Ashurbanipal ang nagging sanhi ng paghina ng imperyo. Ang mga pag-aalsa ng mga mamamayang sinakop ng mga Assyrian at ang pagpataw ng mataas na buwis sa mga ito ang nagpaigting sa paghina ng Assyria. Noong 612 B.C.E., sinakop ang Nineveh at tuluyan nang bumagsak ang imperyo nang salakayin ito ng pinag-isang puwersa ng mga Chaldean sa Babylon at Medes sa Persia.