Monday, May 23, 2016

MGA PANGKAT ETNOLINGGUWISTIKO SA ASYA

Ang mga Asyano ay binubuo ng iba’t ibang pangkat etnolingguwistiko. Tumutukoy ang pangkat etnolingguwistiko sa mga pangkat na nabuo batay sa pagkakatulad at pagkakaiba ng mga tao sa isang bansa ayon sa kultura. Nakabatay sa etnisidad at wika ang pagbuo ng mga pangkat etnolingguwistiko.

Ang etnisidad ay pagkakabilang sa isang pangkat kung saan nakikilala ang mga kasapi sa pagkakaroon ng magkakatulad na wika, paniniwala, kaugalian, tradisyon, at pinagmulang angkan. Ito ay mistulang kamag-anakan kung saan kinikilala ng isang pangkat ang bawat kasapi bilang malayong kamag-anak.

Ang wika ang isa sa pangunahing pagkakakilanlan ng mga pangkat etnolingguwistiko. Ang bawat pangkat etnolingguwistiko ay may sariling wika na hindi katulad ng sa ibang pangkat. Dahil dito, bumumukod ang mga kasapi at bumubuo ng sariling pangkat etnolingguwistiko.

Kilalanin natin ang iba’t ibang pangkat etnolingguwistikong Asyano sa bawat rehiyon ng Asya.

Hilagang Asya

Ang mga bansa sa Hilagang Asya ay dating bahagi ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Karamihan sa mga taong bumubuo rito ay mga Russian.

Kinikilala ang malaking bilang ng mga Russian bilang mga Slav na unang nanirahan sa silangang Europe may ilang libong taon na ang nakalilipas. Slavic ang wika ng mga ito.

Sa paglipas ng mga panahon, nagsanga-sanga ang pangkat Slav sa mas maliliit na pangkat. Nagkaroon ang mga ito ng natatangi at kani-kaniyang paraan ng pamumuhay at wika dahil na rin sa paninirahan ng mga Slav sa iba’t ibang lugar sa Asya at Europe. Halimbawa nito ay ang mga Slav sa Ukraine sa Europe na kinikilala bilang mga Ukrainian.

Ang mga Uzbek ng Uzbekistan, Kazakh ng Kazakhstan, at Kyrgyz ng Kyrgyzstan ay kabilang sa lahing Turkic. Bagama’t may ilang pagkakaiba sa paraan ng kanilang pamumuhay, ang kanilang wika naman ay iisa, ang wikang Turkic. Malaking bahagdan ng mga tao sa nasabing mga bansa ay mga Muslim.

Ang Paleosiberian ay isang pangkat etnolingguwistiko na matatagpuan sa hilagang-silangan ng Asian Russia (Siberia) tulad ng Chukchi, Koryak, Kamchadal, Nivkh, Yukaghir, at Ket. Karaniwang pag-aalaga ng mga reindeer at pangangaso ang ikinabubuhay ng mga katutubo sa rehiyon.

Silangang Asya

Maraming mamamayan sa Silangang Asya ang may manila-nilaw at kayumangging kulay ng balat at may tuwid at itim na buhok.

Ang China na pinakamalaking bansang Asyano, ay binubuo ng may 56 na pangkat etnolingguwistiko. Batay sa 5th National Population Census ng 2000 sa China, 91.59% ng kabuuang populasyon ng mga tsino o halos 1.16 bilyong katao ang Han Chinese. Samantala, ang nalalabing 8.41% ay kabilang sa 55 pangkat.

Kabilang ang wikang gamit ng mga tsino sa mga wikang Sino-Tibetan. Nahahati ang wikang Chinese sa pitong pangunahing diyalekto: ang Mandarin, Wu, Xiang, Gan, Min, Cantonese at Hakka. Sa relihiyon, nangunguna sa mga Tsino ang Confucianism, Taoism, at Buddhism. May ilan ding kabilang sa iba’t ibang Kristiyanong pananampalataya dahil na rin sa impluwensiyang Kanluranin.

Sa Japan, may 98.5% ng mga mamamayan ay Hapones, 0.5% ay Korean, at 0.4% ay Tsino. Ang nalalabing 0.6% ay mula sa iba pang pangkat tulad ng Ainu. Pinaniniwalaang nagmula ang mga Hapones sa pangkontinenteng Asya at sa mga pulo ng timog Pacific may 2000 taon na ang nakararaan. Maiuugnay ang wikang Hapones sa Altaic language family. Ang Altaic ay binubuo ng Turkish, Mongolian, at Manchu-Tungus.

Bagama’t magkahiwalay na bansa ang North Korea at South Korea, nagmula ang mga mamamayan nito sa iisang pangkat etnolingguwistikong Korean na may iisang ninuno at may magkatulad na wika at pisikal na anyo.

Timog-silangang Asya

Halos 14% ng mga Asyano ay naninirahan sa Timog-silangang Asya. Karaniwan sa kanila ay may manila-nilaw at kayumangging balat at itim na buhok at mga mata. Ipinapalagay na ang kanilang mga ninuno ay nagmula sa gitnang Asya at timog China noong panahong prehistoriko. Isa sa mga pangkat etnolingguwistikong nagmula sa Timog-silangang Asya ang mga katutubong gumagamit ng wikang Austronesian. Sila ang karaniwang matatagpuan sa Indonesia, Pilipinas, Malaysia, East Timor, Brunei, at Singapore. Laganap din ang wikang Austronesian sa mga katutubo sa Taiwan, New Zealand, Madagascar, at iba pang mga pulo sa rehiyong Pacific.

Nakaapekto rin ang mga dayuhang nakipagkalakalan at nanakop sa mga bansa sa rehiyon. Sa Singapore, ginagamit na wika ng mga mamamayan ang Chinese, Malay, Tamil, at English. Vienamese ang gamit ng mga tao sa Vietnam bagama’t marami sa kanila ang marunong ng English, French, at Chinese.

Buddhism ang pangunahing relihiyon ng mga bansa sa tangway ng Timog-silangang Asya. Batay ito sa mga aral at katuruan ni Siddhartha Gautama o Buddha. Binibigyang-diin sa relihiyong ito na maaaring makamit ng tao ang kaligayahang walang hanggan sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga makamundong pagnanasa.

Islam ang pangunahing relihiyon sa Indonesia, Malaysia, at Brunei samantalang Kristiyanismo naman sa Pilipinas at East Timor.

May mga pangkat ng tao sa Timog-silangang Asya na may relihiyong animism. Pinaniniwalaan nila na ang kalikasan ay pinanahanan ng mabubuti at masasamang espiritu. Dahil dito, nagsasagawa ng pag-aalay ang mga tao upang kalugdan sila ng mga espiritu at pagkalooban ng mabuting kapalaran. Ilan sa mga lugar sa Timog-silangang Asya kung saan umiiral ang animism ay ang Malaysia, particular sa Peninsular Malaysia at Malaysian Borneo, at ang bulubunduking bahagi ng hilagang Myanmar.

Timog Asya

Humigit-kumulang 75% ng populasyon ng Timog Asya o mahigit isang bilyong katao ang naninirahan sa India. Halos 20% ay matatagpuan sa Pakistan at Bangladesh. Pinaghahatian naman ng Bhutan, Nepal, Sri Lanka, at Maldives ang nalalabing bahagdan ng populasyon sa rehiyon.

Sa India may dalawang pangunahing pangkat etnolingguwistiko: ang mga Indo-Aryan at ang mga Dravidian. Karaniwang sa hilagang bahagi ng India naninirahan ang mga Indo-Aryan samantalang sa timog na bahagi naman ang mga Dravidian.

Malaking Bahagdan ng mga Pakistani ay nagmula sa pangkat Indo-Aryan. Mayroon ding Pakistani na kabilang sa pangkat Arabic, Dravidian, at Turk. Sa Sri Lanka naninirahan ang mga Sinhalese na kabilang sa pangkat Indo-Aryan. Ang mga Sinhalese ang pinakamalaking pangkat etnolingguwistiko sa Sri Lanka. May halos 13.8 milyong katutubo o 73% ng kabuuang populasyon ang kabilang sa pangkat na ito sa pagpasok ng ika-21 siglo. Pinaniniwalaang nagmula ang mga ninuno ng mga Sinhalese sa hilagang India noong ikalimang siglo B.C.E. Kabilang ang kanilang wika sa pamilyang Indo-European. Karaniwan sa mga Sinhalese ay kasapi ng Theravada Buddhism, isang uri ng Buddhism na batay sa mga orihinal na katuruan ni Buddha.

Maliban sa Sinhalese, may maliit na bahagdan ng populasyon ng Sri Lanka na binubuo ng pangkat etnolingguwistikong Tamil. Hindi tulad ng mga Sinhalese na mga Buddhist, ang mga katutubong Tamil ay pawang mga Hindu. Dahil dito, hindi maiwasan ang sigalot sa pagitan ng dalawang pangkat.

Kanlurang Asya

Umaabot sa 7% ng mga Asyano ang mula sa Kanlurang Asya. Ang mga Arab ang pangunahing pangkat etnolingguwistikong bumubuo sa populasyon ng Kanlurang Asya.

Ginagamit ang salitang Arab patungkol sa sinauna ay kasalukuyang naninirahang pangkat ng tao sa Arabian Peninsula.

Pinag-iisa ang mga Arab ng kanilang wika, ang Arabic. Malaki rin ang bahaging ginagampanan ng Islam sa pagkakaisa ng mga Arab.

Sa kasalukuyan, may mahigit 200 milyong Arab sa daigdig. Sa Asya, karaniwang makikita ang mga Arab sa Saudi Arabia, Syria, Yemen, Jordan, Lebanon, at Iraq.

Sa Israel, maraming mamamayan ang mula sa pangkat ng mga Jew. Nagsimula ang kasaysayan ng mga Jew mahigit 5,000 taon na ang nakalilipas.

Tinatawag din ang mga Arab at Jew na mga Semite o “mga taong gumagamit ng wikang nagmula sa Semitic,” isang pamilya ng wikang Afro-Asiatic.

Maraming katutubo ng Afghanistan, Armenia, Azerbaijan, Cyprus, Georgia, Iran, at Turkey ang non-Semitic. Kabilang sa kanilang pinagmulang lugar ay ang gitnang Asya at ang bulubunduking rehiyon ng Caucasus.


No comments:

Post a Comment