Monday, May 23, 2016

KULTURANG NEOLITIKO

Naganap ang Panahong Neolitiko noong 7000 hanggang 3000 B.C.E. Sa panahong ito, hindi na lubusang umasa ang mga tao sa kanilang kapaligiran. Isa sa mga patunay nito ay ang pagsisimula ng pagsasaka. Tinatawag ang pagbabagong ito na Neolithic Revolution. Hindi pa rin naipaliliwanag sa kasalukuyan kung paano natutuhan ng tao na magtanim at magsaka. Ang maliwanag lamang ay isa itong malaking pagbabagong nagdulot ng pag-unlad sa pamumuhay ng mga sinaunang tao.


Sa panahong Neolitiko ay naganap din ang pagbabago sa panirahan ng mga sinaunang tao. Mula sa pagiging lagalag ay naging sedentary o may permanenteng tirahan ang mga sinaunang tao. Kinailangan nilang gumawa ng bahay malapit sa kanilang mga pananim upang ito ay kanilang maalagaan at mabantayan mula sa pananalasa ng mababangis na hayop. Dahil matagal ang proseso ng pagsasaka at pag-aani ng mga bunga, naging pangmatagalan ang paninirahan ng mga tao sa mga bahay na kanilang ginawa.

KULTURANG MESOLITIKO

Naganap ang Panahong Mesolitiko mula 10,000 hanggang 4500 B.C.E. Sa panahong ito naganap ang isang malaking pagbabagong pangkapaligiran – ang pagkatunaw ng mga glacier o malalaking tipak ng yelo. Ang pangyayaring ito ay nagbigay-daan sa paglago ng mga puno at halaman sa mga kagubatan. Patuloy pa ring nangaso at nangalap ng pagkain ang mga sinaunang tao. Subalit hindi tulad noong Panahong Paleolitiko, naging mahirap para sa mga sinaunang tao sa Panahong Mesolitiko ang mangalap ng pagkain mula sa kapaligiran. Natutuhan nila sa panahong ito ang pagpapaamo ng mga aso. nakatulong ito sa kanilang panga-ngaso ng mababangis na hayop. Mas mahusay rin ang mga nabuong kagamitang bato sa panahong ito bagama’t hindi pa rin gaanong Pulido o maayos ang pagkakagawa.


Noong Panahong Mesolitiko rin nagsimulang manirahan ang mga sinaunang tao malapit sa mga pampang ng ilog at dagat. Bunga nito, nadagdagan ng mga lamang-ilog at lamang-dagat ang uri ng kanilang pagkain. Maituturing na pinakamahalagang ambag ng mga sinaunang tao. Sa panahong ito ang sasakyang pandagat na tinatawag na dugout o  canoe. Ginamit nila ito sa pangingisda sa mga ilog at sa mababaw na bahagi ng dagat.

PALEOLITHIC CULTURE

Kabilang sa Panahong Paleolitiko ang mga taon mula 400,000 hanggang 8500 B.C.E. Sa panahong ito nagsimulang gumawa ng kagamitang gawa sa bato ang sinaunang tao. Inilalarawan bilang magaspang ang mga kagamitang bato sa panahong ito sapagkat hindi pa gaanong Pulido at maayos ang pagkakagawa sa mga kasangkapan.

Umasa sa kalikasan ang mga sinaunang tao sa panahong ito. Pangangaso at pangangalap ng pagkain ang kanilang pangunahing ikinabubuhay. Ang mga pangkat ng kalalakihan ay sama-samang nangaso habang ang kababaihan naman ang nangalap ng pagkain. Lahat ng nakuhang pagkain ay inipon at pinaghati-hatian ng mga kasapi ng angkan.

Palipat-lipat din ng tirahan ang mga tao noong Panahong Paleolitiko. Tinatawag ang paraan ng pamumuhay na ito na nomadic  lagalag, nangangahulugang walang permanenteng tirahan. Tinawag naman ang mga taong lagalag na nomad.

Noong una, nakagawian ng mga sinaunang tao ang pagkain ng hilaw na karne, subalit nagbago ito dulot ng pagkakatuklas ng apoy. Itinuturing na pinakamahalagang tuklas sa Panahong Paleolitiko ang paggamit ng apoy. Ayon sa isang teorya, natuklasan ang apoy dahil sa pagtama ng kidlat sa isang punongkahoy. Nagliyab ito at nabuwal sa isang mabangis na hayop. Nang matikman ng mga sinaunang tao ang lasa ng nalutong karne, nagustuhan nila ito at nagsimulang gumawa ng apoy mula sa pagkiskis ng bato. Kinalaunan, natuklasan din ng mga sinaunang tao ang paggawa ng apoy sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagkiskis ng kahoy.

Pinatunayan ng mga nahukay na labi sa Indonesia at China ang pamumuhay ng mga sinaunang tao sa kontinente. Batay sa mga nahukay na buto at kasangkapan, masasabing ang Taong Java at Taong Peking ay mahusay na mangangaso at may kaalaman sa paggamit ng apoy. Bihasa rin sila sa paggawa ng kagamitang bato.

Sa Pilipinas naman ay may mga natagpuang buto ng malalaking hayop at mga kagamitang bato. Natagpuan ito sa Cagayan kung saan pinaniniwalaang nanirahan ang Taong Cagayan 500,000 hanggang 250,000 taon na ang nakalilipas. Samantala, ang mga natagpuang buto sa yungib ng Tabon sa Palawan ay patunay ng paninirahan ng sinaunang tao sa Pilipinas. Tinawag itong Taong Tabon na tinatayang nabuhay noong 23,000 B.C.E.


Naniwala rin ang mga taong Paleolitiko sa kabilang buhay. Kung kaya’t pinabaunan din nila ng mga gamit ang kanilang mga yumao.

MGA PANGKAT ETNOLINGGUWISTIKO SA ASYA

Ang mga Asyano ay binubuo ng iba’t ibang pangkat etnolingguwistiko. Tumutukoy ang pangkat etnolingguwistiko sa mga pangkat na nabuo batay sa pagkakatulad at pagkakaiba ng mga tao sa isang bansa ayon sa kultura. Nakabatay sa etnisidad at wika ang pagbuo ng mga pangkat etnolingguwistiko.

Ang etnisidad ay pagkakabilang sa isang pangkat kung saan nakikilala ang mga kasapi sa pagkakaroon ng magkakatulad na wika, paniniwala, kaugalian, tradisyon, at pinagmulang angkan. Ito ay mistulang kamag-anakan kung saan kinikilala ng isang pangkat ang bawat kasapi bilang malayong kamag-anak.

Ang wika ang isa sa pangunahing pagkakakilanlan ng mga pangkat etnolingguwistiko. Ang bawat pangkat etnolingguwistiko ay may sariling wika na hindi katulad ng sa ibang pangkat. Dahil dito, bumumukod ang mga kasapi at bumubuo ng sariling pangkat etnolingguwistiko.

Kilalanin natin ang iba’t ibang pangkat etnolingguwistikong Asyano sa bawat rehiyon ng Asya.

Hilagang Asya

Ang mga bansa sa Hilagang Asya ay dating bahagi ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Karamihan sa mga taong bumubuo rito ay mga Russian.

Kinikilala ang malaking bilang ng mga Russian bilang mga Slav na unang nanirahan sa silangang Europe may ilang libong taon na ang nakalilipas. Slavic ang wika ng mga ito.

Sa paglipas ng mga panahon, nagsanga-sanga ang pangkat Slav sa mas maliliit na pangkat. Nagkaroon ang mga ito ng natatangi at kani-kaniyang paraan ng pamumuhay at wika dahil na rin sa paninirahan ng mga Slav sa iba’t ibang lugar sa Asya at Europe. Halimbawa nito ay ang mga Slav sa Ukraine sa Europe na kinikilala bilang mga Ukrainian.

Ang mga Uzbek ng Uzbekistan, Kazakh ng Kazakhstan, at Kyrgyz ng Kyrgyzstan ay kabilang sa lahing Turkic. Bagama’t may ilang pagkakaiba sa paraan ng kanilang pamumuhay, ang kanilang wika naman ay iisa, ang wikang Turkic. Malaking bahagdan ng mga tao sa nasabing mga bansa ay mga Muslim.

Ang Paleosiberian ay isang pangkat etnolingguwistiko na matatagpuan sa hilagang-silangan ng Asian Russia (Siberia) tulad ng Chukchi, Koryak, Kamchadal, Nivkh, Yukaghir, at Ket. Karaniwang pag-aalaga ng mga reindeer at pangangaso ang ikinabubuhay ng mga katutubo sa rehiyon.

Silangang Asya

Maraming mamamayan sa Silangang Asya ang may manila-nilaw at kayumangging kulay ng balat at may tuwid at itim na buhok.

Ang China na pinakamalaking bansang Asyano, ay binubuo ng may 56 na pangkat etnolingguwistiko. Batay sa 5th National Population Census ng 2000 sa China, 91.59% ng kabuuang populasyon ng mga tsino o halos 1.16 bilyong katao ang Han Chinese. Samantala, ang nalalabing 8.41% ay kabilang sa 55 pangkat.

Kabilang ang wikang gamit ng mga tsino sa mga wikang Sino-Tibetan. Nahahati ang wikang Chinese sa pitong pangunahing diyalekto: ang Mandarin, Wu, Xiang, Gan, Min, Cantonese at Hakka. Sa relihiyon, nangunguna sa mga Tsino ang Confucianism, Taoism, at Buddhism. May ilan ding kabilang sa iba’t ibang Kristiyanong pananampalataya dahil na rin sa impluwensiyang Kanluranin.

Sa Japan, may 98.5% ng mga mamamayan ay Hapones, 0.5% ay Korean, at 0.4% ay Tsino. Ang nalalabing 0.6% ay mula sa iba pang pangkat tulad ng Ainu. Pinaniniwalaang nagmula ang mga Hapones sa pangkontinenteng Asya at sa mga pulo ng timog Pacific may 2000 taon na ang nakararaan. Maiuugnay ang wikang Hapones sa Altaic language family. Ang Altaic ay binubuo ng Turkish, Mongolian, at Manchu-Tungus.

Bagama’t magkahiwalay na bansa ang North Korea at South Korea, nagmula ang mga mamamayan nito sa iisang pangkat etnolingguwistikong Korean na may iisang ninuno at may magkatulad na wika at pisikal na anyo.

Timog-silangang Asya

Halos 14% ng mga Asyano ay naninirahan sa Timog-silangang Asya. Karaniwan sa kanila ay may manila-nilaw at kayumangging balat at itim na buhok at mga mata. Ipinapalagay na ang kanilang mga ninuno ay nagmula sa gitnang Asya at timog China noong panahong prehistoriko. Isa sa mga pangkat etnolingguwistikong nagmula sa Timog-silangang Asya ang mga katutubong gumagamit ng wikang Austronesian. Sila ang karaniwang matatagpuan sa Indonesia, Pilipinas, Malaysia, East Timor, Brunei, at Singapore. Laganap din ang wikang Austronesian sa mga katutubo sa Taiwan, New Zealand, Madagascar, at iba pang mga pulo sa rehiyong Pacific.

Nakaapekto rin ang mga dayuhang nakipagkalakalan at nanakop sa mga bansa sa rehiyon. Sa Singapore, ginagamit na wika ng mga mamamayan ang Chinese, Malay, Tamil, at English. Vienamese ang gamit ng mga tao sa Vietnam bagama’t marami sa kanila ang marunong ng English, French, at Chinese.

Buddhism ang pangunahing relihiyon ng mga bansa sa tangway ng Timog-silangang Asya. Batay ito sa mga aral at katuruan ni Siddhartha Gautama o Buddha. Binibigyang-diin sa relihiyong ito na maaaring makamit ng tao ang kaligayahang walang hanggan sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga makamundong pagnanasa.

Islam ang pangunahing relihiyon sa Indonesia, Malaysia, at Brunei samantalang Kristiyanismo naman sa Pilipinas at East Timor.

May mga pangkat ng tao sa Timog-silangang Asya na may relihiyong animism. Pinaniniwalaan nila na ang kalikasan ay pinanahanan ng mabubuti at masasamang espiritu. Dahil dito, nagsasagawa ng pag-aalay ang mga tao upang kalugdan sila ng mga espiritu at pagkalooban ng mabuting kapalaran. Ilan sa mga lugar sa Timog-silangang Asya kung saan umiiral ang animism ay ang Malaysia, particular sa Peninsular Malaysia at Malaysian Borneo, at ang bulubunduking bahagi ng hilagang Myanmar.

Timog Asya

Humigit-kumulang 75% ng populasyon ng Timog Asya o mahigit isang bilyong katao ang naninirahan sa India. Halos 20% ay matatagpuan sa Pakistan at Bangladesh. Pinaghahatian naman ng Bhutan, Nepal, Sri Lanka, at Maldives ang nalalabing bahagdan ng populasyon sa rehiyon.

Sa India may dalawang pangunahing pangkat etnolingguwistiko: ang mga Indo-Aryan at ang mga Dravidian. Karaniwang sa hilagang bahagi ng India naninirahan ang mga Indo-Aryan samantalang sa timog na bahagi naman ang mga Dravidian.

Malaking Bahagdan ng mga Pakistani ay nagmula sa pangkat Indo-Aryan. Mayroon ding Pakistani na kabilang sa pangkat Arabic, Dravidian, at Turk. Sa Sri Lanka naninirahan ang mga Sinhalese na kabilang sa pangkat Indo-Aryan. Ang mga Sinhalese ang pinakamalaking pangkat etnolingguwistiko sa Sri Lanka. May halos 13.8 milyong katutubo o 73% ng kabuuang populasyon ang kabilang sa pangkat na ito sa pagpasok ng ika-21 siglo. Pinaniniwalaang nagmula ang mga ninuno ng mga Sinhalese sa hilagang India noong ikalimang siglo B.C.E. Kabilang ang kanilang wika sa pamilyang Indo-European. Karaniwan sa mga Sinhalese ay kasapi ng Theravada Buddhism, isang uri ng Buddhism na batay sa mga orihinal na katuruan ni Buddha.

Maliban sa Sinhalese, may maliit na bahagdan ng populasyon ng Sri Lanka na binubuo ng pangkat etnolingguwistikong Tamil. Hindi tulad ng mga Sinhalese na mga Buddhist, ang mga katutubong Tamil ay pawang mga Hindu. Dahil dito, hindi maiwasan ang sigalot sa pagitan ng dalawang pangkat.

Kanlurang Asya

Umaabot sa 7% ng mga Asyano ang mula sa Kanlurang Asya. Ang mga Arab ang pangunahing pangkat etnolingguwistikong bumubuo sa populasyon ng Kanlurang Asya.

Ginagamit ang salitang Arab patungkol sa sinauna ay kasalukuyang naninirahang pangkat ng tao sa Arabian Peninsula.

Pinag-iisa ang mga Arab ng kanilang wika, ang Arabic. Malaki rin ang bahaging ginagampanan ng Islam sa pagkakaisa ng mga Arab.

Sa kasalukuyan, may mahigit 200 milyong Arab sa daigdig. Sa Asya, karaniwang makikita ang mga Arab sa Saudi Arabia, Syria, Yemen, Jordan, Lebanon, at Iraq.

Sa Israel, maraming mamamayan ang mula sa pangkat ng mga Jew. Nagsimula ang kasaysayan ng mga Jew mahigit 5,000 taon na ang nakalilipas.

Tinatawag din ang mga Arab at Jew na mga Semite o “mga taong gumagamit ng wikang nagmula sa Semitic,” isang pamilya ng wikang Afro-Asiatic.

Maraming katutubo ng Afghanistan, Armenia, Azerbaijan, Cyprus, Georgia, Iran, at Turkey ang non-Semitic. Kabilang sa kanilang pinagmulang lugar ay ang gitnang Asya at ang bulubunduking rehiyon ng Caucasus.


Likas na Yaman ng Asya

1. Hilagang Asya

VEGETATION
LIKAS NA YAMAN
Iba-iba ang vegetation ng rehiyon:
Mayaman sa coal, tanso, at pilak.
- tundra sa dulong hilaga ng rehiyon;
May produksiyon ng ginto, lead, tin, tungsten, at zinc.
- taiga sa timog ng tundra kung saan matatagpuan ang coniferous forest belt. Troso ang pangunahing yaman dito; at
May natural gas at langis sa halos lahat ng bansa.
- steppe mula timog-kanlurang Russia hanggang gitnang bahagi ng Asya.
Nangunguna sa produksiyon ng trigo, rye, oat, at barley.
Matatagpuan ang desert at semi-desert sa timog ng steppe. Bunga ito ng mainit at tuyong klima sa lugar. Isa rito ang Kara Kum.
Sa hayop, makikita ang oso, fox, reindeer, lobo, wildcat, at boar.

Ang Baku, Azerbaijan ang pangunahing mapagkukunan ng langis sa rehiyon.

May puno ng fir at pine.


2. Silangang Asya

VEGETATION
LIKAS NA YAMAN
Sa timog-silangan at silangang China, North Korea, South Korea, at malaking bahagi ng Japan matatagpuan ang mga deciduous at pinaghalong deciduous-coniferous forest.
May malaking reserba ng coal. Ang China ang may pinakamataas na produksiyon ng coal. Mayaman sa deposito ng coal, copper, ginto, at iron ore ang rehiyon.
May temperate grassland sa bahagi ng Mongolia at hilagang China.
Nakasalalay sa mga ilog ang agrikultura.
Iba-iba ang vegetation sa matataas na lugar sa kanlurang China.
Mahalagang kabuhayan ng mga naninirahan sa baybayin ng silangang bahagi ng rehiyon ang pangingisda. Ang China ang isa sa pangunahing nagluluwas ng isda sa daigdig.
Ang dating makakapal na kagubatan ng rehiyon ay patuloy na nauubos dahil sa deforestation.


3. Timog-silangang Asya

VEGETATION
LIKAS NA YAMAN
Iba-iba at sagana ang vegetation.
May reserba ng langis ang Brunei, Malaysia, Vietnam, at Indonesia.
Halos lahat ng bansa sa rehiyon ay may tropical forest maliban sa ilang bahagi ng  Myanmar na may pinaghalong deciduous-coniferous forest.
May deposito ng nickel at iron sa Indonesia; tanso sa Pilipinas, at tin sa Thailand, Myanmar, at Laos.
Mayaman sa iba’t ibang uri ng halaman ang rehiyon. Sa Indonesia, may 40,000 species ng mga namumulaklak na halaman kabilang ang may 5,000 species ng orchid.
Isa ang Malaysia sa may pinakamalalaking deposito ng tin sa daigdig.
May tropical savanna grassland sa Cambodia, Laos, at Vietnam.
Malilinang din ang sapphire, ruby, at perlas sa rehiyon.
Kakikitaan ang ilang bahagi ng Singapore ng mga tropical rainforest sa kabila ng mataas na antas ng urbanisasyon at dami ng tao sa bansa.
Mayaman sa mga agricultural na pananim ang rehiyon tulad ng palay.

May iba’t ibang uri ng wildlife sa rehiyon tulad ng elepante, tigre, rhinoceros, at orangutan.

Mahigit 2,500 species ng isda ang makikita sa mga anyong tubig nito.


4. Timog Asya

VEGETATION
LIKAS NA YAMAN
Iba-iba ang vegetation sa rehiyon:
Matatatagpuan sa iba’t ibang dako ng rehiyon ang mga yamang mineral tulad ng manganese, chromite, coal, gypsum, at iron ore; graphite at mga gemstone ang pangunahing mineral sa Sri Lanka.
tropical forest sa India na puno ng mga niyog at teak;
Angkop sa agrikultura ang Indo-Gangetic plain Wheat, palay, at tubo ang mga pangunahing produkto rito.
mixed tropical forest na tinutubuan ng kawayan at mga puno tulad ng manga sa Bangladesh;
Malago ang kagubatan sa Nepal, Bhutan, at India; nagluluwas ng torso mula sa punong oak, pine, at walnut.
deciduous forest sa Deccan at hilagang kapatagan; at
Katatagpuan ng higit sa 20,000 freshwater species.
desert scrub o magkahalong mabababang puno at damo sa hilagang-kanlurang bahagi ng tangwayng India.
Matatagpuan sa Maldives ang samu’t saring tropical fish at coral formation.

5. Kanlurang Asya

VEGETATION
LIKAS NA YAMAN
Desert scrub at desert waste ang bumubuo sa malaking bahagi ng Arabian Peninsula, Iraq, Syria, at gitnang Iran. Halos walang vegetation maliban sa paligid ng mga oasis.
Petrolyo at natural gas ang pinakamahalagang likas na yaman sa rehiyon.
May temperate grassland ang gitna at silangang bahagi ng Turkey, bahagi ng Iran, at Afghanistan.
Ang Saudi Arabia ang may pinakamalaking reserba ng langis sa buong daigdig. Umaabot ito sa 20% ng kabuuang reserba ng langis sa daigdig. Nagsusuplay ito ng langis sa U.S., Europe, at Asya.
May lugar sa Turkey na kagubatang karaniwang nasa mataas na elebasyon at may saganang ulan.
Mayaman ang rehiyon sa iba pang mineral tulad ng iron ore, tanso, manganese, lead, at zinc.

May mga lugar sa rehiyon kung saan pagsasaka at pag-aalaga ng hayop ang ikinabubuhay ng mga tao.


Monday, May 9, 2016

Uri ng Vegetation sa Asya

1. Mixed Forest

Gubat na nasa transisyon sa pagitan ng deciduous at coniferous forest; makikita higit sa hilagang hating globo.

2. Tropical Rainforest

Mayabong na kagubatang matatagpuan sa mga bansang malapit sa ekwador; karaniwang binubuo ng malalaking puno at makakapal na dahoon.

3. Deciduous Forest

Matatagpuan sa rehiyon ng gitnang latitude o temperate zone; makikita rito ang mga punong oak, beech, chestnut, maple, at basswood.

4. Tropical Savanna

May matataas na damo at mangilan-ngilang puno.

5. Tundra

Nababalutan ng yelo sa halos buong taon; may mangilan-ngilang palumpong at damo; lumot at lichen sa bandang hilagang polar.

6. Coniferous Forest

Makikita sa rehiyong may mahabang taglamig at may katamtaman hanggang mataas na presipitasyon bawat taon; halimbawa ng puno ay pine tree, spruce, fir, at larch.

7. Steppe

Mahabang grasslang na umaabot sa 8000 km; mula Hungary hanggang Mongolia.

8. Temperate Grassland

Katulad ng tropical savanna ngunit mas malamig ang lugar at mas kaunti ang presipitasyon.

9. Taiga


Coniferous forest na katangian ng vegetation sa rehiyong subpolar ng hilaga ng Eurasia.

MGA REHIYON NG ASYA

1. Hilagang Asya
Ang Hilagang Asya ay binubuo ng mga bansang dating kabilang sa Soviet Union o Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Nang mabuwag ang USSR noong 1991 ay nagsarili ang mga dating Soviet Republic. Sa kabuuan, tinatayang may 4,072,000 km2 ang lawak ng teritoryo ng Hilagang Asya.

Nasa rehiyong ito ang ilan sa mahahalagang anyong tubig at anyong lupa sa Asya. Kabilang dito ang Caspian Sea na hangganan ng Azerbaijan, Kazakhstan, at Turkmenistan. Nasa pagitan naman ng Kazakhstan at Uzbekistan ang Aral Sea. Unti-unting kumikipot ang lawing ito. Ang tubig mula sa dalawang ilog na dapat sana ay dumadaloy patungong Aral Sea ay ginamit sa irigasyon. Sa ngayon, patuloy ang pagsisiskap na masagip ang bahagi ng Aral Sea na unti-unting natutuyo.

Makikita rin sa Hilagang Asya ang Kara Kum, isa sa pinakamalaking disyerto sa daigdig. Saklaw nito ang malaking bahagi ng Turkmenistan. Sa Tajikistan naman matatagpuan ang malaking bahagi ng bulubunduking Pamir. Marami sa mga tuktok nito ay may taas na higit sa 20,000 talampakan.

2. Silangang Asya

Lima ang mga bansang matatagpuan sa Silangang Asya. Ang rehiyong ito ay may kabuuang sukat na umaabot sa 11,525,000 km2 .

Nasa Silangang Asya ang China, ang pinakamalaking bansang Asyano. Higit sa 9,300,000 km2 ang lawak ng teritoryo nito at siya ring pimakamataong bansa sa buong daigdig. May populasyon itong umaabot sa higit 1.33 bilyon noong taong 2010.

Matatagpuan din sa rehiyong ito ang Japan na isang industriyalisadong bansa, Mongolia na lupain ng mga nagtataasang talampas at kabundukan, at North Korea at South Korea na mga nagsasariling bansa mula pa noong 1948.

Napaliligiran ang silangang Asya ng mga likas na hangganan. Ihinihiwalay ng Sea of Japan (o East Sea) at Korea Strait ang Japan sa pangkontinenteng Asya; ng Taiwan Strait ang Taiwan at China; at ng Bashi Channel ang Taiwan at Pilipinas.

Sa timog ng rehiyon, pumapagitan sa Silangang Asya at Timog Asya ang matataas na bulubundukin ng Himalayas. Sa kanlurang bahagi ng China matatagpuan ang Taklamakan Desert at sa hilagang-kanlurang bahagi naman ang Bulubundukin ng Tian Shan (Tien Shan).

3. Timog-silangang Asya

Binubuo ng 11 bansang Timog-silangang Asya kabilang na ang Pilipinas. Ang Timor Leste ang huling naging ganap na estado sa rehiyon. Nakamit nito ang kalayaan mula sa Indonesia noong ika-20 ng Mayo, 2002. Tinatayang may kabuuang sukat na 4,360,000 km2 ang Timog-silangang Asya.

Pagdating sa mga heo-grapikal na hangganan, ang Timog-silangang Asya ay ihinihiwalay ng China at Taiwansa hilaga, Indian Ocean at Australia sa timog, Bay of Bengal at Indian subcontinent sa kanluran, at Pacific Ocean at Papua New Guinea sa silangan.

May dalawang paghahating heograpikal ang Timog-silangang Asya: ang pangkontinenteng Timog-silangang Asya at ang pangkapuluang Timog-silangang Asya.

May klimang tropical ang Timog-silangang Asya sapagkat matatagpuan ito malapit sa equator. Ang mainam na klima nito – na binubuo ng panahon ng tag-ulan at ng tag-araw – ang nagbibigay sa rehiyon ng biyaya ng makakapal na tropical rainforest.

4. Timog Asya

May pitong bansa sa Timog Asya. Ang rehiyon ay may kabuuang sukat na umaabot sa 4,123,000 km2 at sumasakop sa halos 10% ng kalupaan ng Asya.

Nasa Indian subcontinent ang India, Bangladesh, Bhutan, Nepal, at Pakistan. Matatagpuan naman ang mga bansang kapuluan na Sri Lanka at Maldives sa timog ng Indian subcontinent.

Ipinapalagay ng mga heograpo na ang kalupaan ng Timog Asya, kung saan ang malaking bahagi ay sakop ng India, ay dating nakahiwalay sa pangkontinenteng Asya. Dahil sa patuloy na paggalaw ng lupa, unti-unting dumikit ang kalupaan ng Timog Asya sa kontinente hanggang sa maging bahagi na ito ng pangkontinenteng Asya. Ito ang isang paliwanag kung bakit tinagurian ang India bilang “Asia’s subcontinent.”

Ayon sa mga eksperto, ang bulubundukin ng Himalayas sa hilagang bahagi ng Timog Asya ang patunay sa pagbangga ng India sa pangkontinenteng Asya. Ang Himalayas ang nagsisilbing hangganan ng Timog Asya sa iba pang rehiyon ng kontinente.

Ang Timog Asya ang isa sa pinakamataong lugar sa buong daigdig. Umaabot sa 349 katao bawat kilometro kuwadrado ang population density nito – halos pitong ulit na mas malaki kaysa sa population density ng daigdig.

5. Kanlurang Asya

Matatagpuan sa Kanlurang Asya ang 16 na bansa. Ito ang rehiyon ng Asya na may pinakamaraming bansa. Ang Saudi Arabia at Iran ang pinakamalalaki sa mga ito. May tinatayang kabuuang sukat ang rehiyon na 6,811,000 km2 .

Kung mapapansin sa mapa, may dalawang tangway at tatlong malalaking anyong tubig ang Kanlurang Asya. Ang pinakamalaking tangway ay ang Arabian Peninsula. Napaliligiran ito ng Red Sea sa kanluran, Persian Gulf sa silangan, at Gulf of Aden at Arabian Sea sa timog. Malaking kalupaan ng Arabian Peninsula ang sakop ng Saudi
Arabia. Nasa Timog na bahagi naman nito ang Yemen at Oman. Sa bandang silangan ay ang United Arab Emirates (UAE) at Qatar.

Sa hilagang-kanlurang bahagi ng rehiyon matatagpuan ang Anatolian Peninsula. Tatlong dagat ang nagsisilbing hangganan nito: ang Mediterranean Sea, Aegean Sea, at Black Sea. Sakop ng Turkey ang buong tangway ng Anatolia.


May mainit na temperature ang Kanlurang Asya na umaabot sa 460C. Dahilan ito upang katagpuan ang rehiyon ng malalawak na disyerto tulad ng Arabian Desert, Syrian Desert, at Negev Desert. May nagtataasang talampas din ang rehiyon. Dalawa rito ang Plateau of Iran at Arabian Central Plateau.