Katulad ng India, nanirahan din sa China ang mga
sinaunang tao sa loob ng ilang libong taon. Patunay rito ang pagkakatuklas ng
mga arkeologo ng mga ebidensiyang may Sistema ng pagsasaka ang mga Tsino may
8000 taon na ang nakararaan. Sa pagpasok ng dakong 2000 B.C.E. , umunlad ang
mga pamayanang Tsino sa tabi ng Yellow River (o Huang Ho River).
Kalagayang Heograpikal ng
China
Matatagpuan ang China sa Silangang Asya. Kung
lupain ang pag-uusapan, ito ang pinakamalaking bansa sa Asya. May kabuuang
sukat ito na higit sa 9,300,000 kilometro kuwadrado o halos 32 ulit ng laki ng
Pilipinas.
Ihinihiwalay ng mga likas na balakid ang China sa
iba pang pook sa Asya. Nasa hilaga nito anf Gobi Desert; sa timog-kanluran, ang
Himalayas; sa silangan, ang mga anyong tubig tulad ng Yellow Sea at East China
Sea; sa timog-silangan, ang South China Sea; at sa kanlurang bahagi naman, ang
Tibetan Plateau at Taklamakan Desert.
Ang mga Ilog Huang Ho at
Yangtze
Katulad sa Mesopotamia at India, karaniwang
nanirahan ang mga sinaunang tao sa China sa mga lambak-ilog. Ito ay dahil na
rin sa mga kabutihang dulot ng ilog sa pamumuhay ng mga tao tulad ng
mapagkukunan ng tubig na maiinom, patubig sa mga sakahan, at mabilis na
transportasyon. Dalawa sa pinakamahalagang ilog sa China ang Chang Jiang
(Yangtze) at Yellow River (Huang He).
Ang Chang Jiang ang pinakamahabang ilog sa Asya at
pa-ngatlo sa buong daigdig kasunod ng Nile at Amazon River. Dumadaloy ang tubig
ng Chang Jiang mula sa mataas na lupain sa timog China palabras ng east China
Sea. Isa ito sa pangunahing rutang pangkalakalan ng mga sinaunang Tsino.
Lumalandas naman ang Yellow River sa hilagang
China mula Tibetan Plateau palabras ng Yellow Sea. Naging isang malakas na
puwersang heograpikal ang Yellow River sa kasaysayan ng bansa at nagdulot ito
ng mabuti at hindi mabuting pangyayari sa mga Tsino mula pa noong sinaunang
panahon.
Sinaunang
Kasaysayan at Pamumuhay ng Kabihasnang Shang
Bago pa man nakamit ng mga tsino ang kabihasnan,
ipinapalagay na may mga naitatag nang pamayanan sa lambak-ilog ng Yellow River.
Noong dakong 2000 B.C.E., may mga nanirahang katutubong Tsino sa naturang pook
na nakapagtayo ng mga tirahang may bubong na pawid o kugon. Mayroon na rin
silang paraan ng pagtatanim at mga kanal na nagsilbing patubig at pangkontrol
sap ag-apaw ng tubig sa Yellow River.
Paglipas ng panahon, umunlad ang nasabing mga
pamayanan at ilan dito ay naging mga lungsod. Noong dakong 1750 B.C.E., isang
pamilya ang naging makapangyarihan at tuluyang namahala sa lambak-ilog ng
Yellow River. Ito ang pamilya Shang na pinagmulan ng mga naging pinuno sa loob
ng mahabang panahon. Kinilala ang pamamahala ng pamilyang ito bilang
dinastiyang Shang.
Pinangasiwaan ng dinastiyang Shang ang China
particular ang bahagi sa silangan ng Yellow River at Chang Jiang. Ayon sa mga
arkeologo, mahigit sa 300 pamayanan ang nasa rehiyong ito. Isa sa pinakamaunlad
na lungsod ang Anyang, ang sentro ng dinastiyang Shang. Matatagpuan sa naturang
lungsod ang palasyo ng hari at ang templo. Makikita rin sa Anyang ang mga
tindahan, gusaling imbakan ng pagkain, at iba pang mga pampublikong gusali.
Tumagal ang dinastiyang Shang ng mahigit 500 taon.
Noong dakong 1122 B.C.E., sinakop ang lungsod ng Anyang ng isang pangkat ng mga
tsino na nagmula sa kanlurang bahagi ng China. Kinilala sila bilang mga Zhou.
Ito ang nagwakas sa kabihasnang Shang.