Monday, May 9, 2016

MGA REHIYON NG ASYA

1. Hilagang Asya
Ang Hilagang Asya ay binubuo ng mga bansang dating kabilang sa Soviet Union o Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Nang mabuwag ang USSR noong 1991 ay nagsarili ang mga dating Soviet Republic. Sa kabuuan, tinatayang may 4,072,000 km2 ang lawak ng teritoryo ng Hilagang Asya.

Nasa rehiyong ito ang ilan sa mahahalagang anyong tubig at anyong lupa sa Asya. Kabilang dito ang Caspian Sea na hangganan ng Azerbaijan, Kazakhstan, at Turkmenistan. Nasa pagitan naman ng Kazakhstan at Uzbekistan ang Aral Sea. Unti-unting kumikipot ang lawing ito. Ang tubig mula sa dalawang ilog na dapat sana ay dumadaloy patungong Aral Sea ay ginamit sa irigasyon. Sa ngayon, patuloy ang pagsisiskap na masagip ang bahagi ng Aral Sea na unti-unting natutuyo.

Makikita rin sa Hilagang Asya ang Kara Kum, isa sa pinakamalaking disyerto sa daigdig. Saklaw nito ang malaking bahagi ng Turkmenistan. Sa Tajikistan naman matatagpuan ang malaking bahagi ng bulubunduking Pamir. Marami sa mga tuktok nito ay may taas na higit sa 20,000 talampakan.

2. Silangang Asya

Lima ang mga bansang matatagpuan sa Silangang Asya. Ang rehiyong ito ay may kabuuang sukat na umaabot sa 11,525,000 km2 .

Nasa Silangang Asya ang China, ang pinakamalaking bansang Asyano. Higit sa 9,300,000 km2 ang lawak ng teritoryo nito at siya ring pimakamataong bansa sa buong daigdig. May populasyon itong umaabot sa higit 1.33 bilyon noong taong 2010.

Matatagpuan din sa rehiyong ito ang Japan na isang industriyalisadong bansa, Mongolia na lupain ng mga nagtataasang talampas at kabundukan, at North Korea at South Korea na mga nagsasariling bansa mula pa noong 1948.

Napaliligiran ang silangang Asya ng mga likas na hangganan. Ihinihiwalay ng Sea of Japan (o East Sea) at Korea Strait ang Japan sa pangkontinenteng Asya; ng Taiwan Strait ang Taiwan at China; at ng Bashi Channel ang Taiwan at Pilipinas.

Sa timog ng rehiyon, pumapagitan sa Silangang Asya at Timog Asya ang matataas na bulubundukin ng Himalayas. Sa kanlurang bahagi ng China matatagpuan ang Taklamakan Desert at sa hilagang-kanlurang bahagi naman ang Bulubundukin ng Tian Shan (Tien Shan).

3. Timog-silangang Asya

Binubuo ng 11 bansang Timog-silangang Asya kabilang na ang Pilipinas. Ang Timor Leste ang huling naging ganap na estado sa rehiyon. Nakamit nito ang kalayaan mula sa Indonesia noong ika-20 ng Mayo, 2002. Tinatayang may kabuuang sukat na 4,360,000 km2 ang Timog-silangang Asya.

Pagdating sa mga heo-grapikal na hangganan, ang Timog-silangang Asya ay ihinihiwalay ng China at Taiwansa hilaga, Indian Ocean at Australia sa timog, Bay of Bengal at Indian subcontinent sa kanluran, at Pacific Ocean at Papua New Guinea sa silangan.

May dalawang paghahating heograpikal ang Timog-silangang Asya: ang pangkontinenteng Timog-silangang Asya at ang pangkapuluang Timog-silangang Asya.

May klimang tropical ang Timog-silangang Asya sapagkat matatagpuan ito malapit sa equator. Ang mainam na klima nito – na binubuo ng panahon ng tag-ulan at ng tag-araw – ang nagbibigay sa rehiyon ng biyaya ng makakapal na tropical rainforest.

4. Timog Asya

May pitong bansa sa Timog Asya. Ang rehiyon ay may kabuuang sukat na umaabot sa 4,123,000 km2 at sumasakop sa halos 10% ng kalupaan ng Asya.

Nasa Indian subcontinent ang India, Bangladesh, Bhutan, Nepal, at Pakistan. Matatagpuan naman ang mga bansang kapuluan na Sri Lanka at Maldives sa timog ng Indian subcontinent.

Ipinapalagay ng mga heograpo na ang kalupaan ng Timog Asya, kung saan ang malaking bahagi ay sakop ng India, ay dating nakahiwalay sa pangkontinenteng Asya. Dahil sa patuloy na paggalaw ng lupa, unti-unting dumikit ang kalupaan ng Timog Asya sa kontinente hanggang sa maging bahagi na ito ng pangkontinenteng Asya. Ito ang isang paliwanag kung bakit tinagurian ang India bilang “Asia’s subcontinent.”

Ayon sa mga eksperto, ang bulubundukin ng Himalayas sa hilagang bahagi ng Timog Asya ang patunay sa pagbangga ng India sa pangkontinenteng Asya. Ang Himalayas ang nagsisilbing hangganan ng Timog Asya sa iba pang rehiyon ng kontinente.

Ang Timog Asya ang isa sa pinakamataong lugar sa buong daigdig. Umaabot sa 349 katao bawat kilometro kuwadrado ang population density nito – halos pitong ulit na mas malaki kaysa sa population density ng daigdig.

5. Kanlurang Asya

Matatagpuan sa Kanlurang Asya ang 16 na bansa. Ito ang rehiyon ng Asya na may pinakamaraming bansa. Ang Saudi Arabia at Iran ang pinakamalalaki sa mga ito. May tinatayang kabuuang sukat ang rehiyon na 6,811,000 km2 .

Kung mapapansin sa mapa, may dalawang tangway at tatlong malalaking anyong tubig ang Kanlurang Asya. Ang pinakamalaking tangway ay ang Arabian Peninsula. Napaliligiran ito ng Red Sea sa kanluran, Persian Gulf sa silangan, at Gulf of Aden at Arabian Sea sa timog. Malaking kalupaan ng Arabian Peninsula ang sakop ng Saudi
Arabia. Nasa Timog na bahagi naman nito ang Yemen at Oman. Sa bandang silangan ay ang United Arab Emirates (UAE) at Qatar.

Sa hilagang-kanlurang bahagi ng rehiyon matatagpuan ang Anatolian Peninsula. Tatlong dagat ang nagsisilbing hangganan nito: ang Mediterranean Sea, Aegean Sea, at Black Sea. Sakop ng Turkey ang buong tangway ng Anatolia.


May mainit na temperature ang Kanlurang Asya na umaabot sa 460C. Dahilan ito upang katagpuan ang rehiyon ng malalawak na disyerto tulad ng Arabian Desert, Syrian Desert, at Negev Desert. May nagtataasang talampas din ang rehiyon. Dalawa rito ang Plateau of Iran at Arabian Central Plateau.

9 comments: