Mahalagang bahagi ng pag-aaral ng heograpiya ang
pag-unawa tungkol sa mga kontinente. Ang daigdig ay binubuo ng mga kalupaan at
katubigan. Ang pinakamalaking masa ng lupa na matatagpuan sa daigdig ay
tinatawag na kontinente. Ayon sa Continental Drift Theory, nagmula ang lahat ng
mga kontinente sa isang supercontinent, ang Pangea. Unti-unting
nagkahiwa-hiwalay ang Pangea may 200 milyong taon na ang nakalilipas. Pagkaraan
ng ilan pang milyong taon, tuluyan nang nahati ang mga bahagi ng Pangea
hanggang sa mabuo ang mga kasalukuyang kontinente. Ang unti-unting paghihiwalay
ng supercontinent na ito ay ipinaliliwanag naman ng Plate Tectonics Theory.
Sa tradisyonal na modelo ay may pitong kontinente
ang daigdig. Ito ay ang Africa, Antarctica, Australia, Europe, North America,
South America, at Asya.
Hindi tiyak ang tunay na pinagmulan ng salitang
“Asya”. Maaring nagmula ito sa salitang Aegean na asis na nangangahulugang
“maputik” o sa salitang Semitic na asu na nangangahulugang “pagsikat” o
“liwanag”, patungkol sa araw.
Para sa mga sinaunang Greek, ang Asya ay tumutukoy
sa rehiyon ng Anatolia (kasalukuyang Turkey)
o sa Imperyong Persian na matatagpuan sa silangang bahagi ng Greece.
Ginamit ang salitang ito sa panahon ni Herodotus (dakong 484 B.C.E. – 425
B.C.E.), dakilang historyador na Greek at tinaguriang “Ama ng Kasaysayan.” Ito
ay upag maihiwalay ang nasabing mga lugar mula sa Greece at sa Egypt noong
panahong iyon. Nang lumaon, ginamit ng mga Greek ang salitang Asya sa pagtukoy
hindi lamang sa Anatolia kundi maging sa mga karatig na lupain sa silangan
nito.
Tinawag din ang Asya na orient o silangan dahil
ito ay nasa gawing silangan ng Europe. Unang ginamit ang salitang orient noong
ika-14 na siglo. Ang Europe naman ang tinukoy na occident o kanluran.
Mapapansin na ang salitang Asya at ang taguri sa
kontinente bilang orient ay batay sa pananaw na Eurocentric – isang paraan ng
pagtingin sa daigdig mula sa pananaw ng mga Europeo. Sa pananaw na ito,
ipinapalagay na ang Europe ang sentro ng daigdig, at ang lahing Europeo ang
nakahihigit kaysa sa iba. Sa pananaw ring ito, ang batayan ng lahat ng bagay ay
nakatuon nang ayon sap ag-unawa ng mga Europeo.
Isa pang halimbawa ng Eurocentrism ay ang
paghahati sa Asya sa tatlong rehiyon ng ilan sa mga unang modernong heograpo at
historyador na Europeo. Ang mga rehiyong ito ay ang Near East, Middle East, at
Far East.
Tinawag na Near East ang mga lupain sa silangang
baybayin ng Mediterranean Sea hanggang Persian Gulf. Matatagpuan naman sa
Middle East ang mga lupain mula Persian Gulf hanggang Timog-silangang Asya.
Samantala, ang rehiyon sa Asya na nakaharap sa Pacific Ocean ang tinawag na Far
East. Kabilang dito ang China, Japan, at Korea. Bagama’t nagbabago-bago at
napagpapalit ang saklaw na mga lupain ng Near East at Middle East, hindi
makakaila na binuo ito alinsunod sa pananaw ng mga Europeo.
Bilang mga Asyano, nararapat na gamitin ang
Asian-centric na pananaw sa pag-aaral ng Asya. Sa pananaw na ito,
binibigyang-pansin at ginagamit ang mga konseptong Asyano upang pahalagahan ang
mga bagay na may kaugnayan sa Asya at sa mga Asyano.
Sa pagkilala at pagmamalaki sa mga dakilang nagawa
at ambag ng mga Asyano mula pa noong sinaunang panahon, mapatutunayang
nararapat ipagkaloob sa mga Asyano ang pantay na pagpapahalaga at
pagkakakilanlan bilang mga kasapi ng pandaigdigang pamayanan.
KALAGAYANG
HEOGRAPIKAL NG ASYA
Ang Asya ay isang kontinente. Hinati ng mga
heograpo ang malalaking kalupaan sa daigdig sa pitong tradisyonal na
kontinente.
Kung pagmamasdan ang mapa ng daigdig, matatagpuan
ang Asya sa silangan ng Europe at hilagang-silangan ng Africa. Nasa gawing
kanluran naman ito ng Pacific Ocean. Ang mga kalupaan at katubigang nakapaligid
sa kontinente ay nagsisilbing hangganan nito sa iba’t ibang direksiyon.
Napaliligiran ang Asya ng tatlong naglalakihang
karagatan: Arctic Ocean sa hilaga, Pacific Ocean sa silangan, at Indian Ocean
sa timog. Ang mga pangunahing hangganan ng Asya sa hilaga nito ay ang Kara Sea,
Laptev Sea, East Siberian Sea, at Chukchi Sea.
Sa silangan ng Asya, maliban sa Pacific Ocean, ang
Bering Strait at Bering Sea ang naghihiwalay sa Asya sa hilagang-kanlurang
bahagi ng North America. Ihinihiwalay naman ng Timor Sea at Arafura Sea ang
Timog-silangang Asya sa Australia.
Ihinihiwalay ang Kanlurang Asya sa Africa ng Gulf
of Aden, Babel-Mandeb Strait, Red Sea, at Gulf of Suez. Hangganan din ng Asya
sa kanluran ang Mediterranean Sea, Aegean Sea, Sea of Marmara, Bosporus Strait,
Black Sea at Caspian Sea.
Dalawang bulubundukin ang naghihiwalay sa Asya at
silangang bahagi ng Europe. Ito ang Caucasus Mountains na nasa pagitan ng
Georgia, Azerbaijan, at Armenia sa Asya, at ng Russia sa Europe. Ang
pangalawang bulubundukin ay ang Ural Mountains na tradisyonal na hangganan ng
kanlurang Asya at silangang Europe.
Sukat,
Hugis, at Anyo ng Asya
Ang Asya ang pinakamalaking kontinente sa buong
daigdig. May tinatayang kabuuang sukat ito na halos 44 milyong kilometro
kuwadrado o halos isang katlo ng kabuoang sukat ng kalupaan ng daigdig. Ang
Asya ay higit pa sa apat na ulit ang laki kaysa Europe at sa pinagsamang sukat
ng kalupaan ng North America at South America.
May ganap na pagkakaiba-iba ang pisikal na anyo ng
Asya. Nakaapekto ang pagkakaroon ng liko-likong dalampasigan at iba’t ibang uri
ng ng kalupaan sa paghubog ng hugis at anyo ng Asya. matatagpuan sa kontinente
ang nagtataasang mga bundok tulad ng Mt. Everest at Mt. Godwin, at mga
bulubundukin ng Ural, Caucasus, at Hindu Kush. May mga kapatagan din tulad ng
North China Plain, Indo Gangetic Plain at kalakhan ng Malay Peninsula, at mga
tangway tulad ng Arabian Peninsula at Korean Peninsula.
Anyong Lupa
at Anyong Tubig ng Asya
Matatagpuan sa Asya ang lahat ng uri ng anyong
lupa at anyong tubig. Ang malawak na kontinente ay nagtataglay ng maraming
kalupaan at katubigan na may malaking pakinabang sa mga Asyano.
Tanyag na Anyong Lupa na Matatagpuan sa Asya
1. Bundok
a. Everest – pinakamataas na
bundok sa daigdig na umaabot sa 29,035 talampakan; matatagpuan sa pagitan ng
Nepal at Tibet.
b. K2 (Mt.Godwin Austen) –
pangalawang pinakamataas na bundok sa daigdig; matatagpuan sa Karakoram Range
sa kanlurang bahagi ng Himalayas sa pagitan ng Pakistan at China.
c. Kanchejunga – bundik sa
India.
d. Ararat (Buyukagri Dagil) –
matatagpuan sa Turkey.
e. Kinabalu – nasa Sabah,
Malaysia.
2. Bulubundukin
a. Himalayas – may habang
umaabot sa 2600 kilometro; katatagpuan ng siyam na pinaka-mataas na bundok sa
daigdig kabilang ang Mt. Everest.
b. Karakoram – hanay ng mga
bundok mula hilagang Pakistan hanggang timog-kanlurang China.
c. Altay (Altai) – nasa
silangang Asya malapit sa China, Mongolia, at Kazakhstan.
d. Ghats – dalawang
bulubundukin sa Iran at Iraq.
3. Pulo
a. Borneo – nasa
Timog-silangang Asya; pinakamalaking pulo sa Asya na may sukat na umaabot sa
757,050 km2 ; pinaghahatian ng Brunei, Indonesia, at Malaysia.
b. Sumatra – bahagi ng
Indonesia; pangalawa sa pinakamalaking pulo sa Asya.
c. Honshu, Hokkaido, Kyushu,
at Shikoku – mga pangunahing pulo sa Japan.
4. Kapuluan
a. Indonesia – pinakamalaking kapuluan sa
daigdig; may sukat na 1,904,569 km2 ; may humigit-kumulang 17,000
pulo.
b. Japan – matatagpuan sa
Silangang Asya; may sukat na 372,801 km2 ; May humigit-kumulang
6,500 pulo.
c. Pilipinas – nasa
Timog-silangang Asya; may kabuuang sukat na 300,000 km2 ; may
humigit-kumulang 7100 pulo
d. Bahrain – matatagpuan sa
Persian Gulf; binubuo ng 33 pulo.
5. Bulkan
a. Kerinchi – matatagpuan sa
gitnang Sumatra, Indonesia; pinakamataas na bulkan sa bansa
b. Tambora, Sumeru, Rinjani,
at Agung – nasa Indonesia.
c. Fuji, Ontake, at Unzen –
matatgpuan sa Japan.
d. Mayon, Taal, at Pinatubo –
nasa Pilipinas
6. Disyerto
a. Rub’ al Khali – kilala
bilang Empty Quarter; pinakamalaking disyertong buhangin sa daigdig; bahagi ng
Arabian Desert.
b. Gobi Desert – nasa
hilagang China at Timog Mongolia.
c. Thar Desert – matatagpuan
sa hilagang – kanlurang India at silangang Pakistan.