Friday, December 23, 2016

MGA KABIHASNANG NAGMULA SA HILAGANG ASYA (Imperyong Mongol)

Sa kasalukuyan, ang Mongolia ay ibinibilang na bahagi ng Silangang Asya. Ito ay dahil ang Inner Mongolia ay nasa ilalim ng China. Subalit sa kasaysayan, ang Mongolia ay kabilang sa Hilagang Asya. Kakaiba ang kultura at takbo ng kasaysayan ng mga Mongol kung ihahambing sa mga Tsino, Hapones, at Korean.

Ang Hilagang Asya ay tirahan ng mga nomadikong pastoral na pangkat ng tao simula pa noong panahong neolitiko. Dahil sa particular na kpaligiran nito, lumitaw ang kulturang mandirigma. Pananakop ang batayan ng pagbuo ng mga estado sa Hilagang Asya. Militarisado ang kabihasnan ditto at talamak ang mga labanan.

Sa kabila ng nabanggit ay bukas ang loob at mapagtangkilik sila sa mga impluwensiya ng ibang kabihasnan. Halimbawa nito ang pagyakap nila sa Islam ng Kanlurang Asya at Buddhism ng Timog Asya habang patuloy pa rin ang katutubong relihiyon, ang shamanism. Nakasentro sa relihiyong ito ang Shaman na pinaniniwalaang may control at ugnayan sa mga espiritu. Sinasabing may angking mahika ang shaman na kaniyang ginagamit sa pagpapagaling ng maysakit at pagkontrol ng mga pangyayari.

Ang mga Hun at Xiongnu

Ang Hun at Xiongnu ay estadong pantribo. Namayani ito noong Panahong Neolitiko hanggang sa kalagitnaan ng ika-12 siglo. Ang Hun at Xiongnu ay mga nomadikong pastoral na pangkat at paminsan-minsan ay nagtatanim din ng buti Nanirahan ang Xiongnu sa hilagang bahagi ng China. Ang kanilang sistemang political ay nakabatay sa mga dakilang hari ay sina Maodun at Attila.

Ang Imperyong Mongol

Sa mga huling dekada ng ika-12 siglo, ang mga Mongol ang pinakamalakas na pangkat-nomadiko sa gitnang Asya. Nagmula ang mga ito sa Mongolia na may hiwa-hiwalay na kagubatan at steppe sa hilagang kanluran ng China.

Tulad ng ibang nomadikong pangkat, nahati ang mga Mongol sa mga angkan. Noong dakong 1200, matagumpay na napag-isa ng isang pinunong Mongol ang mga angkan sa kaniyang pamamahala. Siya si Temujin na nagging Genghis Khan o “pinunong pandaigdig” noong 1206. Sa loob ng 26 na taon, pinangunahan niya ang pagsakop sa malaking bahagi ng Asya.

Nang mamatay si Genghis Khan noong 1227 dahil sa karamdaman, ipinagpatuloy ng mga sumunod na pinuno ang pagpapalawak ng teritoryo ng Imperyong Mongol. Mula sa China ay umabot hanggang sa Poland sa Europe ang lawak ng imperyo.

Ipinagpatuloy ni Ogedei (Ogodei), anak ni Genghis Khan, ang pamamahala sa imperyo mula 1229 hanggang 1241. Pagkaraan nito, hinati ang Imperyong Mongol sa apat na bahagi na tinawag na khanate.

Sa pagdaan ng panahon, naimpluwensiyahan ang mga Mongol ng pamumuhay ng mga tao na kanilang sinakop. Halimbawa nito ang pag-aankop ng sistemang political ng China sa Great Khanate, at pag-anib sa Islam ng mga Mongol sa Ilkhanate at Golden Horde.

Mula sa kalagitnaan ng ika-13 hanggang ika-14 na siglo, napanatili ang kaayusan at kapayapaan sa imperyong Mongol. Ligtas ang paglalakbay, aktibo ang kalakalan, at mapayapa ang lipunan sa malaking bahagi ng imperyo. Ang panahong ito ay tinawag na Pax Mongolica o “Mongol Peace”.

Pananalakay ni Timur

Nagmula sa Khanate of Chagadai ang pamilya ni Timur. Tinangka niyang bunuo ng bagong imperyo. Nasakop ni Timur ang Persia at Mesopotamia. Tinalo niya ang Golden Horde na nasa timog ng Russia at sandaling nasakop ang India.


Malupit si Timur sa pagsalakay. Sinira ng kaniyang hukbo ang mga paaralan, palasyo, at iba pang mahahalagang gusali. Iniutos niyang pagpatungin sa isang malaking piramide ang may isang libong ulo ng mga pinaslang na biktima. Susi sa kaniyang tagumpay ang malakas na puwersang military at mga espiyang nagbigay ng impormasyon hinggil sa mga rutang tatahakin. Sa kabila nito, nakilala rin si Timur bilang tagapagtaguyod ng sining at arkitektura at pagsasama ng mga simbolo at disenyong Islamiko sa kanyang imperyo. Ang teritoryong nasakop ni Timur ay hindi nanatiling buo nang siya ay mamatay noong 1405. Ito ay dulot na rin ng tunggalian at agawan sa trono ng kaniyang mga anak at kamag-anak.

Panahong Sakoku (Kabihasnang Hapones)

Hindi nakaligtas ang Japan mula sa pagdating ng mga Kanluranin sa bansa. Ang pagdating ng mga Portuguese noong 1543 ang hudyat ng sunod-sunod na pagdating ng mga Kanluranin sa Japan. Nakarating ang mga misyonerong Katoliko sa pangunguna ng paring Jesuit na si St. Francis Xavier. Nagtagumpay siyang palaganapin ang Kristiyanismo sa bansa nang makuha niya ang kalooban ng maraming daimyo.

Pinaniwalaan ni Hideyoshi na hindi Mabuti ang impluwensiyang dulot ng mga Kristiyano sa buhay ng mga Hapones, at maaaring maging kasangkapan ang relihiyon upang sakupin ang bansa. Dahil ditto, ipinagbawal niya ang Kristiyanismo sa Japan noong a587 at sinimulan ang pagpapatapon at pagpapaslang sa mga misyonero.

Sa Tokugawa shogunate, ikinabahala rin ni Ieyasu at mga sumunod na shogun ang patuloy na paglaganap ng Kristiyanismo. Ipinagpatuloy nila ang pagpapatapon at pagpapahirap sa mga misyonero at kasamahan nito. Nagpasiya ang Tokugawa shogunate na ipatupad ang Act of Seclusion 1636 na nagtakda ng pagbawal sa lahat ng Hapones na umalis ng bansa, pagtutol na makipagkalakalan sa mga dayuhan maliban sa mga Tsino at Dutch sa Nagasaki, at sapilitang pagpapaalis ng mga misyonero at Kristiyanong Hapones. Kinilala ito bilang Panahong Sakoku.


Noong 1639, tuluyan nang isinara ng Tokugawa shogunate ang Japan sa ibang bansa at tumagal ng halos 200 taon. Sa simula, ang pagsasarang ito ay nagdulot ng kapayapaan sa bansa at kaunlaran sa larangan ng paggawa at kalakalang panloob. Paglaon, kinakitaan ng kahinaan ang Tokugawa dahil sa katiwalian at mahinang pamumuno. Idagdag pa rito ang mahinang ani sa mga sakahan na ikinagalit ng mga magsasaka. Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin ng mga pinunong Tokugawa ang pagsasara ng Japan.

Panahong Shogunate (Kabihasnang Hapones)

Sa pagtatapos ng ika-12 siglo, tumindi ang paglalabanan ng mga pamilyang maharlika na humantong sa pagsiklab ng digmaang sibil. Isang pamilya, sa pamumuno ni Minamoto no Yoritomo (1142-1199), ang lumupig sa iba pang nag-aalitang angkan at itinatag ang sentro ng pamahalaan sa tangway ng Kamakura na nasa timog ng kasalukuyang Tokyo. Ito ang simula ng mas sentralisadong pamahalaan, ang Kamakura shogunate.

Naging Mabuti ang pagkakaroon ng sentralisadong pamahalaan ng Japan sa panahon ng Kamakura shogunate. Sa pagpasok ng ika-13 siglo, naharap ang mga Hapones sa matinding hamon, ang pananalakay ng mga Mongol.

Noong 1268, ipinag-utos ni Kublai Khan ang sapilitang pagbayad ng buwis ng Japan sa Imperyong Mongol. Pagkaraan ng anim na taon, nauwi sa pagsalakay ng mahigit 30,000 mandirigmang Mongol ang pagtanggi ng mga Hapones na magbayad ng buwis. Nakaligtas ang Japan sa pananakop ng mga Mongol dahil sa malakas na bagyo. Noong 1281, muling tinangka ng mga Mongol na sakupin ang Japan at nagpadala ng malaking hukbo na umabot sa halos 150,000 na mandirigma. Muli silang nabigo dahil sa mas malakas na bagyong ikinasira ng mga barkong pandigma ng mga Mongol. Pagkaraan ng dalawang pagtatangkang ito, hindi na muling binalak na sakupin ng mga Mongol ang Japan. Dahil sa pagkakaligtas ng Japan mula sa bantang pananakop ng mga Mongol, itinuring ng mga Hapones na banal ang bagyo at tinawag nila itong kamikaze o banal na hangin.

Sa kabila ng tagumpay laban sa mga Mongol, humina ang Kamakura shogunate dahil sa pagkaubos ng kaban ng yaman at pagkawala ng katapatan ng mga samurai sa pamahalaan. Noong 1333, pinatalsik ni Emperador Go-Daigo ang Kamakura at inihayag ang kaniyang pamumuno sa Japan na tinatawag na Kemmu Restoration. Pagkaraan ng limang taon, kinalaban siya ng isang maimpluwensiyang angkan sa pangunguna ni Ashikaga Takauji at nagtatag ng bagong shogunate, ang Muromachi.

Naging sentro ng pamamahala ng Ashikaga ang lungsod ng Kyoto. Sa panahong ito, hindi ganap ang pagiging sentralisado ng pamahalaang Ashikaga. Nagpatuloy ang mga digmaang sibil at kaguluhang political mula 1467 hanggang 1568. Tinawag itong Sengoku o panahon ng naglalabanang mga estado.

Noong 1568, nagtagumpay ang makapangyarihang daimyo na si Oda Nobunaga na magapi ang iba pang daimyo. Sa kabila nito, hindi tuluyang napag-isa ni Nobunaga ang Japan. Sa kaniyang pagkamatay noong 1582, pinalitan siya ni Toyotomi Hideyoshi, ang kaniyang pinakamahusay na heneral. Ipinagpatuloy ni Hideyoshi ang pagsupil sa mga kalabang daimyo. Noong 1590, kontrolado niya ang malaking bahagi ng Japan. Ang panahong ito ay tinawag na Azuchi-Momoyama na batay sa mga lalawigan kung saan itinatag ng dalawang pinuno ang kanilang kaharian.

Hingangad din niHideyoshi na mapasakamay ang China. Dahil ditto, tinangka niyang sakupin ang Korea ngunit nabigo ito. Pinigilan niya ang paglaganap ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagbabawal na tangkilikin ito. Namatay si Hideyoshi noong 1598.

Isa sa malalakas na kaalyadong daimyo ni Hideyoshi si Tokugawa Leyasu. Matagumpay niyang pinagkaisa ang Japan. Nilupig niya ang kaniyang mga kalaban sa Digmaan sa Sekigahara noong 1600. Pagkaraan ng tatlong taon, inutusan niya ang emperador na ideklara siya bilang shogun. Ito ang simula ng pamamahala ng Tokugawa shogunate na nagtagal ng halos 265 taon.


Nakamit ng Japan ang pagkakaisa at kapayapaan sa panahon ng Tokugawa shogunate. Tumagal ito ng mahigit 200 taon. 

Panahong Nara at Heian (Kabihasnang Happones)

Pagkaraang mamatay ni Shotoku Taishi noong 622, nakuha ng pamilya Fujiwara ang kapangyarihang political sa Japan. Pinayagang makapangasawa ng Fujiwara ang namamahalang pamilya at ipinagpatuloy ang reporma ni Shotoku.

Noong 710, itinatag ang Nara, ang bagong kabisera na itinulad sa dakilang lungsod ng Chang’an sa China. Matatagpuan ito sa silangang bahagi ng kapatagan ng Yamato. Ipinatupad ng pinunong Yamato ang mandate of heaven na katulad sa China.

Sa simula, nasa emperador ang kapangyarihang mamahala. Paglaon, nagging maimpluwensiya ang mga pamilya ng maharlikang nagmamay-ari ng malawak na lupain.


Noong 1794, inilipat ni Emperador Kammu ang kabisera sa Heian (kasalukuyang Kyoto). Wala sa emperador ang tunay na kapangyarihan kung hindi ay nasa pamilya Fujiwara. Isinagawa ang pag-aasawa ng mga Fujiwara sa mga kasapi ng pamilya ng emperador upang mapanatili ang impluwensiyang political ng pamilya sa Japan. Tuluyang humina ang sentralisadong pamamahala ng emperador dahil sa pagkontrol ng mga maharlika sa kani-kanilang lupain. Pinalakas ang  puwersang military upang mapangalagaan ang kanilang interes.

KABIHASNANG HAPONES

Iniuugnay ang Japan sa pagsikat ng araw. Ito ay dahil ang bansa ay nasa bahagi ng daigdig kung saan mistulang sumisikat ang araw. Ayon naman sa tradisyong Hapones, nagmula ang kanilang lahi kay Amaterasu, ang diyosa ng araw.

Isang kapuluan ang Japan. Nahahati ito sa apat na malalaking pulo – ang Hokkaido, Honshu, Shikoku, at Kyushu. Sa Honshu matatagpuan ang Tokyo, ang kasalukuyang kabisera ng bansa

Sinaunang Kasaysayan

Nakasandig sa alamat at tradisyon ang simula ng kasaysayan ng Japan. Ang mga salaysay sa Kojiki (712 C.E.) at Nihon Shoki (Nihongi) (720 C.E), at ang tala ng mga Tsino (dakong 300 C.E.) ang mga unang batayan ng sinaunang kabihasnang Hapones.

Mula sa timog ng Kyushu, nakarating ang mga katutubong Yayoi sa Honshu at nanirahan sa kapatagan ng Yamato. Nahati ang mga Yayoi sa iba’t ibang tribo na may kani-kaniyang pinuno. Paglaon, nakamit ng pinuno ng Yamato ang pagiging makapangyarihan sa iba pang tribo.

Sa mga unang taon ng ikapitong siglo C.E., kinaharap ng mga tribo ang banta ng pagsalakay ng mga Tsinong Tang. Dahil ditto, ninais ni Shotoku Taishi, pinuno ng Yamato, na magkaisa ang mga tribo upang maging handa sa anumang pagsalakay

Impluwensiyang Tsino


Nakabatay ang malaking bahagi ng pamumuhay ng mga sinaunang Hapones sa kultura ng mga Tsino. Sa pagpasok ng 500 C.E., nagging madalas ang ugnayan ng mga katutubong Hapones at Tsino sa pamamagitan ng tangway ng Korea. Naimpluwensiyahan ng mga Tsino ang mga Hapones dahil na rin sa pagdagsa ng mga katutubong Korean sa Japan.

Kaharian ng Joseon (Kabihasnang Korean)

Matapos bumagsak ang Dinastiyang Goryeo, muling nagtatag ng dinastiya si Yi Seong-gye, at tinawag itong Joseon. Mula sa Gaegyeong ( kasalukuyang Kaesong) ay inilipat ang kabisera sa Hanyang (kasalukuyang Seoul). Binuksan ang mga paaralan upang pag-aralan ang Confucianism.

Isang dakilang pinuno ng Joseon si Haring Sejong. Isa sa kanyang mga ambag ay ang pagpapagawa ng instrumenting susukat sa patak ng ulan. Dahil ditto, ang Korea ang may pinaka matandang tala ng dami ng ulan sa kasaysayan. Sa kaniyang panahon din naimbento ang payak na paraan ng pagsulat na tinawag na hangul na batay sa Chinese calligraphy. Binubuo ito ng 14 na katinig at 10 patinig na sumisimbolo sa mga tunog na ginagamit ng mga Korean. Yumabong ang panitikan sa Korea dahil madaling naisulat ang mga katutubong kuwento sa hangul.

Tulad ng iba pang kabihasnan sa Asya, hindi nakaligtas ang Korea sa pagsalakay ng mga dayuhan gaya ng Hapones at Manchu. Kaugnay nito, hinarap ng mga Korean ang pagtatangka ng mga Hapones sa pamumuno ni Toyotomi Hideyoshi. Mula 1592 hanggang 1598, nanalasa ang mga Hapones sa Korea. Gayumpaman, nabigo ang mga dayuhan sa pinagsanib na puwersa ng mga Tsinong Ming at ni Admiral Yi Sun-shin isang magaling na mandirigmang Korean.

Sa pagkamatay ni Hideyoshi noong 1598, tuluyang nilisan ng mga Hapones ang Korea


Noong 1627 at 1636, muling naharap ang mga Korean sa pananakop ng mga dayuhan nang salakayin ng mga Manchu ang Korean sa pananakop ng mga dayuhan nang salakayin ng mga Manchu ang Korea. Sa kabila ng sunod-sunod na pagsalakay, hindi bumagsak ang Joseon.

Dinastiyang Goryeo (Kabihasnang Korean)

Umabot ng halos apat at kalahating siglo ang pamamahala ng dinastiyang Goryeo sa Korea. Tulad ng China, ipinatupad din ng mga pinuno ng Goryeo ang sentralisadong pamahalaan at ang pagkuha ng civil service examination. Sa kabila nito, nanatili pa rin sa pamahalaan ang mga maharlika at namamana pa rin ng kanilang mga anak ang mga posisyon.

Sa pagitan ng taong 1231 at 1259, naglunsad ang mga Mongol ng sunod-sunod na kampanya sa Korea at hiningan ang mga pinuno ng Goryeo ng mabibigat na tribute tulad ng 20,000 kabayo, damit para sa isang milyong mandirigma, at mga aliping Korean.

Sa pagbagsak ng Imperyong Mongol, lumaganap ang iba’t ibang rebelyon laban sa mga maharlika ng Korea. Noong 1392, sa pamumuno ng mandirigmang si Yi Seong-gye ay muling napag-isa ang Korea sa ilalim ng bagong dinastiya, ang Joseon.